Ang WA Notify (Pag-abiso ng WA) (na tinatawag ding Mga Notipikasyon sa Pagkakalantad ng Washington) ay isang libreng tool na maidaragdag mo sa iyong smartphone upang maalertuhan ang mga user tungkol sa mga posibleng pagkakalantad sa COVID-19. Ganap itong pribado, hindi ito nangongolekta o nagbabahagi ng anumang personal na impormasyon, at hindi nito sinusubaybayan kung saan ka pumupunta.
Paano ko madadagdag ang WA Notify sa aking telepono?

Sa iPhone, i-enable ang Mga Notipikasyon sa Pagkakalantad sa Mga Setting:
- Pumunta sa Mga Setting
- Mag-scroll pababa sa Exposure Notifications
- I-click ang "I-on ang Exposure Notifications"
- Piliin ang United States
- Piliin ang Washington
Para sa Android o iPhone, i-scan ang QR code o idagdag ang WA Notify sa iyong telepono kung gumagamit ka ng mobile device.

Paano ito gumagana?
Kapag na-enable mo na ang WA Notify, nakikipagpalitan ang telepono mo ng mga random at walang pagkakakilanlang code sa mga telepono ng mga taong nasa malapit na nag-enable din ng WA Notfiy. Gumagamit ang system ng teknolohiyang Low Energy Bluetooth na nakakapagpanatili ng privacy, upang makipagpalitan ng mga ganitong code nang hindi nagbubunyag ng anumang impormasyon tungkol sa iyo. Kung ang isa pang user ng WA Notify na naging malapit sa iyo kamakailan ay nagpositibo sa COVID-19 at sinunod niya ang mga hakbang para abisuhan ang iba nang walang ibinibigay na pagkakakilanlan, makakakuha ka ng alerto. Sa tulong nito, makukuha mo kaagad ang pangangalagang kailangan mo at maiiwasan mong maikalat ang COVID-19 sa mga tao sa iyong paligid.
Ginagawa ng isang algorithm ang matematika para tukuyin ang mga kaganapang maaaring magkalat ng COVID-19 mula sa mga taong nasa ligtas na distansiya o may sapat na tagal para hindi na kailanganing bigyan ka ng babala. Aalertuhin ka lang ng WA Notify kung posibleng nalantad ka. Kaya mabuting balita ang hindi makatanggap ng alerto.
Magagamit din ang WA Notify sa mahigit 30 wika.

Paano pinoprotektahan ang aking privacy?
Ang WA Notify ay batay sa teknolohiya ng Notipikasyon sa Pagkakalantad ng Google Apple, na ginawa para protektahan ang iyong privacy. Gumagana ito sa background nang hindi nangongolekta o nagbubunyag ng anumang lokasyon o personal na datos. Hindi kailangang malaman ng WA Notify kung sino ka o nasaan ka para epektibong gumana. Sa paggamit ng paunti-unti lang na Bluetooth, hindi naaapektuhan ang iyong battery.
Ganap na boluntaryo ang paglahok. Maaaring mag-opt in o mag-opt out ang mga user anumang oras. Para sa higit pang impormasyon tungkol sa kung paano pinoprotektahan ang privacy ng user, tingnan ang patakaran sa privacy ng WA Notify.
Ano ang hitsura ng mga notipikasyon?
Mayroong dalawang uri ng notipikasyon na maaaring matanggap mo. Makakatanggap ang mga masusuring positibo ng text message at/o pop-up na notipikasyon ng link sa pagberipika. Makakatanggap ng notipikasyon sa pagkakalantad ang mga user ng WA Notify na maaaring nalantad. Alamin ang higit pa tungkol sa mga notipikasyong ito at tingnan kung ano ang hitsura ng mga ito.
Paano nakakatulong ang WA Notify?
Natuklasan sa mga pag-aaral na mas marami ang benepisyo kapag mas maraming tao ang gumagamit ng mga notipikasyon sa pagkakalantad. Ipinapakita sa mga modelo batay sa tatlong county sa estado ng Washington na kahit kaunting tao lang doon ang gumamit ng WA Notify, mababawasan pa rin ang hawahan at pagkamatay. Kapag nagpabakuna tayo at nagsuot ng mask, makakapagligtas tayo ng buhay. Sa pagbabalik natin sa mga kaganapan nang personal, dagdag na proteksiyon ang WA Notify. Isa pa ito sa mga bagay na magagawa mo upang mapanatiling ligtas ang sarili at ang mga tao sa iyong paligid.
Paano abisuhan ang iba kung nagpositibo ka sa COVID-19 gamit ang sariling pagsusuri
Ang mga user ng WA Notify na gumagamit ng kit para sariling pagsusuri (na tinatawag ding pagsusuri sa bahay) at nagpositibo sa COVID-19 ay maaaring humiling ng code sa pagberipika upang maabisuhan ang iba pang user ng WA Notify na maaaring nalantad sila sa COVID-19, nang walang ibinibigay na pagkakakilanlan.

Sa iPhone:
- Pumunta sa Settings (Mga Setting) at buksan ang Exposure Notifications (Mga Notipikasyon sa Pagkakalantad).
- Piliin ang “Share a COVID-19 Diagnosis (Magbahagi ng Diagnosis ng COVID-19).”
- Piliin ang “Continue (Magpatuloy).”
- Kung makakita ka ng opsiyon para maglagay ng code, piliin ang “Didn’t get a code? Visit WA State Dept. of Health Website (Hindi nakakuha ng code? Pumunta sa Website ng Kagawaran ng Kalusugan ng Estado ng Washington).” Kung wala kang makitang opsiyon para ilagay ang iyong code, magpatuloy sa susunod na hakbang.
- Ilagay ang numero ng telepono ng device mo na gumagamit ng WA Notify at ang petsa ng iyong positibong pagsusuri sa COVID-19.
- Piliin ang “Continue (Magpatuloy).”

Sa Android phone:
- Buksan ang WA Notify at piliin ang “Share your test result to help stop the spread of COVID-19 (Ibahagi ang iyong resulta ng pagsusuri upang makatulong na pigilan ang pagkalat ng COVID-19).”
- Piliin ang “Continue (Magpatuloy)” at pagkatapos ay piliin ang “I need a code (Kailangan ko ng code).”
- Ilagay ang numero ng telepono ng device mo na gumagamit ng WA Notify at ang petsa ng iyong positibong pagsusuri sa COVID-19.
- Piliin ang “Send Code (Ipadala ang Code).”
Para sa Android o iPhone, i-scan ang QR code o humiling ng code sa pagberipika kung gumagamit ka ng mobile device.

Makakatanggap ka ng pop-up na notipikasyon at text message na may link sa pagberipika. Kailangan mo lang i-tap ang notipikasyon o i-click ang link na nasa text message upang sundin ang mga hakbang sa WA Notify para maalertuhan ang iba pang user tungkol sa posibleng pagkakalantad, nang walang ibinibigay na pagkakakilanlan.
Kung hindi ka makakahiling ng code sa pagberipika sa WA Notify, dapat kang tumawag sa hotline para sa COVID-19 ng estado na 1-800-525-0127 at pagkatapos ay pindutin ang #, at ipaalam sa kawaning nasa hotline na ikaw ay user ng WA Notify. Makakapagbigay sa iyo ang kawaning nasa hotline ng link sa pagberipika na magagamit mo upang maalertuhan ang iba pang user ng WA Notify na maaaring nalantad sila.
Paano iulat ang positibong resulta ng iyong sariling pagsusuri sa COVID-19
Ang mga taong gumagamit ng kit para sa sariling pagsusuri (na tinatawag ding pagsusuri sa bahay) at nagpositibo sa COVID-19 ay maaaring mag-ulat ng positibong resulta sa Department of Health (DOH, Kagawaran ng Kalusugan), sa labas ng WA Notify application. Para sa kasalukuyang patnubay kung paano mag-ulat ng positibong resulta ng pagsusuri, sumangguni sa page na Pagsusuri ng DOH para sa COVID-19.
May makukuha ring libreng kit para sa sariling pagsusuri mula sa Say Yes! COVID Test (Magsabi ng Oo! sa Pagsusuri sa COVID).
Makakahanap ng karagdagang patnubay sa dulugang Ano ang gagawin kung nagpositibo ka sa pagsusuri sa COVID-19 ng DOH.
Pakitandaan: Ang WA Notify ay isang tool para sa notipikasyon sa pagkakalantad. Hindi ito ginawa para iulat ng mga user nito ang resulta ng kanilang pagsusuri sa DOH. Ginagawa ang pag-uulat ng resulta sa DOH sa labas ng WA Notify application system.
Bakit natin kailangan ang contact tracing at WA Notify?
Ang contact tracing (pagtunton sa mga nakasalamuha) ay nagsilbi bilang mabisang interbensiyon sa pampublikong kalusugan sa loob ng maraming dekada. Sinusuportahan ng WA Notify ang gawaing ito sa paraang hindi nagbibigay ng pagkakakilanlan. Narito ang isang halimbawa: Kung nagpositibo ka sa COVID-19, maaari kang tawagan ng mga opisyal sa pampublikong kalusugan at hilinging ibahagi mo kung sino ang iyong mga malapit na nakasalamuha kamakailan. Hindi mo maibibigay ang pangalan ng estrangherong nakatabi mo sa bus. Kung pareho ninyong ginagamit ang WA Notify, maaaring maalertuhan ang estranghero sa bus tungkol sa posibleng pagkakalantad, nang hindi nagbibigay ng pagkakakilanlan, at maaari siyang makagawa ng mga hakbang para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa kanyang mga kaibigan at pamilya. Tulad lang ng nagagawang tulong ng mga bakuna at pagsusuot ng mask laban sa pagkalat ng COVID-19, mas mabisa kung magkakasabay na gagawin ang mga ito.
Kailangan ko bang patuloy na gamitin ang WA Notify o puwede ko na ba itong i-off?
Hinihikayat namin ang lahat na panatilihing naka-activate ang WA Notify sa kanilang telepono at huwag itong i-off. Sa pagluluwag ng mga restriksiyon at pagpapatuloy ng mga aktibidad, ang WA Notify ay isang madaling paraan para magkaroon ka ng dagdag na layer ng proteksiyon.
Kailangan ko ba ang WA Notify kung nabakunahan na ako?
Oo! Matagal-tagal pang kakaharapin ng estado ng Washington ang COVID-19. Marami pa tayong inaalam tungkol sa virus, gaya ng kung gaano katagal ang bisa ng mga bakuna at gaano kahusay ang proteksiyon ng mga bakuna laban sa mga bagong variant ng COVID-19. Kahit na mas maliit ang panganib para sa mga nabakunahang tao, alam natin na maaari pa ring mahawa at makahawa ng COVID-19 ang mga indibiduwal na ganap nang nabakunahan. Alam din natin na may mga indibiduwal na hindi pa nabakunahan. Dahil sa lahat ng bagay na ito, hinihikayat namin ang lahat ng residente ng Washington na i-activate ang WA Notify sa kanilang mga telepono– upang makatulong na iwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Gusto mo bang tumulong sa pagkalat ng balita tungkol sa WA Notify (Pag-abiso ng WA)?
Tingnan ang aming toolkit sa WA Notify para sa pagmemensahe sa social media, mga poster, halimbawa ng patalastas sa radyo at TV, at higit pa. Sabihan din ang iyong mga kaibigan at pamilya. Kapag mas maraming tao ang gumagamit ng WA Notify, higit itong makakatulong na protektahan ka at ang iyong komunidad.
Ibang madalas itanong
- Paano ko mahahanap ang petsa ng pagkakalantad ko sa WA Notify?
-
Sa iPhone:
- Pumunta sa Settings (Mga Setting)
- Piliin ang Exposure Notifications (Mga Notipikasyon sa Pagkakalantad) o ilagay ang Exposure Notifications (Mga Notipikasyon sa Pagkakalantad) sa Bar para sa Paghahanap
- Ipapakita ang tinatayang petsa ng iyong posibleng pagkakalantad sa ilalim ng “You may have been exposed to COVID-19 (Maaaring nalantad ka sa COVID-19)”
Sa Android:
- Buksan ang WA Notify app
- Piliin ang See Details (Tingnan ang mga Detalye) sa ilalim ng “Possible exposure reported (Naiulat na posibleng pagkakalantad)”
-
Ipapakita ang tinatayang petsa ng iyong posibleng pagkakalantad sa ilalim ng “Possible Exposure Date (Petsa ng Posibleng Pagkakalantad)”
-
Nakatanggap ako ng notipikasyon mula sa Washington Department of Health (DOH, Departamento ng Kalusugan ng Washington). Bakit?
-
Nagpapadala ang DOH ng text message at/o pop-up na notipikasyon sa lahat ng tao na kamakailang nasuring positibo sa COVID-19 para maalertuhan ng mga user ng WA Notify ang ibang user tungkol sa posibleng pagkalantad, nang mabilis at hindi tinutukoy ang pagkakakilanlan. Alamin ang higit pa tungkol sa mga notipikasyong ito at tingnan kung ano ang hitsura ng mga ito.
Kung makatanggap ka ng parehong text message at notipikasyon, kailangan mo lang i-tap ang notipikasyon o i-click ang link sa text message at sundin ang mga hakbang sa WA Notify upang maalertuhan ang iba pang user tungkol sa posibleng pagkakalantad.
-
Nakakuha ako ng notipikasyon tungkol sa pagbibigay ng aking data sa WA Notify sa pampublikong kalusugan. Bakit?
-
Gustong malaman ng DOH kung maayos ang paggana ng WA Notify upang makagawa kami ng mga kailangang pagpapahusay para sa tool. Kung sumang-ayon ka mang ibahagi ang datos mo sa WA Notify, lubos pa ring poprotektahan ang iyong privacy. Hindi nangongolekta o nagbabahagi ng personal na impormasyon at walang paraan para makilala ka. Ang DOH lang ang makaka-access sa datos na ito at sa pang-estadong antas lang.
-
Kung sasang-ayon ang mga user ng WA Notify na ibahagi ang kanilang data, ano ang kokolektahin?
-
Kung sumang-ayon ka mang ibahagi ang datos mo, lubos pa ring poprotektahan ang iyong privacy. Hindi nangongolekta o nagbabahagi ng personal na impormasyon, kaya walang paraan para makilala ka. Ang DOH lang ang makakakita sa datos na ito sa pang-estadong antas, kung saan kasama ang:
- Dami ng taong sumasang-ayong ibahagi ang kanilang data mula sa WA Notify. Nakakatulong ito para malaman namin kung gaano kabuti ang representasyon ng aming sample.
- Dami ng mga Exposure Notification na natatanggap ng mga user ng WA Notify. Nakakatulong ito para makita namin ang mga trend sa pagkalat ng COVID-19.
- Dami ng tao na nag-click sa isang notipikasyon sa pagkakalantad. Nakakatulong ito sa aming alamin kung gaano kahanda ang mga tao na isaalang-alang ang mga rekomendasyon sa pampublikong kalusugan.
- Dami ng mga taong naging malapit sa taong nasuring positibo sa COVID-19, ngunit hindi ganoon kalapit o katagal na nakasalamuha para mabigyan ng notipikasyon sa pagkakalantad. Nakakatulong ito sa aming isaalang-alang kung dapat bang isaayos ang algorithm na nagtutukoy ng pagkakalantad sa WA Notify.
-
Kapag na-enable ko ang WA Notifysa aking iPhone, dapat bang naka-on o naka-off ang "Availability Alerts (Mga Alerto sa Pagiging Available)"?
-
Ok lang na naka-off ito. Bagamat inirererekomenda na i-on mo ito kung magbibiyahe ka sa labas ng estado ng Washington nang mahaba-habang panahon. Kapag naka-on ang Availability Alerts (Mga Alerto sa Availability), maaari kang makatanggap ng notipikasyon kapag bumiyahe ka sa ibang lokasyong nagbibigay ng tool para sa notipikasyon sa pagkakalantad tulad ng WA Notify. Kung may iPhone ka, makakapagdagdag ka ng maraming rehiyon ngunit isang rehiyon lang ang maaaring maging aktibo sa bawat pagkakataon. Hindi mo kailangang magtanggal ng rehiyon para mag-activate ng bago. Kung may Android phone ka, maaari kang mag-install ng mga app para sa notipikasyon sa pagkakalantad tulad ng WA Notify mula sa maraming estado, ngunit isang app lang na gumagamit ng teknolohiyang tugma sa WA Notify ang maaaring maging aktibo sa bawat pagkakataon.
-
Kailangan ko bang mag-opt in para magamit ang WA Notify?
-
Oo. Libre at boluntaryo ang paggamit ng WA Notify. Maaari kang mag-opt out anumang oras. Upang magawa ito, i-off lang ang feature sa iPhone o i-delete ang app sa Android phone. Kapag nag-opt out ka, ide-delete at hindi na mababawi pa ang lahat ng random na code na na-store ng telepono mula sa ibang user na nasa malapit.
-
Isa bang app para sa contact tracing (pagtukoy sa nakasalamuha) ang WA Notify?
-
Hindi. Hindi sinusubaybayan o tinutunton ng WA Notify ang impormasyon tungkol sa mga taong naging malapit sa iyo, kaya hindi ito nagsasagawa ng “contact tracing.” Tinutukoy ng contact tracing ang sinumang maaaring nalantad ng isang taong nagpositibo sa COVID-19. Hindi nangongolekta o nakikipagpalitan ng anumang personal na impormasyon ang tool, kaya hindi posibleng malaman ng sinuman kung sino ang nakasalamuha mo.
-
Ano ang isang "pagkakalantad"?
-
Nangyayari ang pagkalantad kapag gumugol ka ng oras nang malapit sa isa pang user ng WA Notify na nagpositibo sa COVID-19 sa kalaunan. Upang malaman kung may nangyaring pagkalantad, gumagamit ang WA Notify ng algorithm para matukoy ang mga sitwasyon kung saan posibleng nagkaroon ng hawahan ng COVID-19, at ang mga sitwasyong may distansiyang ligtas o sapat na hindi kailangang isali sa pagbibigay ng babala. Ang WA Notify ay magpapadala lang sa iyo ng notipikasyon sa pagkalantad kung malapit at matagal ang pakikihalubilo mo sa isa pang user, na akma sa mga kondisyong may malaking panganib na magkaroon ng hawahan ng COVID-19 ayon sa DOH. Maaaring baguhin ng mga opisyal sa pampublikong kalusugan ang algorithm na ito.
-
Ano ang mangyayari kung sasabihin sa akin ng WA Notify na nalantad ako?
-
Kung natukoy ng WA Notify na maaaring nalantad ka, ididirekta ka ng isang notipikasyon sa iyong telepono sa isang website na may impormasyon tungkol sa kung ano ang susunod na dapat mong gawin. Kasama rito ang kung paano at saan magpapasuri, impormasyon tungkol sa pagpapanatiling ligtas sa iyong sarili at sa mga malapit sa iyo, at mga mapagkukunan para sagutin ang iyong mga tanong. Mahalagang basahin at sundin ang mga direksiyon sa website nang mabuti.
-
Malalaman ba ng mga tao kung nasuri akong positibo sa COVID-19?
-
Hindi. Hindi nagbabahagi ang WA Notify ng anumang impormasyon tungkol sa iyo sa sinuman. Kapag nakatanggap ang isang tao ng notipikasyon tungkol sa posibleng pagkakalantad, malalaman lang nila na nagpositibo sa COVID-19 ang isang taong naging malapit sa kanila kamakailan. Hindi nila malalaman kung sino ang taong iyon o kung saan naganap ang pagkakalantad.
-
Kailangan ko bang magbayad para magamit ang WA Notify?
-
Hindi. Libre ang WA Notify.
-
Paano matutulungan ng WA Notify ang estado ng Washington?
-
Natuklasan sa isang pag-aaral ng University of Washington (nasa wikang Ingles lang) na mas malaki ang benepisyo kapag mas maraming tao ang gumagamit ng notipikasyon sa pagkakalantad. Ipinakita sa resulta na nakapagligtas ang WA Notify ng tinatantyang 40 hanggang 115 buhay, at posibleng 5,500 kaso ng COVID-19 ang napigilan nito sa loob ng unang apat na buwan ng paggamit dito. Ipinapakita sa mga modelo ng datos na kahit kaunting tao lang ang gumamit ng WA Notify, makakabawas pa rin ito sa hawahan at pagkamatay dahil sa COVID-19, na nagpapatunay na mahusay na tool ang WA Notify para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
-
Gumagana ba angWA Notifykung bibiyahe ako sa labas ng estado?
-
Oo. Kung bibiyahe ka sa estadong may app na gumagamit ng kaparehong teknolohiya ng Google/Apple (Ingles lang), patuloy na makikipagpalitan ang telepono mo ng mga random na code sa mga user na nasa estadong iyon. Walang kailangang baguhin sa mga setting ng iyong smartphone. Kung mananatili ka sa labas ng Washington sa mas mahabang panahon, dapat mong pag-aralan ang mga opsiyon sa iyong bagong estado para makakuha ng lokal na suporta at mga alerto.
-
Gaano katagal bago abisuhan ng WA Notify ang iba pang user?
-
Ang mga user na maaaring nalantad sa COVID-19 mula sa iba pang user ay makakatanggap ng notipikasyon sa loob ng 24 na oras pagkatapos sundin ng user na nasuring positibo sa COVID ang mga hakbang sa WA Notify para alertuhin, sa paraang hindi nagpapakilala, ang ibang user ng WA Notify.
-
Posible bang makatanggap ng maraming alerto mula sa WA Notify?
-
Maaaring makatanggap ng pop-up na notipikasyon at text message ang mga user na nagpositibo. Aabisuhan para sa bawat bagong pagkakalantad ang mga user na maaaring nalantad nang maraming beses.
-
Paano ko sasabihin saWA Notifykung nasuri akong positibo sa COVID?
-
Kung nagpositibo ka at may nakipag-ugnayan sa iyo mula sa DOH o sa iyong lokal na kinauukulan sa pampublikong kalusugan, tatanungin nila kung gumagamit ka ng WA Notify. Kung oo, magpapadala sila sa iyo ng link sa pagberipika at/o notipikasyon at tutulungan ka nilang sundin ang mga hakbang kung paano ito ilagay sa WA Notify. Hindi nauugnay ang link o notipikasyon sa iyong personal na impormasyon. Nagpapadala rin ang DOH ng text message at/o notipikasyon sa mga numero ng telepono na ginagamit ng mga taong nagpositibo kamakailan sa COVID-19.
Walang paraan ang DOH para malaman kung sino ang makakatanggap ng mga notipikasyon sa pagkakalantad mula sa WA Notify kapag sinunod mo ang mga hakbang. Ang notipikasyon sa pagkakalantad ay hindi magsasama ng anumang impormasyon tungkol sa iyo. Kung mas maraming tao ang magkukumpirma ng kanilang mga resulta sa WA Notify, nang walang ibinibigay na pagkakakilanlan, higit nating mapipigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Kung nagpositibo ka at kailangan mo pang kumpirmahin ang iyong resulta sa WA Notify, nang walang ibinibigay na pagkakakilanlan, sumangguni sa seksiyong “Paano abisuhan ang iba kung nagpositibo ka sa COVID-19 gamit ang sariling pagsusuri” sa itaas sa page na ito para sa mga hakbang kung paano humiling ng code sa pagberipika upang maabisuhan ang iba pang user ng WA Notify tungkol sa posibleng pagkakalantad, nang walang ibinibigay na pagkakakilanlan.
-
Mayroon ba akong dapat gawin pagkatapos kong idagdag ang WA Notifysa aking telepono?
-
Kailangan lang ng karagdagang pagkilos kung:
- Nagpositibo ka sa COVID-19, o
- Nakatanggap ka ng notipikasyon na maaaring nalantad ka.
Kung nagpositibo ka, at may nakipag-ugnayan sa iyo mula sa DOH o sa iyong lokal na kinauukulan sa pampublikong kalusugan, tatanungin nila kung gumagamit ka ng WA Notify. Kung oo, magpapadala sila sa iyo ng link sa pagberipika at/o notipikasyon at tutulungan ka nilang sundin ang mga hakbang kung paano ito ilagay sa WA Notify. Hindi nauugnay ang link o notipikasyon sa iyong personal na impormasyon. Walang paraan ang DOH para malaman kung sino ang aabisuhan ng app tungkol sa pagkakalantad. Ang notipikasyon sa pagkakalantad ay hindi magsasama ng anumang impormasyon tungkol sa iyo. Kung mas maraming tao ang magkukumpirma ng kanilang mga resulta sa WA Notify, nang walang ibinibigay na pagkakakilanlan, higit nating mapipigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Kung nagpositibo ka at kailangan mo ng code sa pagberipika, sumangguni sa seksiyong “Paano abisuhan ang iba kung nagpositibo ka sa COVID-19 gamit ang sariling pagsusuri” sa itaas sa page na ito para sa mga hakbang kung paano humiling ng code sa pagberipika upang maabisuhan ang iba pang user ng WA Notify tungkol sa posibleng pagkakalantad, nang walang ibinibigay na pagkakakilanlan.
-
Kapag ginamit ko ang WA Notify, mauubos ba ang baterya ng telepono ko o gagamit ba ito ng maraming data?
-
Hindi. Idinisenyo ito para magkaroon ng kaunting epekto sa iyong data at tagal ng baterya sa pamamagitan ng paggamit ng Bluetooth Low Energy na teknolohiya.
- Bakit parang nakakaubos ng baterya ang WA Notify?
-
Malamang ay hindi. Ipinapakita sa paggamit ng baterya sa iyong device kung ilang porsiyento ng baterya ang nagagamit kada araw sa mga app tulad ng WA Notify. Hindi gumagana nang overnight ang karamihan ng app at tool. Hindi rin ganoon ang WA Notify, ngunit nagche-check ito ng mga random na code kada ilang oras para sa mga match sa isang positibong user upang maalertuhan ka tungkol sa anumang posibleng pagkakalantad. Halimbawa, kung walang iba pang app ang gumagana habang natutulog ka, lalabas na mataas ang porsiyento ng baterya na ginagamit ng WA Notify sa panahong iyon. Hindi nito sinasabing gumagamit ng maraming baterya ang WA Notify – kundi malaking porsiyento lang ng kaunting bateryang ginagamit.
-
Kailangan ko bang panatilihing naka-on ang Bluetooth para gumana ang WA Notify?
-
Oo. Gumagamit ang WA Notify ng Bluetooth Low Energy, kaya dapat na palaging aktibo ang Bluetooth para matukoy ng sistema ang iba pang user na malapit.
-
Kailangan ko bang buksan ang WA Notify sa aking telepono para gumana ito?
-
Hindi. Gagana ang WA Notify sa background.
-
Gumagana ba ang WA Notify sa mga lumang smartphone?
-
Magagamit ng mga user ng iPhone ang WA Notify kung ang iyong operating system ay:
- iOS version 13.7 o mas bago (para sa iPhone 6s, 6s Plus, SE o mas bago)
- iOS version 12.5 (para sa iPhone 6, 6 plus, 5s)
Magagamit ng mga user ng Android ang WA Notify kung sinusuportahan ng Android smartphone ang Bluetooth Low Energy at Android Version 6 (API 23) o mas bago.
-
Kailangan bang 18 o pataas ang edad ko para magamit ang WA Notify?
-
Hindi. Hindi alam at hindi sinusuri ng WA Notify ang iyong edad.
-
Gagana ba ang teknolohiyang ito kung may ibang taong gumagamit ng telepono ko?
-
Hindi matutukoy ng WA Notify kung sino ang gumagamit ng telepono sa panahon ng posibleng pagkakalantad. Kung may ibang gumagamit ng telepono mo, kailangang sundin ng lahat ng gumagamit ng telepono ang mga instruksiyon ng pampublikong kalusugan kung natukoy ng WA Notify ang posibleng pagkakalantad sa COVID-19.
- Nakatanggap ako ng notipikasyon at/o text, ngunit ang taong nasuri ay ibang miyembro ng pamilya o sambahayan. Ano ang dapat kong gawin?
-
Ang user ng WA Notify na nagpositibo ay dapat sumunod sa mga hakbang kung paano alertuhan ang ibang maaaring nalantad, nang walang ibinibigay na pagkakakilanlan, kaya balewalain mo lang ang anumang text o notipikasyong hindi para sa iyo.
Kung ang miyembro ng iyong pamilya o sambahayan ay gumagamit ng WA Notify, nagpositibo, at kailangan pang kumpirmahin ang kanyang resulta sa WA Notify, maaari niyang sundin ang mga hakbang na nasa seksiyong “Paano abisuhan ang iba kung nagpositibo ka sa COVID-19 gamit ang sariling pagsusuri” ng page na ito.
-
Gumagana ba ang WA Notify sa mga device gaya ng mga iPad o smart watch?
-
Hindi. Partikular na ginawa ang sistema ng Notipikasyon sa Pagkakalantad para sa smartphone at hindi ito suportado sa iPad o tablet.
-
Ano ang ginagawa ng estado ng Washington para magbigay ng access sa teknolohiyang ito para sa mga taong walang smart phone?
-
Ang WA Notify ay hindi ang nag-iisang paraan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. May pakinabang ang contact tracing at iba pang pagsisikap para sa bawat residente ng Washington, kahit na wala silang smartphone. Ang mga bakuna ang pinakamainam na paraan para pigilan ang pagkalat ng COVID-19, at ang pagsusuot ng mga mask, pagpapanatili ng pisikal na distansiya, at paglimita sa laki ng mga pagpupulong ay ang iba pang paraan kung saan makakatulong ang lahat na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Nagbibigay ang Lifeline program (Programang Lifeline) ng pederal na pamahalaan ng buwanang credit sa bill ng telepono para sa mga kwalipikado. Maaaring magbigay rin ng libreng smartphone ang ilang nakikilahok na wireless service provider. Alamin pa ang tungkol sa programa, sino ang kwalipikado, paano mag-apply, at mga nakikilahok na wireless provider (Ingles lamang).
-
Inilabas ng Washington ang WA Notify sa higit 30 wika, pero bakit nakikita ko lamang ito sa Ingles at Espanyol sa Google Play store?
-
Gumagana ang WA Notify batay sa wikang nakatakda bilang default sa telepono ng isang user. Isa lang ang bersiyon ng WA Notify, ngunit ang anumang pop-up – halimbawa, isang notipikasyon sa pagkakalantad – ay lalabas sa gustong wika ng isang user para sa mahigit 30 wika.
-
Ilang oras ang mayroon ako para i-tap ang notipikasyon o i-activate ang verification link?
-
Mayroon kang 24 na oras pagkatapos matanggap ang notipikasyon o text message upang sundin ang mga hakbang kung paano abisuhan ang iba sa WA Notify. Kung hindi mo mata-tap ang notipikasyon o maki-click ang link sa pagberipika sa loob ng panahong iyon, maaari kang humiling ng code sa pagberipika sa WA Notify sa pamamagitan ng pagsunod sa mga hakbang na nasa seksiyong “Paano abisuhan ang iba kung nagpositibo ka sa COVID-19 gamit ang sariling pagsusuri” sa itaas sa page na ito. Maaari ka ring humiling ng link a pagberipika kapag may nakipag-ugnayan sa iyo mula sa DOH o sa iyong lokal na kinauukulan sa kalusugan tungkol sa resulta ng iyong pagsusuri sa COVID-19.
-
Bakit pinili ng Washington ang solusyong ito?
-
Bumuo ang Washington ng grupo sa pangangasiwa ng estado, kasama ang mga eksperto sa seguridad at mga kalayaang sibil at mga miyembro ng iba't ibang komunidad, upang suriin ang sistema ng notipikasyon sa pagkakalantad ng Google/Apple. Inirekomenda ng grupo ang paggamit dito dahil napatunayan na ang platform nito na maaasahan, may matibay na paraan ng pagprotekta sa datos, at ginagamit din ito ng iba pang estado.