Mga Alalahanin sa Kalusugan – Usok mula sa Sunog

Image
Health Concern - Smoke From Fires

Hindi mabuti para sa kahit sino ang paglanghap ng usok. Dapat magsagawa ng mga hakbang ang lahat upang mabawasan ang pagkakalantad at magsubaybay ng mga sintomas kapag mausok at pagkatapos magkausok.

Ang pagkakalantad sa usok mula sa sunog ay puwedeng magdulot o magpalala ng ilang problema sa kalusugan, banayad man o malubha. Habang dumarami ang usok, puwedeng lumala at maging malubha pa ang mga epekto, lalo na para sa mga taong sensitibo sa usok - tingnan sa ibaba. Puwedeng magkaroon ng sintomas o problema sa kalusugan ang kahit sino.

Kabilang sa ilang sintomas ang:

  • Iritasyon sa mata, ilong, at lalamunan (mahahapding mata, sinisipong ilong, pag-ubo).
  • Pagkapagod.
  • Sakit ng ulo.
  • Paghingasing at pangangapos ng hininga.
  • Nadagdagang sintomas mula sa mga umiiral nang kondisyon, partikular na sa mga sakit sa baga at puso (mga pagsumpong ng hika, paninikip ng dibdib, hindi regular na tibok ng puso).
  • Mga alalahanin sa kalusugan ng pag-iisip at stress.

Magpatingin sa doktor kung nakararanas ng malulubhang sintomas, gaya ng paninikip ng dibdib o problema sa paghinga, kapag may usok mula sa wildfire at sa loob ng isang linggo pagkatapos nito.

Mga Taong Lalo nang Sensitibo sa Usok

Habang dumarami ang usok, puwedeng lumala at maging malubha pa ang mga epekto, lalo na para sa mga sensitibong grupo. Maraming tao ang higit na nanganganib na magkaroon ng malulubhang epekto sa kalusugan, kabilang na ang:

  • Mga taong may sakit sa baga, gaya ng hika o chronic obstructive pulmonary disease (COPD, matagalang sakit kung saan may nakabara sa daluyan ng hangin), chronic bronchitis, at emphysema.
  • Mga taong may mga kasalukuyan o kamakailang impeksiyon sa sistema ng paghinga, gaya ng COVID-19, pulmonya, acute bronchitis, bronchiolitis, sipon, o trangkaso.
  • Mga taong may mga umiiral nang problema sa puso o sistema ng sirkulasyon, gaya ng congestive heart failure (pagpalya ng puso dahil sa paninikip) o coronary artery disease (sakit kung saan may pagbarang nagpapakitid sa mga ugat).
  • Mga taong nakaranas na dati ng atake sa puso o stroke.
  • Mga taong may diyabetes dahil mas posible silang magakroon ng hindi pa nada-diagnose na cardiovascular disease (sakit sa puso at ugat).
  • Mga taong 18 taong gulang pababa dahil nade-develop pa lang ang kanilang mga baga at daluyan ng hangin, at nakalalanghap sila ng mas maraming hangin kada libra ng timbang ng katawan kaysa sa mga taong nasa hustong gulang na.
  • Mga taong 65 taong gulang pataas dahil mas posibleng silang magkaroon ng hindi pa natutukoy na sakit sa puso o baga.
  • Mga taong buntis dahil mas nanganganib ang parehong buntis at sanggol sa sinapupunan na magkaroon ng mga epekto sa kalusugan.
  • Mga taong may pangangailangan sa access at pag-function na maaaring mangailangan ng karagdagang tulong dahil sa anumang kondisyong maaaring nakapaglilimita sa kanilang kakayahang kumilos sa isang emergency.
  • Mga taong naninigarilyo o dating naninigarilyo dahil mas posible silang magkaroon ng mas mahinang baga at/o sakit sa baga.
  • Mga taong nagtatrabaho sa labas dahil mas madalas sila sa labas at maaari silang malantad sa usok nang mas matagal.
  • Mga komunidad na may kulay o iba't ibang lahi dahil madalas silang nakararanas ng hindi patas na lipunan at ekonomiya na nakapag-aambag sa higit na panganib na magkaroon ng mga negatibong epekto sa kalusugan mula sa usok.
  • Mga miyembro ng mga tribo at Katutubong tao dahil kadalasang sila ang una at pinakamalalang naaapektuhan ng mga panganib sa pagbabago ng klima, kabilang na rito ang usok.
  • Mga taong may mababang kita dahil maaaring mayroon silang hindi sapat na access sa pangangalagang pangkalusugan o posibleng wala silang kakayahang makakuha ng mga interbensiyon upang mabawasan ang kanilang pagkakalantad.
  • Mga taong walang tirahan o silungan dahil kapag mas madalas silang nasa labas, puwedeng madagdagan ang kanilang pagkakalantad sa usok at maaaring wala silang access sa mga serbisyong panlipunan at pangkalusugan.

Mga Karagdagang Mapagkukunan ng Tulong