ሕማም ዕንፍሩር፡ ዕንፍሩርን ሩቤላን (MMR) .

Maghanap ng mga bakunahang malapit sa inyo (Sa English/Spanish lang)

Piliin ang alinman sa mga link sa ibaba upang pumunta sa isang partikular na paksa.

Pangkalahatang Ideya Tungkol sa Tigdas

Ano ang tigdas?

Ang tigdas ay sakit na lubos na nakahahawa at dulot ng virus ng tigdas: Kasama sa mga sintomas ang mataas na lagnat, ubo, nagluluhang mata, at pamamantal sa buong katawan. Naikakalat ng mga taong may impeksiyon ang tigdas sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahin. Ang virus ng tigdas ay maaaring manatili sa hangin o sa mga surface nang 2 oras pagkaalis ng taong may impeksiyon.

Magbasa pa tungkol sa tigdas.

Ano ang mga sintomas ng tigdas?

Ang tigdas ay may mga sumusunod na sintomas:

  • Mataas na lagnat
  • Ubo
  • Tumutulong sipon
  • Namumula at nagluluhang mata
  • Pamamantal

Tatlo hanggang limang araw matapos magsimula ang mga sintomas, magkakaroon ng pamamantal mula sa mukha na kakalat pababa sa katawan hanggang sa paa. Ang pamamantal ay mga lapat na pulang butlig at maaaring magkumpul-kumpulan habang kumakalat.

Sino ang nanganganib?

Ang mga sanggol at maliliit na bata ay higit na nanganganib na magkaroon ng malulubhang komplikasyon mula sa tigdas.

Limitahan ang pagkalat ng tigdas

Lubos na nakahahawa ang tigdas. Ang pinakamabisang paraan laban sa tigdas ay ang pagpapabakuna sa Measles, Mumps, and Rubella (MMR, Tigdas, Beke, at Tigdas-hangin). Ang bakuna sa MMR ay nagbibigay ng matagalang proteksiyon laban sa lahat ng strain ng tigdas.

Pangkalahatang Ideya Tungkol sa Beke

Ano ang beke?

Ang beke ay sakit na lubos na nakahahawa at dulot ng virus ng beke. Kasama sa mga sintomas ang nakaumbok na pisngi, malambot at namamagang panga, lagnat, sakit ng ulo, at pananakit sa kalamnan. Kumakalat ang sakit sa pamamagitan ng direktang kontak sa laway o mga patak mula sa respiratory system. Puwedeng maikalat ng isang taong may impeksiyon ang virus sa pamamagitan ng:

  • Pag-ubo, pagbahin, o pakikipag-usap.
  • Pakikipaghiraman ng mga aytem na may laway, gaya ng mga bote ng tubig o tasa.
  • Mga aktibidad na close-contact o kung saan hindi maiiwasang madikit sa iba tulad ng isports, pagsasayaw, o paghalik.

Magbasa pa tungkol sa mumps (beke), Centers for Disease Control and Prevention (CDC, Mga Sentro para sa Pagkontrol at Pag-iwas sa Sakit) .

Ano ang mga sintomas ng beke?

Kapag may beke, namamaga ang mga glandula ng laway sa ilalim ng mga tainga (parotitis), na humahantong sa mga sumusunod na sintomas:

  • Nakaumbok na pisngi, at malambot at namamagang panga
  • Lagnat
  • Sakit ng ulo
  • Pananakit ng kalamnan
  • Pagkapagod
  • Kawalan ng ganang kumain

Sino ang nanganganib?

Ang mga nakatatanda ay higit na nanganganib na magkaroon ng malulubhang komplikasyon mula sa beke. Puwedeng kasama sa mga komplikasyon ang:

  • Pamamaga ng bayag (orchitis) o obaryo (oophoritis)
  • Pamamaga ng tisyu sa suso (mastitis)
  • Pamamaga ng lapay
  • Pamamaga ng utak (encephalitis) o tisyung tumatakip sa utak at spinal cord (meningitis)
  • Pagkabingi

Limitahan ang pagkalat ng beke

Ang pinakamabisang paraan upang magbigay-proteksiyon laban sa beke ay ang pagpapabakuna sa MMR. Napipigilan ng pagpapabakuna ang karamihan ng kaso at komplikasyon mula sa beke.

Puwedeng maikalat ng isang taong may impeksiyon ang beke ilang araw bago lumabas ang mga sintomas. Ang mga taong may beke ay dapat umiwas na makisalamuha sa iba sa pamamagitan ng pananatili sa bahay at pag-iwas sa mga pagtitipon.

Kung may kailangang makipag-ugnayan sa isang taong may impeksiyon, dapat siyang:

  • Magpabakuna upang mabawasan ang tsansang magkaimpeksiyon.
  • Iwasan ang malapit na pakikisalamuha.
  • Iwasang hakawan ang kaniyang mukha.
  • Magsuot ng mask.
  • Panatilihing maayos ang bentilasyon sa espasyo.

Kung humahawak ng maruming kagamitang pangkain, damit o aytem mula sa taong maysakit, maghugas ng kamay gamit ang sabon at maligamgam na tubig nang hindi iikli sa 20 segundo pagkatapos nito.

Pangkalahatang Ideya Tungkol sa Tigdas-hangin

Ano ang tigdas-hangin?

Ang tigdas-hangin (rubella), na tinatawag ding German measles, ay sakit na lubos na nakahahawa at dulot ng virus. Kasama sa mga sintomas ang namumulang pamamantal na nagsisimula sa mukha at lumilipat sa iba pang bahagi ng katawan, lagnat, at sakit ng ulo. Kumakalat ang sakit kapag umubo o bumahin ang isang taong may impeksiyon. Napuksa na ang tigdas-hangin sa Estados Unidos noong 2004 pero puwedeng magdulot ng mga kaso ng tigdas-hangin sa mga estado ang mga taong bumibiyahe nang may impeksiyon.

Magbasa pa tungkol sa rubella, CDC (sa English).

Ano ang mga sintomas ng tigdas-hangin?

Ang tigdas-hangin ay may mga sumusunod na sintomas:

  • Namumulang pamamantal na nagsisimula sa mukha at kumakalat sa iba pang bahagi ng katawan
  • Mababang lagnat
  • Sakit ng ulo
  • Pamumula o pamamaga ng puti sa mata (pink eye)
  • Pangkalahatang kawalan ng ginhawa
  • Namamaga o nanlalaking kulani
  • Ubo
  • Tumutulong sipon

Ang isang kuwarter hanggang sa kalahati ng mga taong may impeksiyon ng tigdas-hangin ay hindi magkakaroon ng sintomas.

Sino ang nanganganib?

Ang mga buntis ay may mas malaking panganib na magkaroon ng tigdas-hangin. Ang mga buntis na magkakaroon ng tigdas-hangin ay maaaring makunan, magsilang ng sanggol na may depekto, o mamatayan ng sanggol.

Maaaring makaranas ng rayuma ang hanggang sa 70% ng kababaihan.

Limitahan ang pagkalat ng tigdas-hangin

Puwedeng maikalat ng mga taong may impeksiyon ng tigdas-hangin ang sakit sa iba nang hanggang sa isang linggo bago pa lumabas ang mga sintomas. Ito ang dahilan kung bakit ang pagpapabakuna sa MMR ang pinakamabisang paraan upang hindi mahawa ng tigdas-hangin.

Ang mga taong may impeksiyon ng tigdas-hangin ay dapat manatili sa bahay at umiwas sa mga pagtitipon. Ipaalam sa mga kaibigan, pamilya, trabaho, at paaralan o tagapagbigay-serbisyo sa daycare kung mayroon kayong tigdas-hangin.

Kung may kailangang makipag-ugnayan sa isang taong may tigdas, dapat siyang:

  • Magpabakuna upang mabawasan ang tsansang magkaimpeksiyon.
  • Iwasan ang malapit na pakikisalamuha.
  • Iwasang hakawan ang kaniyang mukha.
  • Magsuot ng mask.
  • Panatilihing maayos ang bentilasyon sa espasyo.

Bakuna sa MMR

Kailan dapat magpabakuna sa tigdas, beke, tigdas-hangin (MMR) ang mga tao?

Ang mga bata ay dapat makatanggap ng 2 dosis ng bakuna sa MMR.

  • Ang unang dosis ay ibinibigay sa pagitan ng 12 hanggang 15 buwang gulang.
  • Ang ikalawang dosis ay ibinibigay sa pagitan ng 4 hanggang 6 na taong gulang.

Ang mga nakatatandang hindi pa kailanman nabakunahan ay dapat makakuha ng kahit isang dosis ng bakuna sa MMR.

Ang mga kawani ng pangangalagang pangkalusugan na walang immunity sa MMR ay dapat makakuha ng dalawang dosis ng bakuna sa MMR, na may agwat na hindi iikli sa 28 araw.

Ang sinumang taong edad 6 na buwan pataas na magbibiyahe sa ibang bansa ay dapat magkaroon ng proteksiyon laban sa tigdas. Kausapin ang inyong doktor kung angkop sa inyo o sa inyong pamilya ang sitwasyong ito.

May ilang taong hindi dapat magpabakuna sa MMR:

  • Hindi dapat magpabakuna sa MMR ang mga taong may mahinang immune system.
  • Hindi dapat magpabakuna sa MMR ang mga taong may tuberkulosis.
  • Hindi dapat magpabakuna sa MMR ang mga taong may kondisyon kung saan madali silang nagkakapasa o nagdurugo.

May ilang taong dapat munang maghintay bago magpabakuna sa MMR:

  • Ang mga buntis ay dapat munang maghintay hanggang sa hindi na sila buntis bago magpabakuna sa MMR.
  • Ang mga taong tumanggap ng ibang bakuna sa loob ng nakaraang 4 na linggo ay dapat munang maghintay bago magpabakuna sa MMR.
  • Ang mga taong sinalinan ng dugo o tumanggap ng mga produktong dugo ay dapat munang maghintay nang hindi iikli sa 3 buwan bago magpabakuna sa MMR.

Ano ang mga side effect ng bakuna sa MMR?

Ang karamihan ng tao ay nakararanas ng kaunting side effect o walang nararanasang side effect. Kasama sa mga pinakakaraniwang side effect ng bakuna sa MMR ang:

  • Namamagang braso o pamumula ng bahaging tinurukan
  • Lagnat
  • Banayad na pamamantal
  • Pansamantalang pagkirot at paninigas ng kasukasuan

Ang bakunang ito ay tuloy-tuloy na sinusubaybayan para sa kaligtasan. (sa English). Ang mga benepisyo at side effect ng bakunang ito ay mas matimbang kaysa sa panganib na magkaroon ng tigdas, beke, o tigdas-hangin.

Bakit mahalaga ang bakuna sa MMR?

Ang pagkuha ng dalawang dosis ng bakuna sa MMR ay 97% mabisa sa pag-iwas sa tigdas at tigdas-hangin, at 88% mabisa laban sa beke. Ang mga taong nabakunahan na magkakaroon ng ganitong sakit ay may mga mas banayad na sintomas.

Ang pagpapabakuna ay nagbibigay-proteksiyon sa inyong sarili, sa inyong pamilya, at sa iba pang tao sa komunidad. Napoprotektahan nito ang mga taong hindi puwedeng magpabakuna, gaya ng mga taong may mahinang immune system, sanggol, at buntis.

Bago nagkaroon ng bakuna, 3 hanggang 4 na milyong tao ang nagkakatigdas kada taon sa Estados Unidos. Humahantong ito sa 48,000 pagpapaospital, 1,000 kaso ng pamamaga ng utak (encephalitis), at 400 hanggang 500 pagkamatay sa isang taon.

Simula nang ilabas ang bakuna sa tigdas noong 1963, bumaba na ang mga kaso ng tigdas nang 99%.

Bagaman kaunti na lang ang mga kaso, mahalaga pa rin ang mga bakuna dahil mayroon pa ring mga paglaganap ng sakit sa Estados Unidos sa mga populasyong hindi nabakunahan, sa mga grupong high-risk o lubos na nanganganib, at sa mga bumibiyahe mula sa ibang bansa.

Childhood Vaccine Program

Ang Washington State Childhood Vaccination Program (Programa ng Bakuna sa mga Bata ng Estado ng Washington) ay nagbibigay ng mga bakuna sa mga batang 18 taong gulang pababa nang walang bayad. Kasama sa programang ito ang bakuna sa MMR.

Tingnan ang mga kalahok na tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan sa Mapa ng Tagapagbigay ng Bakuna ng Department of Health (Kagawaran ng Kalusugan).

Bakuna sa MMR na Kinakailangan sa mga Paaralan

Ang bakuna sa MMR ay kinakailangan para sa child care (pangangalaga ng bata) at pagpasok sa paaralan sa estado ng Washington. Alamin pa ang tungkol sa mga kinakailangang pagbabakuna sa paaralan at child care sa pamamagitan ng pagbisita sa web page ng mga pampamilyang pagbabakunang kinakailangan sa mga paaralan (available sa English at sa ilang karagdagang wika).

Pahayag at mga Mapagkukunan ng Tulong para sa Impormasyon sa Bakuna

Ang Vaccine Information Statement (VIS, Pahayag ng Impormasyon sa Bakuna) ay ibinibigay sa mga magulang/tagapag-alaga sa oras ng pagpapabakuna. Ipinaliliwanag nito ang mga benepisyo at panganib ng partikular na pagpapabakuna.

Basahin ang kasalukuyang Vaccine Information Statement ng MMR mula sa CDC.

Hanapin ang Mga Pagsasalin ng VIS sa immunize.org. 

Mga karagdagang mapagkukunan ng tulong para sa publiko

Mga karagdagang mapagkukunan ng tulong para sa mga tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan, kawani ng kalusugan ng publiko, paaralan at child care

FAQ Tungkol sa Bakuna sa MMR at Tigdas

Ano ang mga kinakailangang bakuna para sa tigdas?

Kinakailangan ng estado ng Washington na mabakunahan laban sa tigdas ang mga batang papasok sa childcare, kindergarten, o grade school. Puwede kayong magbasa pa tungkol sa kinakailangang ito sa aming web page ng impormasyon tungkol sa pagbabakuna sa paaralan at childcare (available sa English at ilang karagdagang wika).

Ang mga kawani at boluntaryo sa childcare center, Early Childhood Education and Assistance Program (ECEAP, Programa ng Edukasyon at Tulong sa Maagang Pag-aaral), o head start preschool ay inaatasang magbigay ng dokumentasyong nagpapakitang nakatanggap sila ng bakuna sa MMR o may immunity sila sa tigdas. Puwede kayong magbasa pa tungkol sa kinakailangang ito sa aming FAQ Tungkol sa Kinakailangan sa MMR (sa English).

Paano ko mahahanap ang aking katayuan sa pagpapabakuna?

Puwede ninyong itsek upang siguruhing nabakunahan na kayo sa MMR sa pamamagitan ng pagkuha ng mga rekord sa pagpapabakuna mula sa tanggapan ng inyong doktor, botika, o sa tagapagbigay-serbisyo na nagbakuna sa inyo. Puwede rin ninyong subukang itsek sa isang paaralan upang alamin kung mayroon silang rekord ng pagbabakuna na isinumite ninyo noong nagparehistro kayo para sa paaralan. Sa wakas, puwede kayong mag-sign up para sa MyIR upang makakuha ng elektronikong rekord ng pagbabakuna mula sa registry ng pagbabakuna ng Estado ng Washington o makipag-ugnayan sa Department of Health.

Anong uri ng bakuna ang MMR?

Ang bakuna sa tigdas, beke, at tigdas-hangin (MMR) ay naglalaman ng buhay pero mahihinang strain ng mga virus ng tigdas, beke, at tigdas-hangin. Pagkatapos mabakunahan, gumagawa ang immune system ng mga antibody na lumalaban sa virus na pangontra sa mahinang virus ng bakuna. Ang bakuna sa tigdas ay nagpoprotekta laban sa tigdas dahil kapag nabakunahan kayo at pagkatapos ay nalantad sa isang taong may tigdas, naaalala ng inyong katawan kung paano labanan ang virus. Iyon ay dahil sinanay ng bakuna ang inyong immune system. Hindi nagdudulot ng sakit ang bakuna pero gumagawa ito ng matibay at matagalang immune response.

Bakit napakahalaga ng mga bakuna sa pag-iwas sa tigdas?

Ang bakuna sa MMR ay lubos na mabisa sa pag-iwas sa tigdas. Kung mayroon tayong mataas na antas ng pagpapabakuna sa MMR sa isang komunidad, makaiiwas tayo sa mga paglaganap ng sakit na mangangailangan sa atin na makabawas ng oras sa trabaho at paaralan. Mapoprotektahan natin ang mga taong hindi makapagpabakuna, gaya ng mga taong may mahinang immune system o mga sanggol na masyado pang bata upang mabakunahan.

Sino ang nagrerekomenda sa Bakuna sa MMR?

Ang Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang American Academy of Pediatrics (AAP), ang American Academy of Family Physicians (AAFP), ang American College of Obstetricians and Gynecologists, ang American College of Physicians (ACP), at ang Washington State Department of Health ay nagrerekomenda sa bakunang ito.

Gaano kabisa ang bakuna sa MMR?

Napakabisa ng bakuna sa MMR. Ang isang dosis ng bakuna sa MMR ay 93% mabisa sa pag-iwas sa tigdas. Napatataas ng ikalawang dosis ang bisa sa 97%.

Sino ang dapat makatanggap ng bakuna sa MMR?

Ang lahat ng bata ay dapat makatanggap ng 2 dosis ng bakuna sa MMR sa edad na 12-15 buwan, at muli sa edad na 4-6 na taon.

Ang mga nakatatandang ipinanganak pagkatapos ng 1957 na hindi pa kailanman nabakunahan ay dapat makakuha ng hindi bababa sa 1 dosis ng bakuna sa MMR, maliban kung lubos silang nanganganib.

Kasama sa mga taong lubos na nanganganib ang mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan, batang nasa edad ng pag-aaral, bumibiyahe sa ibang bansa, at estudyanteng pumapasok sa kolehiyo o bokasyonal na programa. Kung hindi pa sila kailanman nabakunahan o hindi sila immune, dapat silang makakuha ng 2 dosis ng bakuna sa MMR, na ibibigay nang may agwat na hindi iikli sa 28 araw.

Gaano katagal bago maprotektahan ang isang tao sa tigdas pagkatapos mabakunahan?

Ang katawan ay nangangailangan ng oras upang makagawa ng mga pamprotektang antibody upang gumana ang bakuna sa tigdas. Tumatagal nang humigit-kumulang 2-3 linggo bago ganap na maprotektahan ang mga tao. Kung magbibiyahe kayo sa labas ng US, dapat kayong magplanong kumuha ng kumpletong bakuna nang hindi iikli sa 2 linggo bago umalis.

May kahit sino bang hindi dapat makatanggap ng bakuna sa MMR?

Ang mga buntis, sinumang may malubhang allergy sa anumang sangkap ng bakuna sa MMR, taong may aktibong tuberkulosis, at sinumang may mahinang immune system, ay hindi dapat makatanggap ng bakuna sa MMR.

Ano ang mga side effect ng bakuna sa MMR?

Kasama sa mga karaniwang side effect ang pamumula o pamamaga sa bahaging binakunahan, pansamantalang pagkirot ng kasukasuan o kalamnan, banayad na pamamantal, o lagnat. Ang mga sintomas na ito ay karaniwang banayad lang at tumatagal nang 24 hanggang 48 oras.

Puwede pa rin bang magkatigdas ang mga taong kumpleto na sa bakuna?

Ang bakuna ay 97% mabisa pagkatapos ng 2 dosis, na ang ibig sabihin ay 3 mula sa 100 taong maaaring hindi nakagawa ng mga antibody sa bakuna ang puwedeng magkatigdas. Hindi 100% ang bisa ng mga bakuna, tulad lang ng mga gamot. Ang immune system ng ilang tao ay maaaring hindi magkaroon ng maayos na response sa bakuna. Pero ang mga taong kumpleto na sa bakuna at magkakatigdas ay higit na posibleng magkaroon ng mas banayad na karamdaman at hindi gaanong posibleng magpakalat sa sakit sa ibang tao, lalo na sa mga hindi puwedeng magpabakuna.

Ano ang dapat kong gawin kung hindi ako sigurado kung immune ako sa tigdas?

Kung hindi kayo sigurado tungkol sa inyong immunity sa tigdas, simulang itsek ang inyong mga rekord ng pagpapabakuna upang makita kung nakatanggap na kayo ng bakuna sa MMR (tigdas, beke, at tigdas-hangin). Kung dati na kayong nasuri para sa tigdas, subukang hanapin ang mga resulta ng pagpapalaboratoryo. Kung wala kayong rekord ng alinman sa pagpapabakuna o pagpapasuri ng dugo na nagkukumpirma sa immunity, inirerekomendang magpabakuna kayo sa MMR. Hindi masamang makatanggap ng isa pang dosis, kung nabakunahan na kayo pero walang dokumentasyon.

Hindi ako nabakunahan sa MMR pero nalantad ako sa isang taong may tigdas. Dapat ba akong makatanggap ng bakuna?

Oo. Puwedeng maging mabisa ang bakuna sa MMR kung maibibigay sa loob ng 3 araw matapos malantad.

Kung nalantad ako sa isang taong may tigdas at hindi ako puwedeng magpabakuna sa MMR, posible bang makakuha ng immune globulin?

Oo, ang immune globulin sa tigdas ay puwedeng ibigay sa mga buntis at mga taong may mahinang immune system na hindi puwedeng magpabakuna sa MMR. Kausapin ang inyong tagapabigay-serbisyo tungkol sa opsiyong ito.

Ano ang MMR titer?

Ang titer ay pagpapasuri ng dugo na nagtsetsek ng mga antibody (immunity) laban sa mga partikular na sakit. Ang MMR titer ay nagtsetsek ng immunity sa tigdas, beke, at tigdas-hangin.

Dapat ba akong magpasuri sa dugo upang matsek kung may immunity ako sa tigdas?

Hindi inirerekomenda ng CDC ang pagpapasuri ng antibody sa tigdas bago o pagkatapos magpabakuna sa MMR para sa pagtatasa ng immune response. 97% ng mga tao ang protektado laban sa tigdas kapag nakakuha na sila ng 2 bakuna sa MMR, kaya hindi kailangang magpasuri ng antibody. Ang mga pasyenteng hindi nabakunahan o walang nakadokumentong immunity ay dapat makatanggap ng 1 o higit pang dosis ng bakuna sa MMR.

Nagdudulot ba ng autism ang bakuna sa MMR?

Hindi, Walang siyentipikong ebidensiya na nagdudulot ng autism ang anumang bakuna. Marami nang naisagawang pag-aaral at pananaliksik, at sa lahat ng ito, walang napag-alamang kaugnayan sa pagitan ng mga bakuna at autism.

Dahil sa bakuna sa MMR, naiiwasan ang mapanganib na impeksiyon ng tigdas at may mga buhay na naililigtas. Patuloy itong sinusubaybayan para sa kaligtasan at nananatili ito bilang ang ating pinakamahusay na depensa laban sa tigdas, beke, at tigdas-hangin.

Para sa iba pang impormasyon, tingnan ang Mga Bakuna at Autism, Children's Hospital of Philadelphia (sa English). 

Hindi sigurado ang aking pamilya kung ligtas ang mga bakuna. Ano ang puwede kong sabihin sa kanila na magpapabago sa kanilang isip tungkol sa pagpapabakuna sa MMR?

Ang pakikipag-usap sa mga kapamilyang hindi sigurado tungkol sa mga bakuna ay nangangailangan ng panahon upang makinig at mapakinggan ang tungkol sa mga partikular na alalahanin. Puwede kayong magbigay ng impormasyon sa mga kapamilya kung bakit kayo magpapabakuna at ang mga dahilan kung bakit magpapabakuna. Halimbawa, puwede ninyong sabihin sa kanila na ang tigdas ay lubos na nakahahawa at puwedeng magdulot ng malubhang sakit sa mga bata, gaya ng pulmonya, pamamaga ng utak, pagkabingi at pagkamatay. Humigit-kumulang 1 sa 5 taong hindi nabakunahan ang mangangailangang magpaospital.

  • Nilisensiyahan ang bakuna sa MMR mula pa noong 1970s. Nasubaybayan ito para sa kaligtasan sa loob ng maraming taon na may kaunting side effect.
  • Maraming malakihang pag-aaral ang hindi nakitaan ng koneksiyon sa pagitan ng bakuna sa MMR at autism. Hindi alam ang mga sanhi ng autism spectrum disorder, pero malaki ang papel na ginagampanan ng genetics. Nade-develop ang autism bago ipanganak o sa maagang yugto ng buhay.
  • Ang bakuna sa MMR ang pinakamabisang paraan upang maging protektado laban sa tigdas, beke, at tigdas-hangin. Ang isang dosis ay 93% mabisa, at ang 2 dosis ay 97% mabisa sa pag-iwas sa impeksiyon ng tigdas.
  • Ang pagpapabakuna ang pinakamahusay na depensa upang mapanatili ang lakas ng inyong immune system at magkaroon ng proteksiyon laban sa malalalang panganib sa kalusugan na ito.
  • Isang kapaki-pakinabang na mapagkukunan ng tulong: tingnan ang aming booklet na Simpleng Usapan Tungkol sa Pagbabakuna.

Bakuna sa MMR para sa mga Bata

Kailan dapat magpabakuna sa MMR ang aking anak?

Ang mga bata ay dapat makakuha ng 2 dosis upang magkaroon ng panghabambuhay na immunity. Ang unang dosis ay dapat ibigay sa edad na 12-15 buwan at ang ikalawang dosis ay sa edad na 4-6 na taon.

Can my baby get the MMR vaccine before 12 months?

Oo, sa mga espesyal na sitwasyon – ang mga sanggol na 6-11 buwang gulang ay maaaring makatanggap ng 1 dosis sa panahon ng paglaganap ng tigdas, bago bumiyahe sa ibang bansa, o bumiyahe sa isang lugar ng Estados Unidos kung saan laganap ang sakit. Kung makapagpapabakuna sa MMR ang inyong sanggol bago siya mag-12 buwan, siguruhing makakukuha ang sanggol ng 2 pang bakuna upang masigurong ganap siyang mapoprotektahan laban sa tigdas.

Laganap ang tigdas sa aking komunidad. Puwede bang mabakunahan ang aking anak kung wala pa siyang 12 buwan?

Ang mga batang 6 na buwang gulang pa lang ay puwedeng ligtas na makatanggap ng bakuna sa MMR. Tanungin sa inyong tagapagbigay-serbisyo upang alamin kung inirerekomenda niya ang bakuna sa MMR bago mag-12 buwang gulang kung laganap ang sakit sa inyong lugar. Kakailanganin pa rin ng mga batang ito ng 2 karagdagang bakuna sa MMR simula sa edad na 12 buwan upang maituring na immune sa tigdas.

Gaano kaaga puwedeng makuha ang ikalawang bakuna pagkatapos makuha ng aking anak ang unang bakuna sa MMR?

Ang ikalawang dosis ng bakuna sa MMR ay karaniwang ibinibigay sa edad na 4-6 na taong gulang. Gayunman, ligtas na matatanggap ang ikalawang dosis pagkalipas ng hindi iikli sa 28 araw mula nang matanggap ang unang dosis kung magbibiyahe kayo sa labas ng US o kung malalantad ang inyong anak sa isang taong may tigdas.

Mas mainam ba para sa aking anak ang magkaroon ng ganitong sakit sa halip na magpabakuna?

Ang bakuna sa MMR ang ating pinakamahusay na depensa laban sa tigdas, beke at tigdas-hangin. Tuloy-tuloy itong sinusubaybayan para sa kaligtasan at bisa, at mas matimbang ang mga benepisyo kaysa sa anumang posibleng panganib. Daan-daan milyong dosis ng bakuna sa MMR ang naibigay na sa U.S. mula noong ginawa ito, at mahusay ang rekord nito sa pagiging ligtas.

Puwedeng maging malubhang sakit ang tigdas, kung saan 1 sa 3 tao ang nakararanas ng 1 o higit pang komplikasyon. Ang mga komplikasyon mula sa tigdas ay mas karaniwan sa maliliit na bata (mas bata sa 5 taon), taong lampas na sa edad 20, buntis, o may mahinang immune system. 1 sa 3 kada 1,000 taong may tigdas sa Estados Unidos ang namamatay mula sa tigdas.

Kasama sa pinakakaraniwang komplikasyon ng tigdas ang impeksiyon sa tainga (1 sa 10 bata) at pagtatae (mas kaunti sa 1 sa 10 tao). Ang pulmonya (1 sa 20 bata) ang pinakakaraniwang sanhi ng pagkamatay na may kinalaman sa tigdas. Humigit-kumulang 1 sa 1,000 taong may impeksiyon ang magkakaroon ng acute encephalitis, ang pamamaga ng utak na puwedeng humantong sa permanenteng sira sa utak.

May allergy sa itlog ang aking anak: ligtas bang ibigay ang bakuna sa MMR?

Oo, ligtas ibigay sa mga batang may allergy sa itlog ang bakuna sa MMR. Ipinakita sa maraming pag-aaral na ang bakuna sa MMR ay ligtas sa mga batang may malubhang allergy sa itlog. Inirerekomenda ng American Academy of Pediatrics at ng pederal na Advisory Committee on Immunization Practices (ACIP, Komiteng Tagapayo sa mga Kasanayan sa Pagbabakuna) ang pagbibigay sa mga bata ng bakuna sa MMR, may allergy man sila sa itlog o wala.

Nakatanggap ang aking anak ng bakuna sa MMR at namantal siya. Binigyan ba ng bakuna ng tigdas ang aking anak?

Humigit-kumulang 5 porsiyento ng mga taong nakatatanggap ng bakuna sa MMR ang nagkakaroon ng banayad na pamamantal. Kapag nangyari ito, karaniwang lumalabas ang pamamantal 7 hanggang 12 araw matapos magpabakuna. Ang pamamantal na ito ay hindi impeksiyon at hindi naikakalat sa iba. Hindi naikakalat ang mga virus ng bakuna mula sa isang taong nabakunahan, kahit na mamantal siya. Walang kailangang espesyal na pag-iingat, gaya ng hindi pagsali sa paaralan.

Bakuna sa MMR para sa mga Nasa Hustong Gulang

Kailangan ba ng booster ng mga taong nasa hustong gulang na nakatanggap na ng bakuna sa MMR?

Ang karamihan ng nasa hustong gulang na nabakunahan na ay immune sa tigdas at hindi nangangailangan ng booster. Itsek kung may bakuna na sa MMR na nakalagay sa inyong rekord ng pagbabakuna Kung ipinanganak kayo bago ang taong 1957, posibleng nagkaroon na kayo ng sakit na tigdas at habambuhay na immunity, at hindi ninyo kailangan ng bakuna sa MMR. Kung hindi kayo sigurado sa inyong immunity o katayuan sa pagbabakuna, ligtas na magpabakuna sa MMR.

Sinong nasa hustong gulang ang itinuturing bilang “high risk” o lubos na nanganganib na nangangailangan ng 2 bakuna sa MMR?

Ang mga taong pumapasok sa kolehiyo o iba pang institusyong pang-edukasyon pagkatapos ng high school, manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan, at bumibiyahe sa ibang bansa.

Estudyante ako sa kolehiyo na walang rekord ng pagpapabakuna. Ipinakikita sa resulta ng aking titer na immune ako sa tigdas-hangin at beke, pero hindi sa tigdas. Anong uri ng bakuna ang dapat kong matanggap?

Ang mga indibidwal na bakuna para sa tigdas, para sa beke, o para sa tigdas-hangin ay hindi na available sa U.S. Kailangan ninyong kumuha ng pinagsama-samang bakuna sa MMR. Dapat kayong makatanggap ng 2 dosis ng MMR dahil higit kayong nanganganib na magkaroon ng impeksiyon sa tigdas bilang estudyante sa kolehiyo.

Ipinanganak ako bago ang taong 1957, kailangan ko pa ba ng bakuna sa MMR?

Hindi. Kung ipinanganak kayo bago ang taong 1957, itinuturing kayong immune sa tigdas. Ito ay dahil namuhay kayo nang maraming taon nang may epidemya ng tigdas bago nagawa ang mga unang bakuna at malaki ang posibilidad na nagkaroon na kayo ng ganitong sakit.

Ipinanganak ako bago ang taong 1957 at negatibo sa tigdas ang resulta ng aking pagpapasuri ng dugo. Dapat ba akong magpabakuna sa MMR ngayon?

Ang mga taong ipinanganak bago ang taong 1957 ay itinuturing na immune sa tigdas. Gayunman, kung ipinakikita sa inyong pagpapasuri ng dugo na hindi kayo immune sa tigdas, puwede kayong makatanggap ng 1 o higit pang bakuna sa MMR.

Manggagawa ako sa pangangalagang pangkalusugan at ipinanganak ako bago ang taong 1957. Ilang bakuna sa MMR ang kailangan ko?

Bagaman ang mga taong ipinanganak bago ang taong 1957 ay itinuturing na may immunity sa tigdas, ang mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan ay nasa kategoryang high-risk o lubos na nanganganib. Kung hindi laganap ang tigdas sa inyong lugar, maaari ninyong pag-isipang kumuha ng 2 dosis ng bakuna sa MMR. Sa panahon ng paglaganap ng sakit, inirerekomenda na ang lahat ng manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan, kabilang na ang mga ipinanganak bago ang taong 1957, ay tumanggap ng 2 dosis ng bakuna sa MMR.

Nasabi sa akin na nagkatigdas ako noong bata pa ako. Immune ba ako o kailangan ko bang magpabakuna?

Kung mayroon kayong resulta ng pagpapalaboratoryo na nagpapakitang nagkaroon na kayo ng impeksiyon ng tigdas, hindi ninyo kailangang magpabakuna. Kung wala kayong dokumentasyon ng impeksiyon ng tigdas, mga antibody ng tigdas sa pamamagitan ng pagpapasuri ng dugo, o bakuna sa MMR, dapat ninyong matanggap ang bakuna sa MMR.

Wala sa akin ang aking rekord ng pagbabakuna pero sa tingin ko ay nakatanggap na ako dati ng bakuna sa MMR. Ilang bakuna sa MMR ang kailangan ko?

Kung wala kayong dokumentasyon ng dating pagpapabakuna sa MMR o dokumentasyon ng immunity, sundin ang mga rekomendasyon sa ibaba.

Ang mga taong nasa hustong gulang na ipinanganak noong 1957 o pagkatapos nito na may low risk o hindi gaanong nanganganib (hindi magbibiyahe sa ibang bansa, manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan, o pumapasok sa kolehiyo/bokasyonal na programa) ay dapat makakuha ng 1 dosis ng bakuna sa MMR.

Ang mga nasa hustong gulang na high-risk o lubos na nanganganib gaya ng mga tauhan sa pangangalagang pangkalusugan, bumibiyahe sa ibang bansa na ipinanganak noong 1957 o pagkatapos nito, at mga taong pumapasok sa kolehiyo/bokasyonal na programa, ay dapat makatanggap ng 2 dosis ng bakuna sa MMR.

Natanggap ko ang aking bakuna sa tigdas sa pagitan ng 1963-1967, pero hindi ako sigurado kung aling uri ng bakuna ang natanggap ko. Kailangan ko bang magpasuri ng dugo upang matsek kung may immunity ako?

Hindi, hindi ninyo kailangang magpasuri ng dugo upang matsek kung may immunity kayo. Dalawang uri ng bakuna sa tigdas ang ginamit noong 1960s: buhay na virus at inactivated (pinatay) na virus. Napag-alaman kalaunan na ang inactivated na berisyon ay hindi kasimbisa sa pagsulong ng immunity. Kung hindi ninyo alam kung aling uri ang inyong natanggap, o kung wala kayong anumang rekord, dapat kayong makatanggap ng kahit 1 dosis ng bakuna sa MMR. Kung higit kayong nanganganib, 2 dosis ang inirerekomenda.

Pinasuri ko ang aking dugo para sa immunity sa tigdas at negatibo ito. Ano ang dapat kong gawin?

Kung mayroon kayong rekord ng pagbabakuna na nagpapakitang nakatanggap na kayo ng 2 dosis ng MMR, itinuturing kayong immune kahit na negatibo ang inyong titer at hindi ninyo kailangan ng karagdagang bakuna. Kung wala kayong rekord ng pagbabakuna na nagpapakitang nakatanggap na kayo ng bakuna sa MMR, puwede kayong magpabakuna. Walang masama sa pagkuha ng mga karagdagang bakuna sa MMR kahit na nabakunahan na kayo dati pero wala lang kayong rekord.

Sinong mga tao ang hindi kailangan ng mga karagdagang dosis ng bakuna sa MMR?

Ang mga batang nasa edad na pang-preschool na may kahit 1 dosis ng MMR na ibinigay sa kanilang unang kaarawan o pagkatapos nito.

Ang mga low-risk o hindi gaanong nanganganib na nasa hustong gulang na may kahit 1 bakuna sa MMR.

Ang mga batang nasa edad ng pag-aaral, adolescent, at high-risk na nasa hustong gulang, na may 2 dosis ng MMR.

Ang mga taong ipinanganak bago ang taong 1957.

“High risk” na nasa hustong gulang ba ako na nangangailangan ng 2 bakuna sa MMR?

Kung kayo ay estudyante sa kolehiyo, manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan, o bumibiyahe sa ibang bansa, itinuturing kayong high risk at dapat kayong makatanggap ng 2 bakuna sa MMR.

Mayroon akong HIV. Puwede ba akong magpabakuna sa MMR?

Oo. Ang bakuna sa MMR ay ligtas na maibibigay sa mga taong may HIV na hindi malubhang immunocompromised, tulad ng ipinakikita sa kanilang pagpapalaboratoryo.

Nakatanggap ako ng 2 dosis ng bakuna sa MMR noong bata pa ako. Sa panahon ng pagbubuntis, naipakita sa aking pagpapalaboratoryo na hindi ako immune sa tigdas-hangin. Dapat ba akong magpabakuna nang isa pa?

Kung ipinakita sa inyong pagpapalaboratoryo na hindi kayo immune sa tigdas-hangin kahit nakatanggap na kayo ng 2 bakuna sa MMR, dapat kayong makakuha ng isa pang dosis pagkapanganak ninyo. Hindi inirerekomenda ang bakuna sa MMR habang buntis dahil buhay na bakuna ito.

Hindi available sa U.S. ang nakahiwalay na bakuna sa tigdas-hangin, pero ligtas at mabisa na makatanggap ng ikatlong dosis ng MMR sa sitwasyong ito. Ang tigdas-hangin ay lubos na mapanganib sa panahon ng pagbubuntis at naglalagay sa taong buntis sa panganib na makunan o magsilang ng sanggol na walang buhay. Nanganganib ang nade-develop na sanggol na magkaroon ng malulubhang depekto pagkasilang nang may masasaklap at panghabambuhay na kinahihinatnan.

Nagpapasuso ako. Ligtas bang tumanggap ng bakuna sa MMR?

Oo. Ang pagpapasuso ay hindi nakasasagabal sa bisa ng bakuna sa MMR at hindi nakaaapekto sa kalusugan ng sanggol. Ligtas na magpatuloy sa pagpapasuso pagkatanggap ng bakuna.

Bakuna sa MMR at Pagbiyahe

Ipinanganak ako bago ang taong 1957, hindi ako manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan, at gusto kong magpabakuna sa MMR bago bumiyahe sa ibang bansa. Puwede pa rin ba akong magpabakuna sa MMR?

Hindi ito kinakailangan, dahil ang mga indibidwal na ipinanganak bago ang taong 1957 ay pangkalahatang itinuturing na immune. Gayunman, ang bakuna sa MMR ay maaaring ibigay sa sinumang ipinanganak bago ang taong 1957 kung nanaisin. Hindi kinakailangang magpakuha ng dugo bago magpabakuna sa MMR.

Plano kong bumiyahe sa ibang bansa at nakatanggap na ako ng 2 bakuna sa MMR pagkalampas sa edad na 12 buwan. Kailangan ko ba ng booster?

Hindi. Kung nakatanggap kayo ng 2 dosis ng MMR sa edad na 12 buwan o pagkatapos nito, itinuturing kayong immune at hindi ninyo kailangan ng isa pang dosis bago bumiyahe.

Plano kong bumiyahe sa loob ng U.S. Ano ang mga rekomendasyon para sa pagbabakuna sa MMR?

Daapt sundin ng lahat ang inirerekomendang iskedyul ng pagpapabakuna sa MMR ng CDC. Kausapin ang inyong tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan o itsek ang website ng kagawaran ng kalusugan ng estado para sa mga partikular na rekomendasyon kung laganap ang sakit sa buong komunidad sa lugar kung saan kayo magbibiyahe. Kung hindi kayo nakatanggap ng anumang bakuna sa MMR at magbibiyahe kayo sa lugar kung saan laganap ang tigdas, magpabakuna sa MMR nang hindi iikli sa 2 linggo bago bumiyahe.

Magbibiyahe kami sa ibang bansa, at wala pang 12 buwang gulang ang aming sanggol. Dapat ba siyang makatanggap ng bakuna sa MMR nang maaga?

Oo. Ang mga batang 6-11 buwang gulang ay dapat makatanggap ng 1 dosis ng bakuna sa MMR bago bumiyahe sa ibang bansa. Dapat makakuha ang inyong anak ng 2 pang dosis sa edad na 12 buwan at 4 na taong gulang.

Magbibiyahe ako sa ibang bansa, at 2 linggo na lang bago ang aking pag-alis. Dapat ba akong magpabakuna sa MMR?

Oo. Inirerekomenda ang pagbabakuna sa MMR nang hindi iikli sa 2 linggo bago ang pagbiyahe sa ibang bansa. Gayunman, kung mas maaga ang inyong biyahe, ipinapayo pa rin ang pagpapabakuna bago ang pag-alis.