Protektahan ang Inyong Sarili at ang Iba - Usok mula sa Sunog

Hindi mabuti para sa kahit sino ang paglanghap ng usok. Alamin pa ang tungkol sa mga alalahanin sa kalusugan na dulot ng paglanghap ng usok mula sa sunog.

Dapat magsagawa ang lahat ng mga hakbang upang mabawasan ang kanilang pagkakalantad. Nasa ibaba ang mga hakbang na puwede ninyong gawin upang matulungan kayong protektahan ang inyong sarili, ang inyong pamilya, ang inyong mga alagang hayop, at livestock mula sa usok na dulot ng sunog kapag nasa labas o nasa loob kayo. Kung mayroon kayong hika o iba pang sakit sa baga, sundin ang payo o plano ng pagkilos para sa hika ng inyong tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan, kung mayroon kayo nito.

Sa Labas

Kapag nasa labas, limitahan ang dami ng oras at tindi ng pisikal na aktibidad. Kung kailangan ninyong lumabas sa loob ng limitadong tagal ng panahon, magsuot ng respirator para sa particulate na maayos na nakalapat at aprobado ng National Institute for Occupational Safety & Health (NIOSH, Pambansang Institusyon para sa Kaligtasan at Kalusugan sa Trabaho), gaya ng N95 mask.

Kung lalabas kayo kapag mausok, tandaang tingnan ang aming pahina ng mga mapagkukunan ng tulong sa kalidad ng hangin.

Icon - Mask

Paggamit ng Mask

Kung hindi ninyo maiiwasang lumabas kapag mausok, puwedeng makapagbigay ng kaunting proteksiyon ang mga N95 mask. Sinasala ng mga mask na ito ang mga pinong particle sa usok pero hindi ang mga mapaminsalang gas, gaya ng carbon monoxide. Makahahanap ng mga N95 mask sa maraming tindahan ng hardware, tindahan para sa pagkukumpuni ng bahay, at botika.

Kinakailangang may maayos na sukat at pagkakalapat ang mga N95 mask upang maiselyo ito sa paraang nakapagbibigay ng proteksiyon. Kung hindi maayos ang pagkakasuot, maaaring hindi ito makapagbigay ng sapat na proteksiyon. Halimbawa, ang balbas at buhok sa mukha ay nakapipigil na maiselyo ito nang maayos, na ang ibig sabihin ay mas kaunting proteksiyon lang ang mailalaan nito. Panoorin ang video na ito (Ingles lang) kung paano gamitin nang maayos ang N95 mask.

Ang maliit na sukat ng N95 mask para sa nasa hustong gulang ay posibleng magkasya sa mga batang edad 7 pataas, pero wala nang mas maliit pang sukat dito, at hindi nasuri ang mga N95 para sa malawakang paggamit ng mga bata.

Tingnan ang patnubay ng Western States PEHSU (PDF) para sa mas marami pang rekomendasyon sa paggamit ng mask ng mga bata. (Ingles lang)

Mas mahirap huminga kapag nakasuot ng mask. Ang sinumang may sakit sa baga, sakit sa puso, o may matagalang sakit ay dapat komunsulta sa tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan bago gumamit ng mask.

Sa mga espasyo sa loob kung saan hindi ninyo mapananatiling sarado ang mga bintana o masasala ang hangin sa loob, makatutulong ang pagsusuot ng N95 mask sa loob ng maiikling panahon kung maraming usok sa labas. Kabilang sa mga halimbawa ng espasyo sa loob na ito ang pampublikong transportasyon at mga gusaling komersiyal o pampubliko.

Iba pang impormasyon tungkol sa maayos na paggamit at pagkakalapat at kung paano matutukoy kung aprobado ng NIOSH ang mask:

Icon - exercising outdoors

Pag-eehersisyo

Napakahalaga sa kalusugan ng pag-eehersisyo. Gayunman, kapag nag-eehersisyo kayo, nadaragdagan ang nalalanghap ninyong hangin, na ang ibig sabihin ay nakalalanghap kayo ng mas maraming polusyon kapag hindi maganda ang kalidad ng hangin. Kapag mausok, subukang mag-ehersisyo sa loob ng gusali. Kung hindi maganda ang hangin sa loob ng inyong gusali, pagaangin ang inyong mga aktibidad. Bilang pangkalahatang patnubay, kung sensitibo kayo sa usok, dapat ninyong limitahan ang inyong mga aktibidad kapag ang kalidad ng hangin ay nasa kategoryang Hindi Mainam para sa mga Sensitibong Grupo (Kahel, AQI 101-150) o mas malala pa. Sensitibo man kayo o hindi, dapat ninyong subaybayan kung magkakaroon kayo ng mga sintomas. Dapat limitahan ng lahat ang mga aktibidad kapag ang kalidad ng hangin ay nasa kategoryang Hindi Mainam (Pula) o mas malala pa (AQI 151 pataas).

Iba't iba ang pagtugon ng mga tao sa usok na marami at kaunti, at mahalagang bigyang-pansin ang inyong sariling mga sintomas at i-adjust ang inyong mga aktibidad kung kailangan. Tandaan na kahit mabuti ang inyong pakiramdam habang isinasagawa ang aktibidad, puwede pa ring makasama sa inyong kalusugan ang pagkakalantad sa usok, at maaaring may mga sintomas kayo sa loob ng maraming oras o araw pagkatapos nito.

May ilang taong partikular na sensitibo sa mas kaunting usok at maaaring magsimula ang kanilang mga sintomas kapag ang kalidad ng hangin ay nasa kategoryang Katamtaman (Dilaw, AQI 51-100), gaya ng mga taong may hika at mga kondisyon sa baga at puso. Kung partikular kayong sensitibo sa mas kaunting usok, inirerekomenda naming magsagawa ng mga hakbang upang mabawasan ang pagkakalantad sa ganoong antas.

Dapat din ninyong iwasang bigyan ng ehersisyo ang inyong alagang hayop sa labas kapag hindi maganda ang kalidad ng hangin. Dalhin lang ang mga alagang hayop sa labas para sa maiikling pagbabanyo.

Icon - Car

Pagmamaneho

Iwasang magmaneho hangga't maaari. Kung kailangan ninyong magmaneho, panatilihing nakasara ang mga bintana. Gamitin ang air conditioner at i-set ang filtration sa pag-recirculate ng hangin. Kayang ma-recirculate ng karamihan ng sasakyan ang hangin sa loob ng kotse, na makatutulong na mapanatili sa labas ang mausok na hangin; gayunman, puwedeng maipon at magdulot ng pagkaantok ang carbon dioxide. Maaaring kailanganin ninyong magpalipat-lipat sa pag-recirculate ng hangin at sa pagpapasok ng sariwang hangin paminsan-minsan.

Panatilihing maayos ang mga intake filter ng inyong kotse at magpaserbisyo kung kailangan. Puwede ring makaapekto ang usok sa kakayahang makakita, at maaaring kailanganin ninyong mag-adjust tulad ng kung may iba pang panganib na dulot ng masamang lagay ng panahon upang makapagmaneho nang ligtas.

Sa loob

  • Isara ang mga bintana at pinto, maliban na lang kung masyadong mainit upang makapagpanatili ng ligtas na temperatura. Link sa ibaba.
  • Salain ang hangin sa pamamagitan ng HVAC system, na isang portable na panlinis ng hangin na HEPA, o DIY box fan filter (pansalang gawa sa hugis kahong bentilador). (Ingles lang)
  • I-set ang HVAC sa recirculate mode o isara ang pasukan ng hangin mula sa labas/sariwang hangin.
  • Huwag nang dagdagan pa ang polusyon sa loob ng gusali. Iwasang:
    • magsindi ng kandila, insenso, at kahoy.
    • gumamit ng mga pangwisik, naka-diffuse na essential oil, o air freshener.
    • magpakulo o magprito ng pagkain at limitahan ang paggamit ng kalan o pugon na de-gas o propane.
    • gumamit ng mga furnace o heater na de-gas o propane.
    • manigarilyo o mag-vape sa loob ng gusali.
    • magwalis o mag-vacuum maliban kung may HEPA filter ang inyong vacuum.
  • Sulitin ang mga panahong may mas magandang kalidad ng hangin, gaya ng kapag umuulan o nagbago ang ihip ng hangin, upang buksan ang mga bintana at i-set ang inyong HVAC system sa pagpapapasok ng sariwang hangin. Lalo na itong mahalaga kapag may matagalang usok (3-4 na araw o higit pa). Tandaang isara ulit ang mga bintana at i-off ulit ang pagpapapasok ng sariwang hangin kapag lumala ang kalidad ng hangin.
  • Kung hindi ninyo mapananatiling sarado ang mga bintana o masasala ang hangin sa loob, makatutulong ang pagsusuot ng N95 mask sa loob ng maiikling panahon kung maraming usok sa labas. Mga halimbawa: pampublikong transportasyon at mga gusaling komersiyal o pampubliko.
  • Kung hindi makapagpapanatili ng mas malinis na hangin sa bahay, pumunta sa ibang lugar, gaya ng bahay ng isang kapamilya o kaibigan, pampublikong espasyo sa loob ng gusali, o hindi apektadong lugar.
  • Gumawa ng kuwartong may mas malinis na hangin sa inyong bahay (Environmental Protection Agency (EPA, Ahensiyang Tagapagprotekta ng Kalikasan)) (Ingles lang) na naka-set up upang mapakaunti ang usok kapag may usok na dulot ng wildfire.
  • Manood ng video at alamin kung paano gumawa ng kuwartong may mas malinis na hangin.
Icon - Hot
Mainit at Walang Air Conditioning

Puwedeng mahirap panatilihin sa labas ang usok kapag mainit, lalo na kapag walang air conditioner o central cooling system. Bigyang-pansin ang pagtaas ng temperatura, dahil ang pagkakasakit nang may kinalaman sa init ay puwedeng mangyari nang mabilis at maging mapanganib. Kung mainit sa loob ng gusali kapag hindi maganda ang kalidad ng hangin, makatutulong sa inyo ang mga hakbang na ito upang manatiling presko:

Isara ang mga bintana, kurtina, at pantabing sa araw at gumamit ng mga portable na bentilador. Bawasan ang paggamit ninyo ng kalan at pugon sa pinakamaiinit na bahagi ng araw.

Para sa impormasyon tungkol sa pag-iwas sa pagkakasakit na may kinalaman sa init, sundin ang patnubay na pangkaligtasan sa mainit na lagay ng panahon (Ingles lang) ng Department of Health (DOH, Kagawaran ng Kalusugan) o ang Pag-iwas sa Pagkakasakit na may Kinalaman sa Init ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC, Mga Sentro para sa Pagkontrol at Pag-iwas sa Sakit). (Ingles lang)

  • Maligo o mag-shower nang malamig. Maging mapagmatyag sa matitinding pagbabago ng temperatura, na puwedeng magdulot ng panganib.
  • Gumamit ng mga pack ng yelo o ilagay ang inyong mga paa sa malamig na tubig. Maglapat ng basang tuwalya sa inyong batok o wisikan ang inyong sarili ng tubig habang nakaupo malapit sa bentilador.
  • Manatiling hydrated o madalas na uminom, lalo na ng tubig. Iwasan ang mga inuming maasukal o may alak dahil puwedeng maka-dehydrate o hindi makapawi ng uhaw ang mga ito.
  • Pumunta sa mas malamig na lugar sa loob ng gusali – kahit na sa loob lang ng ilang oras. Para sa napapanahong impormasyon tungkol sa mga cooling center (sentro para sa pagpapalamig) sa inyong komunidad, bisitahin ang Washington 2-1-1.
  • Bantayan ang kalidad ng hangin at buksan ang inyong mga bintana kapag gumanda na ang kalidad ng hangin. Puwedeng makatulong kung titingnan ninyo ang impormasyon ng “Trend” para sa mga sensor sa mapa ng Sunog at Usok ng EPA para sa mas kamakailang impormasyon ng kalidad ng hangin.
  • Buksan lang ang mga bintana kapag mas malamig sa labas kaysa sa loob. Pinakamabisa ang bukas na bintana kapag puwedeng buksan ang pinto o karagdagang bintana upang makapaglaan ng cross draft o nagsasalitang ihip ng hangin. Para sa iba pang impormasyon, tingnan ang Pagpapalamig sa mga Espasyo sa Loob nang Walang Air Conditioning (PDF). (Ingles lang)
  • Magsagawa ng mga hakbang upang salain ang hangin sa loob - tingnan sa ibaba ang "Pagandahin ang Pagsala ng Hangin sa Aking Bahay".
Icon - Air Filter

Pagandahin ang Pagsala ng Hangin sa Aking Bahay

Kapag sinala ang hangin sa inyong bahay, mapagaganda ang kalidad ng hangin at mababawasan ang pagkakalantad sa usok. Inilalarawan sa ibaba ang tatlong opsiyon sa pagsala. Tandaan, mayroong iba-ibang bagay na dapat isaalang-alang at suplay sa bawat isa sa mga opsiyong ito. Subukang bumili ng anumang kinakailangang materyales bago ang panahon ng wildfire dahil mabilis na mauubos ang mga suplay kapag dumating na ang usok na dulot ng wildfire. Karaniwang nagsisimula ang panahon ng wildfire sa Hulyo o Agosto, pero puwede itong mag-umpisa nang kasing aga ng Mayo.

1. Kung mayroon kayong heating, ventilation, at/o air conditioning (HVAC) system, gumamit ng filter na naka-rate para sa pagtatanggal ng particle. Mababawasan nito ang mga pinong particle mula sa usok na dulot ng wildfire sa inyong buong bahay.

  • Konsultahin ang manwal ng HVAC o komunsulta sa isang propesyonal sa HVAC bago magsagawa ng anumang pagsasaayos.
  • Gumamit ng filter na naka-rate ng MERV 13 o filter na may pinakamataas na rate na kaya ng inyong system. Pumili ng filter na may pinakamalalim na pleat na angkop sa inyong system upang maiwasang mabigatan ang system. Nakalapat dapat nang mahigpit ang filter. Para sa iba pang impormasyon, tingnan ang Ano ang MERV rating ng EPA? (Ingles lang)
  • I-set ang bentilador ng system sa pag-recirculate at sa tuloy-tuloy na paggana sa fan mode. (Siguruhing naka-set ang inyong system sa “on”, hindi “auto”)
  • Kung wala kayong MERV 13 filter, isara ang pinapasukan ng sariwang hangin upang mapanatili sa labas ang usok. Buksan ulit ito kapag gumanda na ang kalidad ng hangin.
  • Tandaang palitan ang filter kapag marumi na o ayon sa nakasaad sa tagubilin ng tagamanupaktura o ng isang propesyonal sa HVAC. Kakailanganin ng mga pamalit na filter nang mas madalas kapag mas matagal na magkakausok.

2. Puwedeng mapaganda ng mga portable na panlinis ng hangin na HEPA ang kalidad ng hangin sa loob sa pamamagitan ng pagtatanggal ng mga particle mula sa usok sa isang kuwarto o sa nakatalagang espasyo. Ang mga panlinis ng hangin na HEPA na kinabibilangan ng mga carbon filter ay puwede ring makapagtanggal ng ilang mapaminsalang gas mula sa hangin sa loob.

Pumili ng portable na panlinis ng hangin (Ingles lang) na:

  1. Filter lang – walang ionic, ozone, o ultraviolet (UV) na teknolohiya.
  2. Isang High Efficiency Particulate Air (HEPA) filter.
  3. Tama ang sukat para sa inyong kuwarto.
  4. Hindi masyadong maingay.

Para sa iba pang impormasyon, tingnan ang:

3. Ang paggawa ng inyong sariling filter ng hugis kahong bentilador (na tinatawag ding DIY filter ng hugis kahong bentilador) ay puwedeng maging mas murang opsiyon upang masala ang hangin at mapaganda ang kalidad ng hangin sa loob sa isang kuwarto o sa nakatalagang espasyo.

  • Pumili ng standard na 20” x 20” na hugis kahong bentilador (2012 o mas bago)
    • Ano ang dapat hanapin sa isang hugis kahong bentilador:
      • Maghanap ng bentilador na may nakalagay na UL-listed o ETL-listed sa ilalim ng mga detalye ng produkto. May mga karagdagang pangkaligtasang feature ang mga mas bagong modelo.
      • Maaaring may hatid na panganib na magkasunog ang mga hugis kahong bentilador na ginawa bago ang taong 2012. Kung gumagamit kayo ng mas lumang modelo ng bentilador, huwag itong iwan nang walang bantay o huwag itong gamitin habang natutulog kayo.
      • Makatutulong kung pipili ng bentilador kung saan nasa labas na rim ng bentilador ang mga pangkontrol na setting at kable ng kuryente upang ma-access ang mga ito kapag naikabit na ang filter.
  • Magkabit ng 20” x 20” na MERV 13 filter sa hugis kahong bentilador. Kung gumagamit kayo ng 1 MERV filter, puwede kayong gumamit ng bungee cord, pang-ipit, tape, o i-screw ang filter sa bentilador gamit ang brackets. Tingnan ang iba pang impormasyon dito:
  • Puwede rin ninyong pag-isipang gumamit ng dalawa o higit pang filter. Kapag maraming filter ang ginamit, hindi gaanong mabibigatan ang motor ng bentilador. Tingnan ang halimbawa ng DIY Filter para sa Hugis Kahong Bentilador na may 2 filter dito:
  • Tingnan ang halimbawa ng DIY Filter para sa Hugis Kahong Bnetilador na may 4 o 5 MERV filter dito:
  • Sundin ang tagubilin ng tagamanupaktura ng hugis kahong bentilador, kabilang na rito ang
    • Huwag iwanan nang walang bantay ang mga bata kapag ginagamit ito.
    • Huwag gumamit ng extension cord.
  • Ilagay ang filter ng hugis kahong bentilador sa isang kuwarto kung saan ninyo planong mamalagi nang pinakamadalas at kung saan puwede ninyong panatilihing nakasara ang mga bintana at pinto. Higit itong magiging mabisa sa mas maliliit na kuwarto at kung saan puwedeng isara ang mga pintuan papunta sa iba pang mga kuwarto.
    • Iposisyon ang filter nang malayo nang kahit isang talampakan lang mula sa mga dingding, muwebles, o iba pang bagay upang hindi maharangan ang pagdaloy ng hangin sa bentilador.
    • Huwag paganahin nang nasa bintana.
    • Napag-alaman ng Puget Sound Clean Air Agency (Ahensiya para sa Malinis na Hangin ng Puget Sound) na aabutin nang hindi iikli sa 10 hanggang 15 minuto bago malinis ang isang mas maliit na kuwarto (15’ x 15’).
  • Panatilihing nakasara ang mga bintana at pinto.
  • Palitan ang filter kapag marumi na. Maaaring mas madalas ito kapag mausok.

Kapag gumagawa ng inyong sariling filter ng hugis kahong bentilador, mahalagang maunawaan ang mga limitasyon nito. Bagaman ayon sa pagsusuri ng UL sa pakikipagtulungan sa EPA, walang napag-alamang alalahaning pangkaligtasan sa mga bentilador mula sa taong 2012 o mas bago, hindi pa rin idinisenyo ang mga hugis kahong bentilador upang gumana nang may nakakabit na filter, at iba-iba ang bisa ng mga ito depende sa piniling disenyo at mga suplay. Hindi inirerekomenda ng EPA ang mga ito bilang permanenteng alternatibo sa mga produktong subok na ang performance, tulad ng mga mabibiling portable na panlinis ng hangin na HEPA.

Para sa iba pang impormasyon tungkol sa pagpapanatiling walang usok sa hangin sa loob ng gusali, tingnan ang Factsheet Tungkol sa Pagsala ng Hangin sa Loob ng Gusali ng EPA (PDF). (Ingles lang)

Protektahan ang mga Bata at Estudyante sa Mauusok na Kondisyon

Ang mga bata at kabataan ay mas sensitibo sa mga epekto sa kalusugan mula sa usok dahil nakalalanghap ang mga bata ng mas maraming hangin para sa timbang ng kanilang katawan kaysa sa mga nasa hustong gulang. Pinatataas nito ang kabuoang dami ng nalalanghap nilang polusyon sa hangin. Bukod pa rito, nade-develop pa lang ang sistema ng paghinga hanggang sa edad 21.

Ang mga bata at kabataan na may kondisyon sa kalusugan (tulad ng hika at iba pang sakit sa baga, sakit sa puso, at diyabetes) ay may mas malaking panganib na mapunta sa kagawaran ng emergency at magpaospital kumpara sa mga batang walang kondisyon sa kalusugan. Ang lahat ng bata at kabataan ay maaari ding manganib na magkaroon ng kahinaan sa pag-aaral, problema sa pag-develop ng utak, at matagalang kondisyon hanggang sa pagtuntong nila sa hustong gulang mula sa pagkakalantad sa usok.

Para sa iba pang impormasyon tungkol sa kalusugan ng mga bata at usok mula sa wildfire, tingnan ang: Kalusugan ng mga Bata at Wildfire ng Western States Pediatric Environmental Health Specialty Units (PEHSU). (Ingles lang)

Icon - Family
Para sa mga Magulang at Guro

Nasa ibaba ang mga mapagkukunang makatutulong sa mga bata na malaman ang tungkol sa usok mula sa sunog at kung paano ito nakaaapekto sa kanila.

Icon - School

Para sa Mga Paaralan, Pasilidad para sa Pangangalaga ng Bata, at Summer Camp

Ang Gabay para sa mga Aktibidad ng mga Bata at Kabataan sa Washington (PDF) ay nagbibigay ng mga rekomendasyon upang maprotektahan ang mga bata at kabataan mula sa mga pinong particle sa usok (PM2.5).

Puwede itong gamitin sa paaralan, sa pangangalaga ng bata, sa pag-eensayo at paglalaro ng athletics, sa mga programa bago at pagkatapos ng pasok sa paaralan, camp, field trip, at sa iba pang programa at aktibidad sa labas. Mayroon ding impormasyon ang gabay na ito tungkol sa pagsusubaybay sa kalidad ng hangin sa labas at sa loob, kabilang na rito ang mga murang sensor. Sundin ang pantubay upang bawasan ang usok sa loob ng mga paaralan at komersiyal na gusali:

Panatilihing Malusog ang mga Alagang Hayop at Livestock Kapag Mausok

Puwede ring maapektuhan ng usok ang kalusugan ng mga hayop. Bantayan ang mga alagang hayop kapag hindi maganda ang kalidad ng hangin, lalo na ang mga may kondisyon sa puso o baga. Kung nagpapakita ang inyong mga hayop ng anumang senyales ng iritasyong dulot ng usok, makipag-ugnayan sa inyong beterinaryo:

  • Nauubo o parang may bara sa lalamunan.
  • Nahihirapang makahinga, kabilang na rito ang paghinga nang nakabukas ang bibig, mas maingay na paghinga, mas mabilis na paghinga, o lahat ng tatlong ito.
  • May lumalabas sa ilong.
  • Napapagod o nanghihina.
  • Nalilito o natutumba.
icon-pets

Mga Alagang Hayop

  • Panatilihin sila sa loob ng gusali hangga't maaari at iwasang mag-ehersisyo sa labas.
  • Panatilihing maikli ang pagbabanyo sa labas.
  • Samahan sila sa loob ng gusali at makipaglaro sa kanila upang mapanatiling aktibo ang kanilang pag-iisip at pangangatawan.
  • Partikular na sensitibo ang mga alagang ibon sa usok at sa hindi magandang kalidad ng hangin, at hindi sila dapat malantad sa labas.

Para sa iba pang impormasyon, tingnan ang Protektahan ang Inyong mga Alagang Hayop mula sa Usok na Dulot ng Wildfire, EPA (Ingles lang)

Icon-livestock

Livestock

  • Limitahan ang kanilang pag-eehersisyo at palaging maglaan ng maraming sariwang tubig malapit sa kanilang pagkain o dayami.
  • Ibabad ang dayami upang hindi sila makalanghap ng mga particle ng alikabok na maaaring makadagdag sa iritasyon sa kanilang daluyan ng hangin.
  • Limitahan ang pagkakalantad sa alikabok sa pamamagitan ng pagpapakain ng mga pagkaing kaunti lang o walang alikabok at pagwisik o pagdudulot ng hamog sa lugar kung nasaan ang livestock.

Maaaring mangailangan ang livestock ng maraming linggo upang gumaling pagkatapos magkaroon ng hindi magandang kalidad ng hangin. Kausapin ang inyong beterinaryo tungkol sa pinakamahusay na paraan upang masubaybayan ang inyong mga hayop at kung kailan sila ulit maaaring mag-ehersisyo, asikasuhin, ilipat, o ibiyahe.

Para sa iba pang impormasyon, tingnan ang Protektahan ang Inyong Malalaking Hayop at Livestock mula sa Usok na Dulot ng Wildfire (PDF). (Ingles lang)

Protekatahan ang Kalusugan ng Inyong Pag-iisip

Puwedeng makaapekto sa kalusugan ng pag-iisip at pag-uugali ang matagal na pagkakaroon ng usok. Nakaaapekto ang usok mula sa wildfire at mga sakuna sa ating pang-araw-araw na ginagawa, kabilang na rito ang paglimita sa oras na iginugugol natin sa labas at ang pagbabago sa ating mga aktibidad. Maaaring maramdaman ng ilang tao na nag-iisa sila at malayo sa iba dahil sa pamamalagi nila sa loob ng bahay o kaya naman ay makaramdam sila ng lungkot dahil sa kawalan ng sikat ng araw. Ang usok ay isa ring direktang banta sa kalusugan at kaligtasan. Parehong labis na mahalaga ang pagproteka sa kalusugan ng pag-iisip at pangangatawan.

Narito ang ilang bagay na magagawa ninyo para sa kalusugan ng inyong pag-iisip kapag may usok:

  • Mahalagang makisalamuha sa iba. Tumukoy ng isang taong mahihingan ninyo ng tulong at isang taong maaaring kailangan ng inyong tulong. Kumustahin ang mga mahal sa buhay at mga kapitbahay.
  • Gumugol ng panahon kasama ng mga mahal sa buhay sa mga bahagi ng bahay na may mas malinis na hangin o magkakasamang pumunta sa isang pampublikong espasyo sa loob ng gusali na may mas malinis na hangin, gaya ng aklatan, mall, o iba pang espasyong may sinasalang hangin sa loob ng gusali.
  • Magkakasamang gumawa ng mga DIY filter para sa hugis kahong bentilador. (Ingles lang)
  • Mag-ehersisyo nang magaan sa loob ng gusali.
  • Samahan at makipaglaro sa inyong mga alagang hayop sa loob ng gusali upang makapag-ehersisyo rin sila nang kaunti.
  • Basahin pa ang tungkol sa Pag-agapay sa Stress na Dulot ng Usok mula sa Wildfire(PDF). (Ingles lang)

Mga Karagdagang Mapagkukunan ng Tulong