Bilang pagsunod sa aksiyong pangregulasyon ng Food and Drug Administration (FDA, Pangasiwaan ng Pagkain at Gamot), inirekomenda ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC, Mga Sentro para sa Pagkontrol at Pag-iwas sa Sakit) ang mga updated na mRNA na bakuna sa COVID-19 para sa 2023-2024 para sa lahat ng 6 buwan pataas na nagta-target sa omicron subvariant XBB.1.5. Ang mga bivalent na bakuna sa COVID-19 ay hindi na awtorisado o available sa Estados Unidos. Ang mga bagong rekomendasyon sa bakuna sa COVID-19 ay tulad ng sumusunod:
- Ang mga batang 6 buwan – 4 taong gulang na hindi pa nabakunahan ay inirerekomendang tumanggap ng 3 dosis ng updated na mRNA Pfizer o 2 dosis ng updated na mRNA Moderna.
- Ang mga batang 6 buwan – 4 taong gulang na nabakunahan na dati ay inirerekomendang tumanggap ng 1 o 2 dosis ng updated na mRNA na bakuna sa COVID-19 (ang oras at bilang ng dosis na ibibigay ay depende sa bakuna sa COVID-19 na natanggap na dati).
- Ang sinumang 5 taong gulang pataas, na nabakunahan na dati o hindi pa, ay inirerekomendang tumanggap ng 1 dosis ng updated na mRNA na bakuna sa COVID-19 nang hindi bababa sa 2 buwan pagkatapos ng huling dosis ng anumang bakuna sa COVID-19.
- Ang mga indibidwal na 12 taong gulang pataas na nabakunahan na dati ng bakuna sa COVID-19 (at hindi pa nabakunahan ng kamakailang na-update na mRNA na bakuna sa COVID-19) ay maaaring magpaturok ng 1 dosis ng bakuna sa COVID-19 ng Novavax para sa 2023-2024 na Adjuvanted nang hindi bababa sa 2 buwan pagkatapos ng kanilang huling dosis ng bakuna sa COVID-19.
- Ang mga indibidwal na 12 taong gulang pataas na hindi pa nabakunahan ay maaaring magpaturok ng 2 dosis ng bakuna sa COVID-19 ng Novavax para sa 2023-2024 na Adjuvanted nang may 3 linggong agwat.
Anong kailangan kong malaman kung kukuha ako ng bakuna sa COVID-19?
- Paano ko makukuha ang aking bakuna?
-
Bisitahin ang Tagahanap ng Bakuna para makahanap at mag-iskedyul ng appointment.
Pwede mo ring i-text ang iyong ZIP code sa 438-829 (GET VAX) para sa mga lokasyon ng pagpapabakuna malapit sa iyo.
- May gagastusin ba para sa mga bakuna sa COVID-19?
-
Sa panahon ng pandemya ng COVID-19, ang lahat ng bakuna sa COVID-19 ay binili at ginawang libre ng pederal na gobyerno ng US para sa bawat taong gusto nito. Ngayong tapos na ang emergency sa pampublikong kalusugan kaugnay ng COVID-19, inaasahang matutulad rin sa ibang bakuna ang mga bakuna sa COVID-19, na ang ibig sabihin, bibilhin ang mga ito ng mga klinika at ospital nang direkta para sa mga taong nasa hustong gulang. Magiging available pa rin ang mga bakuna sa COVID-19, pero maaaring kailanganing gumastos ng mga taong nasa hustong gulang para makatanggap nito.
Tulad ng ibang bakuna, posibleng saklawin ng karamihan ng plano ng insurance ang mga bakuna sa COVID-19. Patuloy na magiging available nang libre ang mga bakuna sa COVID-19 para sa lahat ng bata sa estado ng Washington hanggang sa ika-19 nilang kaarawan sa tulong ng programang Bakuna para sa Kabataan (English lang). May mga programa rin para sa mga taong nasa hustong gulang na makatutulong para sagutin ang mga gastos sa pagpapabakuna kung wala silang insurance sa kalusugan o hindi saklaw ng plano nila ang bakuna. Pumunta sa HHS.gov (English lang) para sa iba pang impormasyon tungkol sa mga programang ito.
Patuloy na magiging available nang libre ang mga bakuna sa COVID-19 para sa lahat, hangga't may supply pa ng mga bakunang binili ng pederal na gobyerno.
- Ano ang Bridge Access Program?
-
Ang Bridge Access Program (Programa sa Pagtulay ng Access) ay pansamantalang nagbibigay ng mga updated na bakuna sa COVID-19 para sa 2023-2024 nang libre sa mga taong nasa hustong gulang na edad 19 pataas na walang insurance sa kalusugan, at sa mga taong nasa hustong gulang na may insurance na hindi sapat upang saklawin ang lahat ng gastos sa COVID-19, hanggang sa Disyembre 2024. Upang makahanap ng lokasyon ng botikang kalahok sa programang ito, pumunta sa www.Vaccines.gov (English at Spanish lang).
- Ano ang Bridge Access Program? O puwede pa rin ba akong tumanggap ng bakuna sa COVID-19 kung wala akong insurance?
-
Noong nakaraang linggo, inanunsiyo ng Health and Human Services (HHS) ang Bridge Access Program para sa mga Bakuna at Paggamot sa COVID-19 sa tulong ng CDC. Ang Bridge Access Program ay nakalaan upang magpanatili ng malawakang access sa mga bakuna sa COVID-19 para sa milyon-milyong American na walang insurance. Sa tulong ng programang ito, naipagpatuloy ang libreng saklaw para sa tinatayang 25-30 milyong taong nasa hustong gulang na muntikan nang mawalan ng access sa mga abot-kayang bakuna sa COVID-19 ngayong nailipat na sa komersiyal na merkado ang pamamahagi ng mga bakuna.
- Aling mga bakuna sa COVID-19 ang maaaring kunin sa kasalukuyan?
-
Tatlong bakuna ang awtorisadong magamit sa panahon ng emergency o ganap nang aprubado ng U.S. Food and Drug Administration (FDA, Pangasiwaan ng Pagkain at Gamot ng Estados Unidos). Kasalukuyang iniaalok ang mga bakunang ito sa estado ng Washington. Ituturing kang updated (English at Spanish lang) sa pagpapabakuna sa COVID-19 kung natanggap mo na ang pinakahuling dosis na inirerekomenda para sa iyo ng CDC.
Bakuna sa COVID-19 ng Pfizer-BioNTech (Comirnaty):
Ang bakuna sa COVID-19 ng Pfizer-BioNTech para sa mga 6 buwan hanggang 4 taon ay isang seryeng may 3 dosis, kung saan ibinibigay ang unang 2 dosis nang may 21 araw na agwat at ang ikatlong dosis nang hindi bababa sa 8 linggo pagkatapos ng ikalawang dosis.
Ang bakuna sa COVID-19 ng Pfizer-BioNTech para sa mga 5 pataas ay 1 updated na dosis para sa 2023-2024.
Bakuna sa COVID-19 ng Moderna (Spikevax):
Ang bakuna sa COVID-19 ng Moderna para sa mga 6 buwan-4 taon ay isang seryeng may 2 dosis, na ibinibigay nang may 1 buwang agwat.
Ang bakuna sa COVID-19 ng Moderna para sa mga 5 taon pataas ay 1 updated na dosis para sa 2023-2024.
Bakuna sa COVID-19 ng Novavax:
Ang mga indibidwal na 12 taong gulang pataas na nabakunahan na dati ng bakuna sa COVID-19 (at hindi pa nabakunahan ng kamakailang na-update na mRNA na bakuna sa COVID-19) ay maaaring magpaturok ng 1 dosis ng bakuna sa COVID-19 ng Novavax para sa 2023-2024 na Adjuvanted nang hindi bababa sa 2 buwan pagkatapos ng kanilang huling dosis ng bakuna sa COVID-19.
Ang mga indibidwal na 12 taong gulang pataas na hindi pa nabakunahan ay maaaring magpaturok ng 2 dosis ng bakuna sa COVID-19 ng Novavax para sa 2023-2024 na Adjuvanted nang may 3 linggong agwat.
- Pwede ko bang makuha ang bakuna sa COVID-19 kung ako ay buntis, nagpapasuso, o nagpaplanong magingbuntis?
-
Oo, ipinapakita ng datos na ang mga bakuna sa COVID-19 ay ligtas sa panahon ng pagbubuntis. Inirerekomenda ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC, Mga Sentro sa Pagkontrol at Pagpigil sa Sakit) (Ingles lamang), American College of Obstetricitans and Gynecologists (ACOG, Amerikanong Kolehiyo ng Mga Obstetricitan at Gynecologist), at Society for Maternal-Fetal Medicine (SMFM, Samahan para sa Medisina para sa Ina-Sanggol) (Ingles lamang) ang bakuna sa COVID-19 para sa mga taong buntis, nagpapasuso, o nagpaplanong maging buntis. Ipinapakita ng ilang pag-aaral na kung nabakunahan ka na, maaaring makakuha rin ang iyong sanggol ng mga antibody laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagbubuntis at pagpapasuso. Ang mga hindi nabakunahang buntis na nakakakuha ng COVID-19 ay nasa mas mataas na panganib na magkaroon ng malulubhang komplikasyon tulad ng maagang panganganak o stillbirth. Dagdag pa rito, ang mga taong nakakuha ng COVID-19 habang buntis ay dalawa o tatlong beses na mas malamang na mangailangan ng advanced na life support at breathing tube.
Para sa iba pang dulugan tungkol sa pagkuha ng bakuna sa COVID-19 habang buntis at nagpapasuso, pakitingnan ang updated na impormasyong nasa website na One Vax, Two Lives.
- Pwede ko bang makuha ang bakuna sa COVID-19 kapag kumuha ako ng mga karaniwang bakuna?
-
Oo. Binago ng Advisory Committee on Immunization Practices (ACIP, Komite sa Pagpapayo para sa Mga Kasanayan sa Pagpapabakuna) ang kanilang mga rekomendasyon noong Mayo 12, 2021 Pwede ka na ngayong makakuha ng bakuna sa COVID-19 sa parehong oras na kukunin mo ang ibang bakuna.
Hindi mo kailangang iiskedyul ang mga kinakailangang bakuna para sa paaralan (Ingles lamang) o ibang inirerekomendang bakuna ng iyong anak nang hiwalay sa bakuna para sa COVID-19. Ang appointment para sa bakuna sa COVID-19 ay isa pang pagkakataon para makuha ng iyong anak ang lahat ng inirerekomendang bakuna para sa kanya.
- Ano ang card na talaan ng pagpapabakuna?
-
Dapat kang makatanggap ng papel na card ng pagpapabakuna kapag kinuha mo ang iyong unang dosis ng bakuna sa COVID-19. Nakalagay sa card na ito kung aling uri ng bakuna ang nakuha mo (Comirnaty/Pfizer-BioNTech, Spikevax/Moderna, o Johnson & Johnson) at ang petsa kung kailan mo ito natanggap.
Narito ang ilang kapaki-pakinabang na tip na dapat tandaan pagdating sa pangangasiwa ng iyong card ng pagpapabakuna:
- Itabi ang iyong card ng pagpapabakuna habang hindi pa tapos ang pagkuha mo ng mga dosis at kapag tapos na ito.
- Kunan ng litrato ang harap at likod ng iyong card upang magkaroon ka ng digital na kopya na handang magamit.
- Maaari mo itong i-email sa iyong sarili, gawan ng album, o lagyan ng tag nang sa gayon ay madali mo itong mahanap muli.
- Magdala ng photocopy kung gusto mo.
Kung mawala mo ang iyong card ng pagpapabakuna, mag-log in sa MyIR (My Immunization Registry (Aking Rehistro ng Pagpapabakuna)) (nasa wikang Ingles lang) upang tingnan ang iyong talaan ng pagpapabakuna sa COVID-19, at pagkatapos ay kunan ng screenshot o litrato ang impormasyon. Kung wala kang account, maaari kang mag-sign up sa MyIR anumang oras.
Pakitandaan na maaaring hindi agaran ang pagberipika sa iyong mga talaan sa pamamagitan ng MyIR, at limitado lang sa wikang Ingles ang paggamit nito sa kasalukuyan. Mayroong live na tulong sa telepono para sa mga tanong sa MyIRmobile o talaan ng pagpapabakuna sa pamamagitan ng pagtawag sa hotline ng Department of Health COVID-19 (COVID-19 ng Kagawaran ng Kalusugan) sa 833-VAX-HELP o pag-email sa waiisrecords@doh.wa.gov.
Kaligtasan at Pagkabisa
- Bakit dapat kong kunin ang Bakuna sa COVID-19?
-
Talagang nasa iyo ang desisyong kumuha ng bakuna sa COVID-19, pero kailangan natin na magpabakuna ang maraming tao hangga't maaari para matapos ang pandemyang ito. Mas mahirap para sa virus ng COVID-19 na kumalat kapag immune o hindi tatablan ang maraming tao sa isang komunidad – sa pamamagitan ng pagpapabakuna o kamakailang impeksyon. Kung mas mataas ang ating rate ng pagpapabakuna, mas mababa ang ating rate ng impeksyon.
Mapoprotektahan ka ng mga bakuna sa COVID-19 sa maraming paraan:
- Lubos na nababawasan ng mga ito ang iyong posibilidad na magkaroon ng malubhang sakit kung magkakaroon ka ng COVID-19
- Binabawasan ng ganap na pagpapabakuna ang posibilidad na maospital ka at binabawasan nito ang iyong peligro ng pagkamatay dahil sa COVID-19
- Dinadagdagan ng pagpapabakuna ang bilang ng mga protektadong tao sa komunidad, na ginagawang mahirap ang pagkalat ng sakit
- Patuloy na pinag-aaralan ng mga eksperto ang kakayahan ng bakunang mapigilan ang mga tao sa pagkalat ng virus sa iba.
Kapag ganap ka nang nabakunahan, posible pa ring magkaroon ka ng COVID-19, ngunit mas mababa ang posibilidad na ito kumpara sa kung hindi ka nabakunahan.
Maaari pa ring makuha ng mga taong hindi pa nababakunahan ang virus at maikalat ito sa iba. Hindi maaaring makuha ng ilang tao ang bakuna dahil sa mga medikal na kadahilanan, at dahil dito ay nasa mataas na panganib sila na magkaroon ng COVID-19. Kung hindi ka pa nababakunahan, mas mataas din ang posibilidad na maospital o mamatay ka nang dahil sa isang variant ng COVID-19 (Ingles lamang).Ang pagpapabakuna ay tumutulong na protektahan ka at ang iyong pamilya, mga kapitbahay, at komunidad.
- Bakit dapat kong kunin ang bakuna sa COVID-19 kung nabubuhay naman ang karamihan sa mga tao kahit nagkasakit sila?
-
Hindi lamang kamatayan ang panganib ng COVID-19. Ang karamihan sa mga taong nagkakaroon ng COVID-19 ay may mga banayad na sintomas lamang. Gayunpaman, labis na hindi mahuhulaan ang magiging epekto ng virus, at alam natin na mas may posibilidad na magkasakit ka dahil sa ilan sa mga variant ng COVID-19 (Ingles lamang). Maaaring magkaroon ng malubhang sakit o mamatay ang ilang tao dahil sa COVID-19, kahit ang mga batang walang paulit-ulit o hindi gumagaling na kondisyon sa kalusugan. Ang iba, na kilala bilang “COVID long-haulers” (mga may nagtatagal na sintomas), ay maaaring magkaroon ng mga sintomas na tumatagal nang ilang buwan at nakakaapekto sa kalidad ng kanilang buhay. Hindi pa rin natin alam ang lahat ng pangmatagalang epekto ng COVID-19 dahil isa itong bagong virus. Ang pagpapabakuna ay ang ating pinakamabisang proteksyon laban sa virus. Kahit na bata at malusog ka pa, dapat kang kumuha ng bakuna sa COVID-19.
- Ano ang variant ng COVID-19?
-
Nagmu-mutate (nagbabago) ang mga virus habang kumakalat ito mula sa isang tao patungo sa isa pang tao. Ang 'variant' ay isang nag-mutate na strain ng virus. Nawawala ang ilang variant sa paglipas ng panahon at patuloy na kumakalat sa mga komunidad ang ilan.
Tinutukoy ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) (Ingles lamang) ang mga variant ng virus na nakakabahala. Sa kasalukuyan, may ilang variant na nakakabahala dahil mas mabilis at mas madaling kumakalat ang mga ito, na nagdudulot ng mas maraming impeksyon ng COVID-19.
- Paano natin alam na ligtas ang mga bakuna?
-
Upang matiyak na ligtas ang mga bakuna sa COVID-19, pinalawak at pinalakas ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC, Mga Sentro sa Pagkontrol at Pag-iwas sa Sakit) ang kakayahan ng bansa na subaybayan ang pagiging ligtas ng bakuna. Bilang resulta, masusubaybayan at matutukoy ng mga eksperto sa pagiging ligtas ng bakuna ang mga problemang maaaring hindi nakita sa mga klinikal na pagsubok ng bakuna sa COVID-19.
- Ano ang ibig sabihin kapag may pag-apruba ng FDA ang isang bakuna?
-
Para sa ganap na pag-apruba, mas matagal na sinusuri ng FDA ang data kumpara sa awtorisasyon para sa pang-emergency na paggamit. Para mabigyan ang bakuna ng ganap na pag-apruba, dapat magpakita ang data ng mataas na antas ng kaligtasan, bisa, at kontrol sa kalidad sa paggawa ng bakuna.
Nagbibigay-daan ang emergency use authorization (EUA, awtorisasyon para sa pang-emergency na paggamit) sa FDA na gawing available ang isang produkto sa panahon ng idineklarang estado ng emergency bago ito magkaroon ng buong lisensya. Ang layunin ng EUA ay tiyakin na makakakuha ang mga tao ng mga bakuna na nakakasagip ng buhay bago ang mas pangmatagalan na pagsusuri ng data. Gayunpaman, kailangan pa rin ng EUA ng masinsinang pagsusuri ng klinikal na datos–sa loob lamang ng mas maikling panahon. Ang anumang EUA na inaaprubahan ng FDA ay higit na sinusuri ng Scientific Safety Review Workgroup (Grupo sa Paggawa ng Siyentipikong Pagsusuri ng Kaligtasan), bilang bahagi ng Western States Pact (Kasunduan ng Mga Estado sa Kanluran) (Ingles lamang).
- Ano ang Western States Pact?
-
Nagbigay ang workgroup na ito ng isa pang layer ng ekspertong pagsusuri tungkol sa kaligtasan ng bakuna. Kabilang sa panel ang mga ekspertong itinalaga ng lahat ng miyembrong estado, at mga siyentipikong kinikilala sa buong bansa na dalubhasa tungkol sa pagpapabakuna at pampublikong kalusugan. Upang makipagtrabaho at makipagtulungan nang mabuti sa mga estado sa kanluran noong idineklara ang COVID-19 bilang emergency sa kalusugan, sinuri ng panel na ito ang lahat ng datos na bukas sa publiko kasabay ng mga pederal na pagsusuri para sa 4 bakunang mayroon tayo sa kasalukuyan sa estado ng Washington. Sa pagpapatuloy natin sa bagong yugto ng pagbangon mula sa pandemya, nabuwag na ang Western States Pact (Kasunduan ng mga Estado sa Kanluran), at ang lahat ng awtorisasyon sa paggamit ng bakuna sa mga estado sa kanluran ay pagpapasyahan ng Food and Drug Administration (FDA, Pangasiwaan ng Pagkain at Gamot) at ang lahat ng rekomendasyon sa bakuna ay manggagaling sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC, Mga Sentro sa Pagkontrol at Pag-iwas sa Sakit.
Basahin ang mga natuklasan ng Western States Scientific Safety Review Workgroup:
- Paano gagana ang isang bakuna sa COVID-19 sa aking katawan?
-
Panoorin ang video na ito tungkol sa kung paano gumagana ang mga bakuna sa iyong katawan.
Mga mRNA na bakuna (Mga Bakuna sa COVID-19 ng Pfizer at Moderna)
Dalawa sa mga available na bakuna ay tinatawag na messenger RNA (mRNA) na bakuna.
Tinuturuan ng mga mRNA na bakuna ang iyong mga cell na gumawa ng hindi nakakapinsalang piraso ng spike na protina ng coronavirus. Nakikita ng iyong immune system na hindi nabibilang ang protinang iyon, at magsisimulang gumawa ng mga antibody ang iyong katawan. Naaalala ng mga antibody na ito kung paano labanan ang COVID-19 kung sakaling magkaroon ka ng impeksyon sa hinaharap. Kapag nagpabakuna ka, bumubuo ka ng immunity sa COVID-19 nang hindi kailangang magkasakit ka. Kapag nagawa na nito ang trabaho nito, mabilis na nasisira ang mRNA at inaalis ito ng katawan sa loob ng ilang araw.
Mga bakunang protein subunit (Bakuna sa COVID-19 ng Novavax)
Ang bakunang protein subunit ay isa sa mga bakuna sa COVID-19 na awtorisado ng Food and Drug Administration (FDA, Pangasiwaan ng Pagkain at Gamot). Naglalaman ang bakunang protein subunit ng mga piraso ng virus (protina) na sanhi ng COVID-19 (na ginawa nang hindi gumagamit ng anumang buhay na virus), nang may additive na tumutulong sa bakuna na gumana nang mas mabisa sa katawan. Kapag alam na ng immune system mo kung paano tumugon sa spike protein, mabilis na nitong matutugunan ang aktuwal na virus at mapoprotektahan ka laban sa COVID-19. Hindi magdudulot ng impeksiyon ang mga bakunang subunit sa virus na sanhi ng COVID-19, at hindi ito humahalo sa ating DNA.
Ang available na bakunang viral subunit ay bakunang may 2 dosis. Sa karaniwan, nagkakaroon ng ganap na proteksiyon sa loob ng humigit-kumulang 2 linggo pagkatapos ng ikalawang dosis.
Minsan ay nagdudulot ang pagpapabakuna ng mababang lagnat o mga sintomas na katulad ng sa sipon, ngunit hindi nakakapinsala ang mga ito.
Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang mga mapagkukunang ito: Snapshot ng Mga Bakuna sa COVID-19 at Mga Bakuna sa COVID-19: Ano ang Dapat Malaman.
Kapag sapat na ang tao sa komunidad na kayang labanan ang coronavirus, wala na itong mapupuntahan. Nangangahulugan itong mas mabilis nating mapipigilan ang pagkalat at mas malalapit tayo sa pagtapos sa pandemyang ito.
- Paano ginagawa ang mga bakuna sa COVID-19?
-
Ipinapaliwanag ng maikling video na ito kung paano ginagawa ang mga bakuna sa COVID.
- Ano ang isang MRNA na bakuna?
-
Ang messenger RNA, o mRNA na bakuna ay isang bagong uri ng bakuna. Tinuturan ng mga mRNA na bakuna ang iyong mga cell kung paano gumawa ng hindi nakakapinsalang piraso ng "spike na protina." Ang spike na protina ay ang nakikita mo sa labas ng coronavirus. Nakikita ng iyong immune system na hindi nabibilang ang protinang iyon, at magsisimulang gumawa ng immune response at mga antibody ang iyong katawan. Katulad ito ng kung anong nangyayari kapag "natural" tayong nakakauha ng impeksyon sa COVID-19. Kapag nagawa na nito ang trabaho nito, mabilis na nasisira ang mRNA at inaalis ito ng katawan sa loob ng ilang araw.
Kahit na ginamit na namin ang mRNA para sa ibang pangangalagang medikal at pangbeterinaryo sa nakaraan, ang paggawa ng mga bakuna gamit ang pamamaraang ito ay isang malaking pag-usad patungo sa hinaharap ng agham at maaaring mangahulugan ito na mas madaling magagawa ang mga bakuna sa hinaharap.
Maaari kang magbasa ng higit pa tungkol sa kung paano gumagana ang mga mRNA na bakuna sa website ng CDC (Ingles lamang).
- Ano ang bakunang protein subunit?
-
Ang bakunang protein subunit ay isa sa mga bakuna sa COVID-19 na awtorisado ng Food and Drug Administration (FDA, Pangasiwaan ng Pagkain at Gamot). Naglalaman ang bakunang protein subunit ng mga piraso ng virus (protina) na sanhi ng COVID-19 (na ginawa nang hindi gumagamit ng anumang buhay na virus), nang may additive na tumutulong sa bakuna na gumana nang mas mabisa sa katawan. Kapag alam na ng immune system mo kung paano tumugon sa spike protein, mabilis na nitong matutugunan ang aktuwal na virus at mapoprotektahan ka laban sa COVID-19. Hindi magdudulot ng impeksiyon ang mga bakunang subunit sa virus na sanhi ng COVID-19, at hindi ito humahalo sa ating DNA.
- Ano ang adjuvant?
-
Ang adjuvant sa Novavax ay additive na tumutulong na palakasin ang immune response ng katawan.
- Anong mga sangkap ang nasa mga bakuna?
-
Ang mga sangkap sa mga bakuna sa COVID-19 ay karaniwan lamang para sa mga bakuna. Naglalaman ang mga ito ng aktibong sangkap na mRNA o modified adenovirus kasama ang ilang sangkap tulad ng taba, mga asin, at mga asukal na pinoprotektahan ang aktibong sangkap, tinutulungan itong mas mabuting gumana sa katawan, at pinoprotektahan ang bakuna sa pag-imbak at transportasyon.
Ang bakuna sa COVID-19 ng Novavax ay bakunang protein subunit na may lamang additive, at mga taba at asukal na tumutulong sa bakuna na gumana nang mas mabisa sa katawan. Hindi gumagamit ng mRNA ang bakunang ito.
Ang mga bakuna ng Pfizer, Moderna, Novavax at Johnson and Johnson ay walang mga cell ng tao (kabilang ang mga cell ng fetus o hindi pa ipinapanganak na sanggol), virus ng COVID-19, latex, preservative, o by-product ng hayop, kabilang na ang mga produkto ng baboy o gelatin. Hindi pinalalago ang mga bakuna sa mga itlog at walang produkto ng itlog ang mga ito.
Tingnan ang Q&A; webpage mula sa Children's Hospital of Philadelphia (Ingles) na ito para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga sangkap. Makikita mo rin ang mga kumpletong listahan ng mga sangkap sa mga dokumento ng impormasyon ng Pfizer, Moderna, Novavax at Johnson & Johnson.
- Nagdudulot ba ang bakuna sa COVID-19 ng pagkabaog?
-
Walang siyentipikong ebidensiya na nagdudulot ng pagkabaog o impotence ang mga bakuna. Kapag pumasok ang bakuna sa iyong katawan, gumagana ito kasama ang iyong immune system para gumawa ng mga antibody para labanan ang coronavirus. Hindi nakakagambala ang prosesong ito sa iyong mga organ para sa reproduksiyon.
Inirerekomenda ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) (sa Ingles lamang ang website), American College of Obstetricitans and Gynecologists (ACOG) (Ingles), at Society for Maternal-Fetal Medicine (SMFM) (Ingles) ang bakuna sa COVID-19 para sa mga taong buntis, nagpapasuso, o nagpaplanong maging buntis. Maraming taong nagpabakuna laban sa COVID-19 ay nabuntis na o nanganak na ng malulusog na sanggol mula noon.
Sa kasalukuyan, walang katibayang nagpapakita na ang anumang bakuna, kabilang ang mga bakuna sa COVID-19, ay nagdudulot ng mga problema sa kakayahan ng mga lalaki sa pag-aanak. Tiningnan ng isang kamakailang maliit na pag-aaral ng 45 malusog na lalaki (Ingles) na nakatanggap ng bakuna sa COVID-19 na mRNA (hal., Pfizer-BioNTech of Moderna) ang mga katangian ng sperm, tulad ng dami at paggalaw, bago at pagkatapos ng pagpapabakuna. Walang nakitang malaking pagbabago ang mga mananaliksik sa mga katangian ng sperm na ito pagkatapos ng pagpapabakuna.
Naiugnay ang lagnat mula sa sakit sa panandaliang pagbawas ng produksyon ng sperm sa malulusog na lalaki. Kahit na maaaring pansamantalang side effect ang lagnat ng pagpapabakuna para sa COVID-19, walang kasalukuyang katibayan na nakakaapekto ang lagnat pagkatapos ng pagpapabakuna para sa COVID sa produksyon ng sperm.
Tingnan ang Impormasyon sa mga bakuna sa COVID-19 para sa mga taong nais magkaroon ng sanggol (sa Ingles lamang ang website) ng CDC para sa higit pang impormasyon. Maaari mo ring tingnan ang webpage ng CDC sa Mga Bakuna sa COVID-19 (sa Ingles lamang ang website) para sa impormasyon tungkol sa mga bakuna.
- Anong mga uri ng sintomas ang normal pagkatapos makuha ang bakuna?
-
Tulad ng ibang rutinang bakuna, ang mga pinakakaraniwang side effect ang pamamaga ng braso, pagkapagod, pananakit ng ulo, at pananakit ng kalamnan o muscle.
Ang mga sintomas na ito ay palatandaang gumagana ang bakuna. Sa mga pagsubok sa Pfizer at Moderna, pinakamadalas na nangyayari ang mga side effect na ito sa loob ng dalawang araw mula nang magpabakuna at nagtatagal ito nang humigit-kumulang isang araw.
Para sa lahat ng tatlong bakuna, mas hindi malamang na mag-ulat ng mga side effect ang mga taong higit sa 55 taong gulang kumpara sa mga mas bata.
Maaaring makakita ka ng ilang sabi-sabi tungkol sa mga hindi totoong side effect sa online o sa social media. Tiyaking tingnan ang pinanggalingan ng claim na iyon kapag nakakita ka ng anumang claim tungkol sa isang side effect.
- Anong mangyayari kung nagkasakit ako pagkatapos makuha ang bakuna sa COVID-19?
-
Gaya ng iba pang karaniwang bakuna, karaniwang mayroong mga side effect ang pagpapabakuna sa COVID-19, tulad ng pananakit ng braso, lagnat, sakit ng ulo, o kapaguran pagkatapos magpabakuna. Mga palatandaan ito na gumagana ang bakuna. Alamin pa ang tungkol sa mga side effect na posibleng mangyari pagkakuha ng bakuna sa COVID-19.
Kahit na magkasakit ka pagkatapos matanggap ang bakuna, dapat mong iulat ang masamang kaganapan sa Vaccine Adverse Event Reporting System (VAERS, Sistema sa Pag-ulat ng Masamang Kaganapan sa Bakuna) (Ingles lamang). Ang isang "masamang kaganapan" ay anumang problema sa kalusugan o side effect na nangyayari pagkatapos ng pagbabakuna. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa VAERS, tingnan ang "Ano ang VAERS?" sa ibaba
- Ano ang VAERS?
-
Ang VAERS ay sistema sa maagang pagbababala na pinapangunahan ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) at ng U.S. Food and Drug Administration (FDA). Makakatulong ang VAERS na matuklasan ang mga problemang maaaring may kaugnayan sa bakuna.
Maaaring mag-ulat ng mga posibleng masamang reaksyon sa VAERS (Ingles lamang) ang sinuman (provider ng pangangalagang pangkalusugan, pasyente, caregiver).
May mga limitasyon sa sistema. Ang report sa VAERS ay hindi nangangahulugang ang bakuna ang nagdulot ng reaksyon o ng kinalabasan. Ibig sabihin lang nito na unang nangyari ang pagpapabakuna.
Naka-set up ang VAERS para tulungan ang mga siyentipiko na mapansin ang mga trend o dahilan kung bakit nila kailangang imbestigahan ang isang posibleng problema. Hindi ito listahan ng mga naberipikang kinalalabasan ng pagpapabakuna.
Kapag gumawa ka ng ulat sa VAERS, tinutulungan mo ang CDC at FDA na tukuyin ang mga posibleng alalahanin sa kalusugan at tiyaking ligtas ang mga bakuna. Kung magkaroon ng anumang problema, kikilos sila at aabisuhan ang mga provider ng pangangalagang pangkalusugan tungkol sa mga potensyal na isyu.
- Pwede ko bang makuha ang bakuna sa COVID-19 kung nagkaroon na ako ng COVID-19?
-
Oo, inirerekomenda ng Advisory Committee on Immunization Practices (ACIP, Komite sa Pagpapayo para sa Mga Kasanayan sa Pagpapabakuna) na magpabakuna ang sinumang dati nang nagkaroon ng COVID-19.
Ipinapakita ng datos na hindi karaniwan ang muling magkaroon ng impeksyon ng COVID-19 sa loob ng 90 araw pagkatapos mong magkaroon ng impeksyon, kaya posibleng mayroon kang ilang proteksyon (tinatawag na likas na immunity). Gayunpaman, hindi natin alam kung gaano magtatagal ang likas na immunity.
Ang mga taong may COVID-19 sa kasalukuyan ay dapat na maghintay na bumuti ang kanilang pakiramdam at lumipas ang panahon ng kanilang pagbubukod (isolation).
Ang mga taong kamakailang nalantad sa COVID-19 ay dapat ding maghintay bago magpabakuna pagkatapos ng kanilang panahon ng pag-quarantine, kung ligtas silang makakapag-quarantine nang malayo sa ibang tao. Kung mayroong mataas na panganib na mahawahan nila ang iba, maaari silang mabakunahan sa panahon ng kanilang pag-quarantine para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Mangyaring sumangguni sa aming page ng Pagbukod at Pag-quarantine para sa COVID-19 para sa mga alituntunin sa pagbukod at pag-quarantine.
- Pwede ko bang makuha ang bakuna sa COVID-19 kung nagkaroon na ako ng nakaraang allergic na reaksyon sa bakuna?
-
Hindi dapat ibigay ang bakuna sa mga taong may alam na kasaysayan ng malubhang allergic na reaksyon, tulad ng anaphylaxis, sa dating dosis ng isang mRNA o viral vector na bakuna, o sa anumang sangkap ng bakuna sa COVID-19 ng Pfizer-BioNTech/Comirnaty, Moderna/Spikevax, Novavax o Johnson & Johnson–Janssen.
May posibilidad na ang mga taong nagkaroon ng malubhang allergic na reaksyon sa ibang bakuna o iniiniksyong terapiya ay pwede pa ring makatanggap ng bakuna. Gayunpaman, dapat magsagawa ang mga provider ng pagsusuri ng panganib at payuhan sila tungkol sa mga potensyal na panganib. Kung magpasya ang pasyente na kunin ang bakuna, dapat bantayan sila ng provider nang 30 minuto para subaybayan kung magkakaroon ng anumang agarang reaksyon.
Inirerekomenda ng Advisory Committee on Immunization Practices (ACIP) na bantayan ng mga provider ang lahat ng ibang pasyente nang hindi bababa sa 15 minuto pagkatapos matanggap ang bakuna para subaybayan kung magkakaroon ng allergic na reaksyon. Tingnan ang mga pansamantalang klinikal na konsiderasyon para sa mga mRNA na bakuna (Ingles) ng ACIP para sa higit pang impormasyon.
Mga Paaralan at Pangangalaga sa Bata
- Makakakuha ba ng bakuna ang mga taong wala pang 18?
-
Sa ngayon, awtorisado ang mga brand ng bakuna sa COVID-19 na Pfizer-BioNTech (Pfizer) at Moderna para sa mga batang 6 buwang gulang pataas. May nakalaang bakuna ng Novavax para sa mga 12 taong gulang pataas sa ilalim ng Emergency Use Authorization (EUA, Awtorisasyon sa Pang-emergency na Paggamit).
Maaaring kailanganin ng pahintulot mula sa magulang o tagapag-alaga (nasa wikang Ingles lang) ng mga kabataang wala pang 17 taong gulang upang makuha ang bakuna, maliban na lang kung sila ay legal na emancipated (pinalaya mula sa pangongontrol ng iba). Puntahan ang aming webpage tungkol sa Vaccinating Youth (Pagbabakuna sa Kabataan) para sa karagdagang impormasyon.
Alamin sa klinika ng bakuna ang tungkol sa kanilang mga kinakailangan para sa pagpapakita ng katibayan ng pahintulot ng magulang o legal na emancipation (pagkamalaya).
- Iaatas ba ng estado ang pagpapabakuna sa COVID-19 para makapasok sa paaralan ang mga mag-aaral sa K-12?
-
Ang Washington State Board of Health (Lupon ng Kalusugan ng Estado ng Washington), hindi ang Department of Health (Kagawaran ng Kalusugan), ang may awtoridad na mag-atas ng pagbabakuna para sa mga bata sa mga K-12 na paaralan Revised Code of Washington (RCW, Binagong Kodigo ng Washington) 28A.210.140. Hindi iniaatas ang bakuna sa COVID-19 sa mga paaralan o childcare (pangangalaga sa bata) sa ngayon.
- Pwede bang kunin ng aking anak ang ibang bakuna habang kinukuha niya ang kanyang bakuna para sa COVID-19?
-
Pwede na ngayong makuha ng mga tao ang bakuna sa COVID-19 sa loob ng 14 na araw mula sa ibang bakuna, kabilang ang sa parehong araw.
- Magkakaroon ba ng anumang pleksibilidad sa mga kinakailangan sa pagpapabakuna ng paaralan para sa taon ng paaralan na 2023-2024 dahil sa pandemya ng COVID-19?
-
Ang State Board of Health ang nagpapasya kung dapat magkaroon ng anumang pagbabago sa mga kinakailangan sa pagpapabakuna para sa mga paaralan. Sa puntong ito, mananatiling pareho ang mga kinakailangan sa pagpapabakuna para sa mga paaralan. Kakailanganing matugunan ng mga bata ang mga kinakailangan sa pagpapabakuna bago sila makakapasok sa unang araw ng paaralan.
Buhay pagkatapos Magpabakuna
- Kailan ako maituturing na updated sa pagpapabakuna sa COVID-19?
-
Ituturing kang updated (English at Spanish lang) sa pagpapabakuna sa COVID-19 kung natanggap mo na ang pinakahuling dosis na inirerekomenda para sa iyo ng CDC.
- Kakailanganin ko bang magpakita ng katibayan ng pagpapabakuna?
-
Maaaring kailangan mong patunayan na nabakunahan ka na laban sa COVID-19 sa ilang partikular na lugar, negosyo, o kaganapan.
Kaya itrato ang iyong papel na card ng pagpapabakuna tulad ng sertipiko ng kapanganakan o ibang opisyal na dokmento! Kunan ito ng litrato at itago ito sa bahay. Magbasa ng higit pa tungkol sa mga card ng pagpapabakuna at rekord ng pagpapabakuna.
- Paano kung hindi ako updated sa aking mga bakuna sa COVID-19?
-
Kung hindi ka pa updated sa iyong mga bakuna sa COVID-19:
- Maghanap ng libreng bakuna sa COVID-19 na malapit sa iyo!
- Pag-isipang magsuot ng mask na maayos na nakalapat sa matataong pampublikong lugar na nasa loob ng gusali.
- Magpasuri sa COVID-19 kung nakakaranas ka ng mga sintomas.
- Kung magbibiyahe ka, magpasuri sa COVID-19 bago at pagkatapos bumiyahe.
- Pwede pa rin ba akong magkasakit mula sa COVID-19 kahit pagkatapos kong mabakunahan?
-
Napakaepektibo ng mga bakuna, pero hindi 100%. Kung mayroon kang mga sintomas na parang COVID-19, (sa Ingles lamang ang website) dapat kang lumayo sa iba at makipag-ugnayan sa provider ng pangangalagang pangkalusugan. Maaaring magrekomenda sila ng pagsusuri para sa COVID-19.
Para sa impormasyon tungkol sa pagsusuri sa COVID-19, pakitingnan ang Impormasyon tungkol sa Pagsusuri.
- Ano ang dapat kong gawin kung nalantad ako sa COVID-19?
-
Mangyaring sumangguni sa aming page ng Pagbukod at Pag-quarantine para sa COVID-19 para sa mga alituntunin sa pagbukod at pag-quarantine.
- Paano ko papamahalaan ang stress at pagkabahala dahil sa COVID-19?
-
Nauunawaan namin na maaaring maapektuhan ng pandemya ang iyong pisikal na kalusugan at kalusugan ng pag-iisip. Hindi ka nag-iisa. Maraming tao sa Washington ang nakakaranas ng stress at pagkabahalang kaugnay ng kahirapan dahil sa pera at trabaho, mga pagsasara ng paaralan, pagkahiwalay sa lipunan, mga alalahanin sa kalusugan, kalungkutan at kawalan, at higit pa. Kabilang dito ang karagdagang pagkabahala na maaaring dala ng pagbalik sa mga pampublikong aktibidad.
Narito ang ilang mapagkukunan na makakatulong sa iyong pamahalaan ang iyong stress at pagkabahala:
- Tumawag sa linya ng Washington Listens sa 833-681-0211 para sa suporta at mapagkukunan tungkol sa stress kaugnay ng COVID
- Kung nakakaranas ka ng krisis:
- Lifeline sa Pag-iwas sa Pagpapakamatay: 800-273-8255 (Tulong sa wika sa 150 wika)
- Crisis Connections (Ingles lamang): 866-427-4747
- Teen Link (Ingles lamang): tumawag o mag-text sa 866-833-6546 (May tulong sa wika)
- Gamitin ang A Mindful State (sa Ingles lamang ang website) para makinig, matuto, magbahagi, at kumonekta tungkol sa kapakanan at kalusugan ng pag-iisip.
- Bisitahin ang aming page sa Kalusugan sa Pag-iisip (Ingles lamang) para sa higit pang mapagkukunan.
Mga Karagdagang Sanggunian at Impormasyon
- Mga dulugan sa COVID_19 para sa mga partikular na grupo
-
Mga Bata at Kabataan
- Ang Dapat Malaman ng mga Magulang/Tagapag-alaga tungkol sa Pediatric (Pambata) na bakuna sa COVID-19 (PDF)
- Myocarditis pagkatapos ng pagpapabakuna sa COVID-19: ang dapat malaman ng mga magulang at mas nakababatang nasa hustong gulang (PDF)
- Impormasyon sa Bakuna para sa Mga Bata at Kabataang May Mga Espesyal na Pangangailangan sa Pangangalagang Pangkalusugan (PDF) (Ingles lamang)
Pagpapasuso at/o Mga Buntis na Indibidwal
- Mga pag-uusapan tungkol sa mga bakuna sa COVID-19 at kalusugang reproduktibo para sa mga medikal na provider (PDF) (Ingles lamang)
- Impormasyon sa Bakuna - FAQ sa Kalusugang Reproduktibo
Mga Imigrante at Refugee
- Gabay sa Talakayan para sa Pagbuo ng Kumpiyansa sa Mga Bakuna sa COVID-19 para sa Mga Imigrante at Refugee (PDF) (Ingles lamang)
- Mga Karaniwang Alalahanin at Impormasyon (PDF)
- Alamin ang Iyong Mga Karapatang May Kaugnayan sa COVID-19 para sa Mga Miyembro ng Komunidad ng Imigrante (WA Immigrant Solidarity Network)
- Pakikipag-ugnayan tungkol sa Bakuna sa COVID-19: Washington State Department of Health (Ingles lamang)
Homebound
- Pauwi ka ba at kailangan mo ng bakuna? (PDF) (Ingles lamang)
Mahahanap ang mga karagdagang dulugan na partikular sa komunidad sa page sa Pagiging Patas at Pakikipag-ugnayan tungkol sa Bakuna (Ingles lamang).
- Hindi nasagot dito ang tanong ko. Paano ko malalaman ang higit pa?
-
Pwedeng ipadala ang mga pangkalahatang tanong sa covid.vaccine@doh.wa.gov.