Mapagkakatiwalaan mo ang bakuna sa COVID-19!
Balak ng karamihan ng tao sa Estados Unidos na magpabakuna laban sa COVID-19, ngunit maaaring gusto ng iba ng higit pang impormasyon bago magpabakuna. Ganap na normal lamang ito. Nais nating lahat na maging panatag sa paggawa ng anumang desisyong nakakaapekto sa ating buhay.
Para maging panatag, kailangan natin ng impormasyon mula sa mga pinagkakatiwalaang pinagmulan. Tulungan ang iyong mga kaibigan at pamilya na matukoy ang mga sabi-sabi mula sa totoong impormasyon tungkol sa bakuna sa COVID-19.
Makakatulong ka na mapanatag ang mga tao sa kanilang desisyon na magpabakuna. Maaari mong gawin ito sa pamamagitan ng:
- Paglalaan ng oras para makinig sa mga alalahanin ng kaibigan o miyembro ng pamilya mo. Tingnan ang gabay sa Pag-uusap tungkol sa Mga Bakuna na ito (sa wikang Ingles lamang) para sa mga tip sa kung paano makipag-usap tungkol sa mga bakuna.
- Pagsagot sa kanilang mga tanong. Kung hindi mo alam ang sagot, maaari mong imungkahi na makipag-usap sila sa kanilang provider ng pangangalagang pangkalusugan.
- Kapag nakapagpasiya ka nang magpabakuna, ibahagi ang mga dahilan kung bakit ka nagpabakuna. Maaaring malakas ang impluwensiya ng iyong personal na kwento sa iyong pamilya at komunidad.
May kakayahan kang impluwensiyahan ang mga taong nasa paligid mo gamit ang mga sinasabi mo at mga ginagawa mo. Tingnan ang mga tip na ito sa paano makipag-usap tungkol sa mga bakuna sa COVID-19 sa mga kaibigan at pamilya (sa wikang Ingles lamang).
Tingnan ang mga totoong impormasyon tungkol sa bakuna sa ibaba at ibahagi ito sa iyong mga kakilala. Ikinategorya namin ang mga ito sa mga patok na saklaw ng paksa.
- Kaligtasan at Pagiging Mabisa
- Kalusugan ng Reproductive System
- Mga Sangkap
- Mga Alalahanin sa Kalusugan
Kaligtasan at Pagiging Mabisa
Bakit mahalaga kung kukunin ko ang bakuna sa COVID-19 o hindi?
Talagang nasa iyo ang desisyong kumuha ng bakuna sa COVID-19, pero kailangan natin na magpabakuna ang maraming tao hangga't maaari para matapos ang pandemyang ito. Mas mahirap para sa virus ng COVID-19 na kumalat kapag immune o hindi tatablan ang maraming tao sa isang komunidad – sa pamamagitan ng pagpapabakuna o kamakailang impeksyon. Kung mas mataas ang ating rate ng pagpapabakuna, mas mababa ang ating rate ng impeksyon.
Maaari pa ring makuha ng mga taong hindi pa nababakunahan ang virus at maikalat ito sa iba. Hindi maaaring makuha ng ilang tao ang bakuna dahil sa mga medikal na kadahilanan, at nagdudulot ito ng mataas na posibilidad nilang malantad sa COVID-19. Kung hindi ka pa nababakunahan, mas mataas din ang posibilidad na maospital o mamatay ka nang dahil sa isang variant ng COVID-19 (sa wikang Ingles lamang). Hindi lamang ikaw ang pinoprotektahan ng pagpapabakuna, kundi pati na rin ang iyong pamilya, mga kapitbahay, at komunidad.
Bakit dapat kong kunin ang bakuna sa COVID-19 kung nabubuhay naman ang karamihan sa mga tao?
Ang karamihan sa mga taong nagkakaroon ng COVID-19 ay may mga banayad na sintomas lamang. Gayunpaman, labis na hindi mahuhulaan ang magiging epekto ng virus, at alam natin na mas may posibilidad na magkasakit ka dahil sa ilan sa mga variant ng COVID-19. Maaaring magkaroon ng malubhang sakit o mamatay ang ilang tao dahil sa COVID-19, kahit ang mga batang walang paulit-ulit o hindi gumagaling na kondisyon sa kalusugan. Ang iba, na kilala bilang “COVID long-haulers”, ay maaaring magkaroon ng mga sintomas na tumatagal nang ilang buwan at makakaapekto sa kalidad ng kanilang buhay. Hindi pa rin natin alam ang lahat ng pangmatagalang epekto ng COVID-19 dahil isa itong bagong virus. Ang pagpapabakuna ay ang ating pinakamabisang proteksyon laban sa virus.
Totoo bang ligtas o epektibo ang mga bakuna?
Oo, ligtas at epektibo ang mga bakuna sa COVID-19. Sinubukan ng mga siyentista ang mga bakuna sa libo-libong kalahok sa mga klinikal na pagsubok. Natugunan ng mga bakuna ang mga pamantayan ng Food and Drug Administration (FDA, Pangasiwaan ng Pagkain at Gamot) ng U.S. para sa kaligtasan, pagiging mabisa, at kalidad sa paggawa na kailangan para makuha ang awtorisasyon sa pang-emergency na paggamit. Nakitang napakabuti ng lahat ng ito sa pag-iwas sa mga tao sa pagkakaroon ng sakit dahil sa COVID-19. Simula noon, ligtas nang ibinibigay ang mga bakunang ito sa milyon-milyong tao.
Panoorin ang mga video na ito para matuto pa tungkol sa kung paano ginagawa ang mga bakuna sa COVID-19:
Ligtas ba ang bakuna para sa aking anak?
Oo. Sinubukan ang bakuna ng Pfizer sa libo-libong kabataan at naipakitang ligtas ang mga ito. Lubos na mabisa rin ito – wala sa mga batang boluntaryo na nakatanggap ng bakuna ang nagkaroon ng COVID-19. Inirerekomenda ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC, Mga Sentro sa Pagkontrol at Pag-iwas sa Sakit) ang bakuna sa COVID-19 sa lahat ng taong 6 buwan taong gulang pataas (sa wikang Ingles lamang).
Paano ko mapagkakatiwalaang ligtas ang mga bakuna?
Upang matiyak na ligtas ang mga bakuna sa COVID-19, pinalawak at pinalakas ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC, Mga Sentro sa Pagkontrol at Pag-iwas sa Sakit) ang kakayahan ng bansa na subaybayan ang pagiging ligtas ng bakuna. Bilang resulta, masusubaybayan at matutukoy ng mga eksperto sa pagiging ligtas ng bakuna ang mga problemang maaaring hindi nakita sa mga klinikal na pagsubok ng bakuna sa COVID-19.
Pwede ba akong magkaroon ng COVID-19 mula sa bakuna sa COVID-19?
Hindi, hindi ka magkakaroon ng COVID-19 mula sa bakuna. Hindi naglalaman ang mga bakuna sa COVID-19 ng virus na nagdudulot ng COVID-19.
Higit pang ipinapaliwanag ng video na ito ang tungkol sa kung paano gumagana ang mga bakuna sa COVID-19 sa iyong katawan:
Kailangan ko bang kunin ang bakuna kung nagkaroon na ako ng COVID-19?
Oo, dapat ka pa ring magpabakuna kung nagkaroon ka na ng COVID-19. Ipinapakita ng datos na hindi karaniwan ang muling pagkakaroon ng impeksiyon ng COVID-19 sa loob ng 90 araw pagkatapos mong magkaroon ng impeksiyon. Ang ibig sabihin ay maaaring may kaunting proteksyon ka mula sa COVID-19 (na tinatawag na likas na immunity) para sa sandaling panahon. Gayunpaman, hindi natin alam kung gaano katagal ang likas na immunity. Matuto pa tungkol sa kung bakit dapat ka pa ring magpabakuna ng bakuna sa COVID-19 (sa wikang Ingles lamang).
Ano ang pinagkaiba ng pagbabakuna at immunity?
Ang likas na immunity mula sa pagkahawa ay nagbibigay ng ilang antas ng immunity laban sa muling pagkahawa ngunit mahalagang mabigyang-diin na kapag una pa lang na nahawa ang mga taong hindi nabakunahan, mas nanganganib silang magkasakit nang malubha, maospital, at mamatay. Bagamat maaaring makagawa ng mga antibody ang ilang tao pagkatapos mahawa sa COVID-19, maaaring hindi ganoon ang mangyari sa iba. Para sa mga taong nakagawa ng immunity pagkatapos mahawa, walang paraan para masabi kung gaano kabisa ang proteksiyong iyon, kung tatagal ito, o kung para sa aling variant ang immunity.
Dahil hindi tayo puwedeng umasa lang sa likas na immunity para hindi mahawa ulit o magkasakit nang malubha dahil sa COVID-19, ang pagiging updated sa bakuna pa rin ang pinakamabisang proteksiyon at pangunahing estratehiya para hindi mahawahan ng SARS-COV-2, magkaroon ng mga kaugnay na komplikasyon, at makapanghawa ng iba.
Kalusugan ng Reproductive System
Magkakaanak ba ako kung kukunin ko ang bakuna sa COVID-19?
Oo. Makatuwiran ang iyong mga alalahanin sa kalusugan ng reproductive system at mga bakuna. Ito ang nalalaman namin: walang siyentipikong ebidensiya na nagdudulot ng pagkabaog o impotence ang mga bakuna. Kapag pumasok ang bakuna sa iyong katawan, gumagana ito kasama ang iyong immune system para gumawa ng mga antibody para labanan ang coronavirus. Hindi nakakagambala ang prosesong ito sa iyong mga organ para sa reproduksiyon.
Inirerekomenda ng American College of Obstetricians and Gynecologists (ACOG, Kalipunan ng mga Dalubhasa sa Pagpapaanak at Gynecologist ng Amerika) ang bakuna sa COVID-19 para sa sinumang maaaring gustong magbuntis sa hinaharap o kasalukuyang buntis o nagpapasuso. Ang karamihan sa mga taong nagpabakuna laban sa COVID-19 ay nabuntis na o nanganak na ng malulusog na sanggol.
Para sa iba pang dulugan tungkol sa pagkuha ng bakuna sa COVID-19 habang buntis at nagpapasuso, pakitingnan ang updated na impormasyong nasa website na One Vax, Two Lives.
Ligtas ba ang bakuna para sa mga taong buntis?
Oo, maaari kang magpabakuna kung buntis ka, at inirerekomenda ng American College of Obstetricians and Gynecologists (ACOG) (sa wikang Ingles lamang) ang bakuna para sa mga taong buntis. Walang ebidensiyang nagdudulot ng anumang problema ang bakuna ng COVID-19 sa pagbubuntis, sa paglaki ng iyong sanggol, kapanganakan, o fertility, o kakayahang mag-anak.
Para sa iba pang dulugan tungkol sa pagkuha ng bakuna sa COVID-19 habang buntis at nagpapasuso, pakitingnan ang updated na impormasyong nasa website na One Vax, Two Lives.
Ligtas ba ang bakuna para sa mga taong nagpapasuso?
Oo, maaari kang magpabakuna kung nagpapasuso ka. Hindi mo kailangang ihinto ang pagpapasuso kung gusto mong magpabakuna. Sa katunayan, ipinapahiwatig ng mga naunang ulat na maaaring makatulong ang bakuna sa iyong katawan para magpasa ng mga antibody sa iyong anak sa pamamagitan ng gatas mula sa ina. Kinakailangan ng higit pang pag-aaral, pero kung kumpirmado na ito, makakatulong itong protektahan ang iyong sanggol mula sa COVID-19.
Magbasa pa tungkol sa kung paano pinoprotektahan ng bakuna sa COVID-19 ang mga nanay at ang kanilang mga bagong panganak na sanggol (sa wikang Ingles lamang).
Babaguhin ba ng bakuna ang siklo ng aking regla?
Iniulat ng ilang tao ang mga pagbabago sa kanilang mga siklo ng regla matapos magpabakuna, pero walang kasalukuyang available na datos na nagpapahiwatig na mga pangmatagalang epekto ang mga ito. Maaaring magbago ang mga siklo ng regla dahil sa maraming iba't ibang bagay, tulad ng stress.
Mga Sangkap
Anong mga sangkap ang nasa mga bakuna?
Maaari kang makakita ng ilang sabi-sabi at mga hindi totoong sangkap na nakalista online o sa social media. Sa pangkalahatan, ito ay mga haka-haka lamang. Ang mga sangkap sa mga bakuna sa COVID-19 (sa wikang Ingles lamang) ay tipikal lamang para sa mga bakuna. Naglalaman ang mga ito ng aktibong sangkap na mRNA o modified adenovirus kasama ang ilang sangkap tulad ng taba, mga asin, at mga asukal na pinoprotektahan ang aktibong sangkap, tinutulungan itong mas mabuting gumana sa katawan, at pinoprotektahan ang bakuna sa pag-imbak at transportasyon.
Ang bakuna sa COVID-19 ng Novavax ay bakunang protein subunit na may lamang additive, at mga taba at asukal na tumutulong sa bakuna na gumana nang mas mabisa sa katawan. Hindi gumagamit ng mRNA ang bakunang ito.
Tingnan ang mga kumpletong listahan ng mga sangkap sa mga dokumento ng impormasyon ng Pfizer, Moderna, Novavax at Johnson & Johnson.
Naglalaman ba ng tisyu ng fetus ang bakuna ng Johnson & Johnson?
Ginawa ang bakuna sa COVID-19 ng Johnson & Johnson gamit ang parehong teknolohiyang ginamit sa maraming iba pang bakuna. Hindi ito naglalaman ng mga bahagi ng fetus o mga cell ng fetus. Ang isang piraso ng bakuna ay gawa sa loob ng mga kopya ng mga cell na pinalago sa laboratoryo na orihinal na nagmula sa mga boluntaryong pagpapalaglag na naganap noong mahigit 35 taon na ang nakalilipas. Mula noon, ang mga hanay ng cell para sa mga bakunang ito ay pinanatili sa laboratoryo. Walang karagdagang pinagkunan ng mga cell ng fetus ang ginamit para gawin ang mga bakunang ito. Maaaring bago itong impormasyon para sa ilang tao. Gayunpaman, ang mga bakuna para sa bulutong, tigdas-hangin (rubella) at hepatitis A ay ginagawa sa parehong paraan.
May mga microchip ba ang mga bakuna?
Wala, hindi naglalaman ang mga bakuna ng microchip o tracking device. Naglalaman lang ang mga ito ng aktibong sangkap na tumutulong sa iyong katawan na bumuo ng mga antibody para labanan ang COVID-19, pati ng mga taba, asin, at asukal.
Gagawin ba akong magnetiko ng bakuna sa COVID-19?
Hindi, hindi ka magiging magnetiko kung kukunin mo ang bakuna sa COVID-19. Hindi naglalaman ang mga bakuna ng mga sangkap na maaaring makagawa ng electromagnetic field, at walang mga metal ang mga ito. Maaari mong tingnan ang mga kumpletong listahan ng mga sangkap sa mga dokumento ng impormasyon ng Pfizer, Moderna, at Johnson & Johnson para sa higit pang impormasyon.
Mga Alalahanin sa Kalusugan
Mamumuo ba ang aking dugo dahil sa?
Lubos na mababa ang panganib na may mamuong dugo. Ang bilang ng taong may namuong dugo pagkatapos makatanggap ng bakuna ng Johnson & Johnson ay napakababa kumpara sa milyon-milyong taong nabakunahan at walang namuong dugo. Gayunpaman, inirerekomenda ng Department of Health (DOH, Kagawaran ng Kalusugan) at Centers for Disease Control and Prevention (CDC, Mga Sentro sa Pagkontrol at Pag-iwas sa Sakit) na piliin ng mga taong may edad na 18 pataas na kumuha ng mRNA na bakuna sa COVID-19 (Pfizer o Moderna) sa halip na bakuna ng Johnson & Johnson dahil sa posibleng panganib na magkaroon ng thrombosis na may thrombocytopenia syndrome (TTS), na nagdudulot ng pamumuo ng dugo at mababang bilang ng platelet, at Guillain-Barré syndrome, na isang sakit na autoimmune (sa immune response ng katawan) na nakakasira ng ugat.
Mayroon pa ring bakuna ng Johnson & Johnson kung hindi ka makakakuha o hindi ka handang kumuha ng mRNA na bakuna. Maaari kang makipag-usap sa iyong provider ng pangangalagang pangkalusugan tungkol sa panganib nito sa iyo. Ang karamihan ng ulat tungkol sa pamumuo ng dugo pagkatapos makatanggap ng bakuna ng Johnson & Johnson ay sa kababaihang nasa hustong gulang na wala pang 50 taong gulang. Kung ikaw ay babaeng may edad na nasa pagitan ng 18 at 50, dapat mong malaman na may mas mataas kang panganib ng pamumuo ng dugo, na maaaring humantong sa pagkamatay. Ang alalahanin sa pamumuo ng dugo ay naiugnay lang sa bakuna sa COVID-19 ng Johnson & Johnson, hindi sa mga bakuna ng Pfizer o Moderna.
Alamin pa ang ibang impormasyon sa pamamagitan ng pagbabasa tungkol sa bakuna sa COVID-19 ng Johnson & Johnson (nasa wikang Ingles lang).
Dapat ba akong mag-alala tungkol sa myocarditis o pericarditis?
Napakabihira ng mga kaso ng myocarditis (pamamaga ng kalamnan ng puso) at pericarditis (pamamaga ng lining ng puso) pagkatapos ng pagpapabakuna sa COVID-19. Napakaliit lamang ng bilang ng taong maaaring makaranas nito pagkatapos ng pagpapabakuna. Para sa mga taong nakakaranas nito, ang karamihan sa mga kaso ay sa mga kabataan at young adult o batang nasa hustong gulang, banayad ang mga sintomas sa karamihan sa mga kaso, at karaniwang sariling gumagaling ang mga tao o gumagaling sila nang may kaunting paggamot. Mas karaniwan ang myocarditis at pericarditis kung magkakasakit ka nang dahil sa COVID-19.
Simula noong Hulyo 30, 2021, mula sa mas mababa pa sa 1500 ulat sa Vaccine Adverse Event Reporting System (VAERS, Sistema sa Pag-uulat ng Masamang Pangyayari sa Bakuna), mayroong 699 na kumpirmadong kaso lamang sa Estados Unidos (sa wikang Ingles lamang), habang higit pa sa 177 milyong katao ang nakatanggap ng kahit isang dosis ng bakuna sa COVID-19.
Maaari kang makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa iyong panganib. Kung mayroon kang anumang mga sintomas pagkatapos ng pagpapabakuna, maaari mong iulat ang mga ito sa VAERS (sa wikang Ingles lamang).
Matuto pa tungkol sa myocarditis at pericarditis pagkatapos ng pagpapabakuna sa COVID-19 (sa wikang Ingles lamang).
Maaari ko bang kunin ang bakuna kung mayroon akong hindi gumagaling na kondisyon sa kalusugan?
Maaaring kumuha ang karamihan sa mga taong may hindi gumagaling na kondisyon sa kalusugan o medikal na kondisyon ng mga bakuna sa COVID-19. Ipaalam sa iyong provider ng pangangalagang pangkalusugan ang tungkol sa lahat ng iyong allergy at kondisyon sa kalusugan. Sa katunayan, nailalagay ka ng maraming hindi gumagaling na kondisyon sa mataas na panganib ng mga komplikasyon mula sa sakit na COVID-19, kaya mas lalong mahalaga ang bakuna para hindi ka magkasakit.
Maaaring kumuha ng bakuna sa COVID-19 ang mga partikular na grupo ng taong ito:
- Mga taong may HIV at mga taong may mahihinang immune system.
- Mga taong may mga autoimmune na kondisyon.
- Mga taong dating nagkaroon ng Guillain-Barré syndrome (GBS).
- Mga taong dating nagkaroon ng Bell's palsy.
Kung mayroon kang kasaysayan ng pagkakaroon ng malalalang allergic reaction o sa tingin mo ay maaari kang magkaroon ng malalang allergic reaction sa isang sangkap ng bakuna, basahin ang tungkol sa mga bakuna sa COVID-19 para sa mga taong may mga allergy. Bihira ang anaphylaxis pagkatapos ng pagpapabakuna sa COVID-19 (sa wikang Ingles lamang) at nangyari lamang ito sa humigit-kumulang 2 hanggang 5 tao kada isang milyong nabakunahan sa Estados Unidos.
Layunin ng impormasyong ito (sa wikang Ingles lamang) na tulungan ang mga tao sa mga grupo sa itaas na gumawa ng may kaalamang desisyon tungkol sa pagtanggap ng bakuna sa COVID-19.
Babaguhin ba ng mga bakuna ang aking DNA?
Hindi, hindi binabago ng mga bakuna sa COVID-19 ang iyong DNA. Naghahatid ang mga bakuna ng mga tagubilin sa ating mga cell para magsimulang bumuo ng proteksiyon laban sa virus na nagdudulot ng COVID-19. Hindi pumapasok ang bakuna sa bahagi ng cell kung nasaan ang ating DNA. Sa halip, gumagana ang mga bakuna kasama ang mga natural na depensa ng ating katawan para magkaroon ng immunity. Matuto pa tungkol sa mga mRNA (sa wikang Ingles lamang) at viral vector (sa wikang Ingles lamang) na bakuna sa COVID-19.
Nagdudulot ba ang bakuna ng anumang pangmatagalang side effect?
Marami tayong siyentipikong datos sa mga bakuna sa COVID-19 at iba pang mga sakit. Batay sa mga datos na iyon, tiwala ang mga eksperto na napakaligtas ng mga bakunang ito. Banayad ang halos lahat ng mga reaksyon sa COVID-19, tulad ng pagkapagod o namamagang braso, at tumatagal lamang ang mga ito nang ilang araw. Napakabihira ng mga malubha o pangmatagalang reaksyon.
Karaniwang nangyayari ang anumang mga pangmatagalang side effect sa loob ng walong linggo mula sa pagpapabakuna. Ito ang dahilan kung bakit kinakailangan ang mga manufacturer ng bakuna na maghintay ng hindi bababa sa walong linggo pagkatapos ng mga klinikal na pagsubok bago sila makapag-apply para sa Emergency Use Authorization (Awtorisasyon para sa Pang-emergency na Paggamit) mula sa Food and Drug Administration (FDA, Pangasiwaan ng Pagkain at Gamot) ng U.S. Patuloy ring inoobserbahan ng mga eksperto ang mga bakuna sa COVID-19 para sa mga alalahanin sa kaligtasan. Iniimbestigahan ng FDA ang anumang ulat sa malulubhang side effect o reaksyon.