Ano ang Sakit na Dulot ng Ebola Virus at ang Sakit na Dulot ng Marburg Virus?
Ang Sakit na Dulot ng Ebola Virus (EVD) at ang Sakit na Dulot ng Marburg Virus (MVD) ay mga sakit na bihira at malubha na dulot ng iba-ibang virus. Nasa ilalim ang mga ito ng grupo ng mga sakit na tinatawag na Mga Lagnat na may Pagdurugo at Dulot ng Virus (VHFs).
Bagaman magkaibang sakit ang mga ito na dulot ng iba-ibang virus, magkatulad ang karamdamang idinudulot ng mga ito. Dahil dito, magkatulad ang paraan kung paano pinangangasiwaan ang mga sakit na ito ng mga tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan at tagapangalaga ng kalusugan ng publiko.
Paano lumalaganap ang mga sakit na ito?
Puwede kang magkaroon ng EVD o MVD kung mapupunta sa iyong mga mata, ilong, bibig, o balat na may sugat ang mga likido sa katawan ng isang taong dinapuan ng (o namatay nang dahil sa) isa sa mga sakit na ito.
Ang mga likido sa katawan ay:
- Dugo
- Laway (dura)
- Pawis
- Ihi
- Tae (dumi)
- Suka (pagduruwal)
- Gatas sa dibdib
- Amniotic fluid (ang likidong nakapalibot sa sanggol sa loob ng sinapupunan)
- Semilya
Puwede pa ring magdulot ng sakit ang mga likido kahit tuyo na ang mga ito.
Pinakananganganib ang mga taong nagtatrabaho sa mga lugar para sa pangangalagang pangkalusugan (gaya ng mga nars at doktor), malalapit na kapamilyang nangangalaga ng maysakit na kamag-anak, at mga taong nakikibahagi sa mga burol at libing.
Halos wala namang panganib para sa mga taong hindi nangangalaga o nakikipag-ugnayan sa isang taong dinapuan ng EVD o MVD.
Ano ang mga sintomas ng mga sakit na ito?
Walang sintomas na nangyayari lang sa mga sakit na ito. Puwedeng kasama sa pagkakasakit ng EVD o MVD ang:
- Lagnat
- Pananakit ng ulo o katawan
- Pamamantal
- Panghihina o pagkapagod
- Pananakit ng lalamunan
- Pagtatae (matubig na pagdumi)
- Pagsusuka (pagduruwal)
- Pananakit ng tiyan
- Di-maipaliwanag na pagdurugo o pagpapasa
Anong mga uri ng gamot o bakuna ang maaaring gamitin?
Walang bakuna upang makaiwas sa MVD at walang gamot upang malunasan ang mga taong mayroon nito. Mayroong bakuna upang maiwasan ang ilang uri ng EVD, pero ang tanging nakagagamit lang sa bakunang ito ay ang mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan na posibleng mag-asikaso ng isang pasyenteng may EVD. Mayroon ding gamot na panlunas sa ilang uri ng EVD. Ang mga taong may EVD o MVD ay dapat pa ring magpagamot sa tagapangalaga ng kalusugan. Tataas ang tsansang makaligtas kung maagang sisimulan ang pangangalagang medikal.
Paano kung nagbiyahe ako sa isang bansang may EVD o MVD?
Nanganganib ba ako?
Laganap lang ang EVD o MVD sa ilang bansa. Gayunman, kahit na magbiyahe ka sa mga bansang ito, mababa ang posibilidad na magkaroon ka ng alinman sa dalawang sakit maliban kung mahahawakan mo ang mga likido sa katawan ng isang taong dinapuan ng o namatay nang dahil sa alinman sa dalawang sakit. Mas nanganganib ka kung ikaw ay:
- Nagtatrabaho sa mga lugar para sa pangangalagang pangkalusugan (gaya ng mga nars at doktor)
- Nangangalaga ng malalapit na kapamilya o maysakit na kamag-anak
- Nakikibahagi sa mga burol o libing
Ano ang puwede kong gawin upang makaiwas sa EVD o MVD?
Iwasang makipag-ugnayan sa mga taong maysakit at iwasang madikit sa dugo o mga likido sa katawan ng kahit sino. Regular na maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. Huwag humawak ng mga bangkay habang nasa anumang burol o libing.
Ano ang gagawin ko pagkabiyahe?
Kung nagbiyahe ka sa isang lugar kung saan laganap ang EVD o MVD, antabayanan kung magkakaroon ka ng mga sintomas (lalo na ng lagnat) sa loob ng 21 araw pagkaalis mo sa bansa. Kung magsimulang sumama ang iyong pakiramdam, iwasang makipag-ugnayan sa ibang tao at tawagan ang iyong lokal na kagawaran ng kalusugan (sa English). Kung nagpapagamot ka sa tagapangalaga ng kalusugan, ipaalam kaagad sa kaniya ang tungkol sa iyong pagbiyahe.