Ang sinumang naniniwalang nakaranas siya ng diskriminasyon o paghihiganti dahil sa mga aksiyon ng Department of Health (DOH, Kagawaran ng Kalusugan), o ng mga empleyado o tagapagbigay-serbisyo nito, ay maaaring maghain ng reklamo sa Civil Rights & ADA Program (Programa ng Mga Karapatang Sibil at Batas para sa mga Amerikanong may Kapansanan) sa loob ng 180 araw mula nang mangyari ang insidente. Kung hindi magagawa sa takdang panahong ito ang reklamo, maaari pa ring makipag-ugnayan ang mga indibidwal kay Javier Ruiz (Tagapamahala ng Civil Rights & ADA Program) upang humingi ng patnubay.
Pagsusumite ng Reklamo
Maaaring isumite ang mga reklamo sa isang sulat gamit ang form para sa pagrereklamo (PDF), sa pamamagitan ng email, koreo, nang personal, o telepono. Magsasagawa ang DOH ng makatwirang pagsisikap upang matulungan ang mga indibidwal na may kapansanan, hindi nagsasalita ng wikang Ingles, at iba pang nahihirapang maghain ng reklamo.
Kapag nagsusulat ng reklamo, makatutulong kung isasama ang sumusunod na impormasyon:
- Pangalan, address, numero ng telepono, at email
- Isang paglalarawan ng pag-aasal o insidente at ang petsa kung kailan ito naganap
- Isang paliwanag kung bakit ka naniniwalang may nangyaring diskriminasyong labag sa batas, kasama na rito kung bakit ka naniniwalang may kinalaman ang pag-aasal o insidente sa isang protektadong uri
- Isang paglalarawan ng mga aksiyong pinaniniwalaan mong puwedeng isagawa ng DOH upang malutas ang problema
Maaari mong gamitin ang form para sa pagrereklamo (PDF) ng DOH, na ginawa upang matulungan kang ibigay ang impormasyong kailangan ng DOH upang magawan ng ebalwasyon ang iyong reklamo.
Washington State Department of Health Civil Rights & ADA Program
PO Box 47890 | Olympia, WA 98504-47890
(833) 428-3703 | Civil.Rights@doh.wa.gov
Proseso ng Pagrereklamo
Kapag nakatanggap ng reklamo, makikipag-ugnayan ang isang miyembro ng kawani mula sa Civil Rights & ADA Program sa nagrereklamo sa loob ng 15 araw sa kalendaryo upang talakayin ang isyu. Bago magbukas ng imbestigasyon, susuriin muna ng Civil Rights & ADA Program ang reklamo upang malaman kung napapailalim ito sa saklaw at awtoridad nito. Kung magbubukas ng imbestigasyon ang Civil Rights & ADA Program, susuriin nito ang lahat ng may kinalamang ebidensiya, kapapanayamin ang mga saksi, at kokonsultahin ang mahahalagang eksperto upang malaman ang pinakaangkop na aksiyon at posibleng resolusyon. Ibibigay ang kahihinatnan ng imbestigasyon sa isang sulat, na kabibilangan ng isang buod ng mga bagay na matutuklasan, isang pagpapasya kung naganap o hindi ang diskriminasyon, at anumang panukalang remedyo, kung angkop.
Di-pormal na Resolusyon
Anumang oras, maaaring subukan ng Civil Rights & ADA Program na lutasin ang reklamo sa pamamagitan ng pakikipagbati at solusyong mapagkakasunduan ng lahat ng panig. Ang prosesong ito para sa di-pormal na resolusyon ay hindi naglilimita o tumatanggi sa karapatan ng nagrereklamo na ituloy ang kaniyang pormal na reklamo sa DOH Civil Rights & ADA Program o anumang panlabas na ahensiyang tagapagpatupad.
Panahon ng Pangangasiwa sa Reklamo
Karaniwang nalulutas ang mga reklamo ng diskriminasyon at paghihiganti sa loob ng 90 araw pagkatapos itong ihain. Kung kakailanganin ng karagdagang panahon, aabisuhan ng kawani ng Civil Rights & ADA Program ang nagrereklamo sa isang sulat.
Mga Karagdagang Opsiyon para sa Nagrereklamo
Kung hindi matutugunan ng sagot ng kagawaran ang isyu ayon sa kasiyahan ng nagrereklamo, ipaaalam sa kaniya ang kaniyang karapatang maghain ng reklamo sa iba pang naaayong ahensiya, gaya ng U.S. Department of Justice (Kagawaran ng Katarungan ng U.S.), U.S. Environmental Protection Agency (Ahensiyang Tagapagprotekta ng Kapaligiran ng U.S.), Department of Health and Human Services (Kagawaran ng mga Serbisyong Pangkalusugan at Pantao), o Washington State Human Rights Commission (Komisyon sa mga Karapatang Pantao ng Estado ng Washington).
Paghihiganti
Susuriin din ng Civil Rights & ADA Program ang mga reklamong naghihinala ng paghihiganti, kung saan dumanas ang isang indibidwal ng negatibong kinahinatnan o masamang aksiyon mula sa DOH, o sa mga empleyado o tagapagbigay-serbisyo nito, bilang resulta ng paglahok sa protektadong aktibidad. Maaaring kasama sa protektadong aktibidad, bilang halimbawa, ang paghahain ng reklamo ng diskriminasyon, paglahok sa isang imbestigasyon, o paggiit sa mga karapatan ng isang tao sa ilalim ng batas ng mga karapatang pantao.
Resolusyon sa Reklamo
Panghuli, susubaybayan ng Civil Rights & ADA Program ang proseso ng resolusyon upang tiyaking maisasagawa ang anumang napagkasunduang aksiyon sa loob ng nakatalagang panahon.