Pagbabakuna sa Kabataan

Huling na-update ang nilalaman noong 12/09/2022

Decorative

Pagiging Ligtas at Mabisa ng Bakuna

Ang pagpapabakuna sa iyong anak laban sa COVID-19 ay maaaring:

  • Magpababa sa panganib na mahawahan siya ng COVID-19
  • Magpababa sa tsansang magkasakit siya nang malubha, kung mahawahan man siya ng COVID-19
  • Magpababa sa tsansang kailanganin niyang magpaospital at sa panganib na mamatay siya dahil sa COVID-19
  • Makatulong na pigilan siyang mahawa sa isang variant ng COVID-19
  • Makadagdag sa bilang ng tao sa komunidad na protektado laban sa COVID-19 — na nakakatulong na mapabagal ang pagkalat ng sakit
  • Makabawas sa pagkaantala ng pag-aaral at mga aktibidad na ginagawa nang personal sa pamamagitan ng pagtulong na kontrolin ang pagkalat ng COVID-19 sa komunidad
Decorative

Awtorisasyon sa Bakuna

Magagamit ang bakuna ng Pfizer para sa mga batang 6 buwan-11 taong gulang sa ilalim ng isang Emergency Use Authorization (EUA, Awtorisasyon sa Pang-emergency na Paggamit), at ganap itong aprubado para sa mga taong may edad na 12 pataas. May bakuna ang Moderna para sa mga batang 6 buwan - 17 taon sa ilalim ng Emergency Use Authorization (EUA, Awtorisasyon sa Pang-emergency na Paggamit). May nakalaang bakuna ng Novavax para sa mga 12 taong gulang pataas sa ilalim ng Emergency Use Authorization (EUA, Awtorisasyon sa Pang-emergency na Paggamit).

Sa tulong ng EUA, nakakapagbigay-pahintulot ang Food and Drug Administration (FDA, Pangasiwaan ng Pagkain at Gamot) na magamit ang isang produkto sa loob ng idineklarang panahon ng emergency bago pa man ito maging ganap na lisensiyado. Ang layunin ng awtorisasyon sa pang-emergency na paggamit ay tiyaking makakakuha ang mga tao ng mga bakunang nakakasagip ng buhay bago pa man makapagsagawa ng mas matagal na pagsusuri ng data para dito. Kailangan pa rin ng EUA ng lubos na masinsinang pagsusuri ng klinikal na data—kahit na sa loob lang ng mas maikling panahon.

The referenced media source is missing and needs to be re-embedded.

Ang anumang EUA na ipinagkakaloob ng FDA ay higit pang sinusuri ng Advisory Committee on Immunization Practices (Komite sa Pagpapayo para sa mga Kasanayan sa Pagpapabakuna) (nasa wikang Ingles lang) ng Centers for Disease Control and Prevention (Mga Sentro sa Pagkontrol at Pag-iwas sa Sakit) at Western States Scientific Safety Review Workgroup (Grupo sa Paggawa ng Siyentipikong Pagsusuri sa Kaligtasan ng mga Estado sa Kanluran).

Mga Madalas Itanong para sa mga Magulang at Tagapag-alaga

Bakit ko kailangang mag-alala na baka magkaroon ng COVID-19 ang aking anak?

Mula nang nag-umpisa ang pandemya, mahigit 15 milyong bata sa Estados Unidos ang nagkaroon ng COVID-19. Higit na mapanganib at nakakahawa ang mga bagong variant ng COVID-19 sa mga kabataan kaysa sa mga orihinal na strain, at naging dahilan ang mga ito ng pagdami ng kabataang naospital nang dahil sa COVID-19.

Bagamat madalas na mas banayad ang COVID-19 sa mga bata kaysa sa mga nasa hustong gulang, maaari pa ring magkasakit nang malubha ang mga bata at maikalat ang sakit sa mga kaibigan at pamilya na immunocompromised (may kondisyong nagpapahina ng immune system) o may kahinaan sa iba pang paraan.

Ang mga batang nahawahan ng COVID-19 ay maaaring magkaroon ng “long COVID-19” (matagalang COVID-19) o mga nagpapatuloy na sintomas kung saan madalas na kasama ang pagkalito ng isip, pagkapagod, pananakit ng ulo, pagkahilo at pagkapos ng hininga. Ang pagpapabakuna ang pinakamabuting paraan para mapanatiling malusog at ligtas ang mga bata.

Ang mga batang mahahawahan ng COVID-19 ay maaaring may mas malaking panganib na magkaroon ng Multisystem Inflammatory Syndrome (MIS-C, Kalipunan ng mga Sintomas ng Pamamaga ng Maraming Sistema ng Katawan) (nasa wikang Ingles lang). Ang MIS-C ay isang kondisyon kung saan maaaring mamaga ang iba-ibang bahagi ng katawan, kasama na ang puso, baga, bato, utak, balat, mata, o mga gastrointestinal organ. Bagamat hindi pa natutuklasan kung ano ang sanhi ng MIS-C, maraming batang may MIS-C ang nagkaroon dati ng COVID-19 o nakasalamuha ng taong may COVID-19. Maaaring lumala at makamatay ang MIS-C, ngunit ang karamihan ng batang na-diagnose ng ganitong kondisyon ay gumaling sa tulong ng medikal na pangangalaga.

Kailangan ba ang bakuna para makapasok sa paaralan ang mga mag-aaral sa K-12?

Ang Washington State Board of Health (Lupon ng Kalusugan ng Estado ng Washington), hindi ang Department of Health (Kagawaran ng Kalusugan), ang may awtoridad na mag-atas ng pagbabakuna para sa mga bata sa mga K-12 na paaralan Revised Code of Washington (RCW, Binagong Kodigo ng Washington) 28A.210.140. Hindi iniaatas ang bakuna sa COVID-19 sa mga paaralan o childcare (pangangalaga sa bata) sa ngayon.

Kailangan ko bang bayaran ang bakuna?

Hindi. Makakakuha ang iyong anak ng bakuna nang wala kang kailangang bayaran. Binabayaran ng pederal na gobyerno ang kabuuang gastos sa bakuna.

Kung mayroon kang pampubliko o pribadong insurance sa kalusugan, maaaring singilin ng iyong provider ng bakuna ang mga ito para magpa-reimburse ng singil sa pagbibigay ng bakuna. Kung wala kang insurance, nag-aalok ang pederal na gobyerno ng programang nagbabayad sa provider para bakunahan ka.

Hindi ka dapat singilin para sa mga gastos mula sa sariling bulsa o makatanggap ng bill mula sa iyong provider para sa singil sa pagbibigay ng bakuna sa COVID-19. Nasasaklaw nito ang mga taong may pribadong insurance, may Apple Health (Medicaid), may Medicare, o walang insurance.

Ano ang mga karaniwang side effect sa mga bata ng bakuna sa COVID-19?

Ang mga panganib sa kalusugan kung mahawahan ang mga bata ng COVID-19 ay mas malaki kaysa sa panganib na magkaroon ng mga side effect ang bakuna.

Tulad ng sa ibang mga bakuna, ang mga pinakakaraniwang side effect ay pamamaga ng braso, pagkapagod, pananakit ng ulo, at pananakit ng kalamnan. Kadalasang banayad lang ang mga sintomas na ito.

Sa mga klinikal na pagsubok (nasa wikang Ingles lang) mas maraming bata ang nag-ulat ng mga side effect pagkatapos ng ikalawang dosis kaysa sa unang dosis. Karaniwang banayad hanggang katamtaman lang ang mga side effect at nangyari sa loob ng dalawang araw matapos magpabakuna, at karamihan ay nawala na sa loob ng isa hanggang dalawang araw.

Anong mga sangkap ang nasa bakuna ng mRNA?

Ang mga sangkap sa bakuna ng mRNA ay pangkaraniwan lang para sa isang bakuna. Naglalaman ang bakuna ng aktibong sangkap na mRNA kasama ng iba pang sangkap tulad ng taba, asin, at asukal na nagpoprotekta sa aktibong sangkap, tumutulong dito na gumana nang mas mabuti sa katawan, at nagpoprotekta sa bakuna kapag ito ay iniimbak at inililipat.

Ang bakuna ng mRNA ay hindi naglalaman ng anumang selyula ng tao (kasama na ang mga selyula ng fetus o hindi pa ipinapanganak na sanggol), virus ng COVID-19, latex, preservative, o anumang by-product ng hayop kasama na ang mga produkto ng baboy o gelatin. Hindi pinalalago ang mga bakuna sa mga itlog, at ito ay hindi naglalaman ng anumang produkto ng itlog.

Tingnan ang Q&A; webpage mula sa Children's Hospital of Philadelphia (Ospital para sa mga Bata ng Philadelphia (nasa wikang Ingles lang) para sa iba pang impormasyon tungkol sa mga sangkap.

Anong brand ng bakuna ang maaaring makuha ng aking anak?

Sa ngayon, awtorisado ang mga brand ng bakuna sa COVID-19 na Pfizer-BioNTech (Pfizer) at Moderna para sa mga batang 6 buwang gulang pataas. May nakalaang bakuna ng Novavax para sa mga 12 taong gulang pataas sa ilalim ng Emergency Use Authorization (EUA, Awtorisasyon sa Pang-emergency na Paggamit).

Kakailanganin ba ng aking anak ng booster na dosis?

Oo, inirerekomenda ang updated na bivalent mRNA booster 2 buwan pagkatapos ng huling dosis upang maging updated, para sa mga 6 buwang gulang pataas. Ang bakuna sa COVID-19 ng Pfizer para sa mga batang 6 buwan-4 taon ay may kasama na ngayong 2 monovalent na dosis ng Pfizer at 1 bivalent na dosis ng Pfizer. Ang mga batang 6 buwan-4 taon na hindi pa nakapagsimula ng pangunahing serye ng Pfizer na may 3 dosis o hindi pa nakatanggap ng ikatlong dosis ng kanilang pangunahing serye ay tatanggap na ngayon ng updated na serye ng Pfizer Ang mga batang 6 buwan-4 taon na nakatapos na ng pangunahing serye ng Pfizer na may 3 dosis ay hindi angkop para sa mga karagdagang dosis o booster sa ngayon

Ilang dosis ang kailangan ng aking anak?

Inirerekomenda na makatanggap ang lahat ng bata ng hindi bababa sa 2 dosis.

  • Ang mga batang may edad na 6 buwan - 4 taon ay makakakuha ng pangunahing seryeng may 3 dosis ng Pfizer o pangunahing seryeng may 2 dosis ng Moderna
  • Makakakuha ng pangunahing seryeng may 2 dosis ang mga batang 5-11 taong gulang
  • Makakakuha ng pangunahing seryeng may 2 dosis ang mga batang 12-17 taong gulang

Ang mga batang nakatanggap ng seryeng may 2 dosis at katamtaman o malubhang immunocompromised (may kondisyong nagpapahina ng immune system) ay dapat makatanggap ng karagdagang pangunahing dosis, 28 araw pagkatapos ng kanilang ika-2 iniksyon, at dapat namang makatanggap ng booster na dosis ang lahat ng batang 6 buwan +.

Mangyaring pag-aralan ang Mga alituntunin ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC, Mga Sentro sa Pagkontrol at Pag-iwas sa Sakit) para sa mga taong immunocompromised (may kondisyong nagpapahina ng immune system) o pumunta sa website ng DOH.

Kanino ako makikipag-usap kung may mga tanong ako tungkol sa bakuna?

Makipag-usap sa pediatrician ng iyong anak o sa iba pang mapagkakatiwalaang provider ng medikal na serbisyo, makipag-usap sa isang manggagawa sa kalusugan ng komunidad, o magbasa ng impormasyon sa www.CovidVaccineWA.org.

Saan ko maaaring dalhin ang aking anak para pabakunahan?

Ibinibigay ng estado ng Washington ang lahat ng inirerekomendang bakuna nang walang kailangang bayaran para sa mga batang hanggang 18 taong gulang. Tanungin ang pediatrician o ang regular na klinika ng iyong anak kung mayroon silang bakuna sa COVID-19.

Ang mga pamilyang walang provider ng pangangalagang pangkalusugan ay maaaring tumawag sa Help Me Grow WA Hotline sa 1-800-322-2588 o pumunta sa ParentHelp123.org upang humanap ng provider ng pangangalagang pangkalusugan, klinika, o iba pang dulugan sa kalusugan. Libre ang serbisyong ito at may makukuhang tulong sa wika.

Maaari mo ring puntahan ang VaccineLocator.doh.wa.gov at gamitin ang filter para makakita ng listahan ng mga lugar na may pediatric na bakuna na malapit sa iyo.

Maaari bang makatanggap ang aking anak ng bakuna sa COVID-19 kapag kumuha siya ng iba pang bakuna tulad ng para sa trangkaso?

Oo. Maaaring makakuha ang iyong anak ng bakuna sa COVID-19 kasabay ng iba pang bakunang kukunin niya.

Hindi mo kailangang iiskedyul ang mga kinakailangang pagbabakuna sa paaralan (nasa wikang Ingles lang) ng iyong anak o iba pang inirerekomendang bakuna nang hiwalay sa bakuna sa COVID-19. Ang appointment para sa bakuna sa COVID-19 ay isa pang pagkakataon para makuha ng iyong anak ang lahat ng inirerekomendang bakuna para sa kanya.

Kakailanganin ba ang bakuna sa COVID-19 para makapunta ang aking anak sa child care (pangangalaga sa bata) o day camp?

Pinagpapasyahan ng Washington State Board of Health (nasa wikang Ingles lang) kung aling mga bakuna ang kinakailangan para sa mga paaralan at pangangalaga sa bata. Sa ngayon, hindi kinakailangan ang bakuna sa COVID-19 sa mga paaralan o pangangalaga sa bata.

Para sa mga day camp, makipag-ugnayan sa organisasyong nagpapatakbo ng camp upang alamin kung ano ang kanilang mga kinakailangan.

Paano natin malalaman kung ligtas at mabisa ang mga bakuna para sa mga bata?

Upang matiyak na ligtas ang mga bakuna sa COVID-19, pinalawak at pinalakas ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC, Mga Sentro sa Pagkontrol at Pag-iwas sa Sakit) ang kakayahan ng bansa na subaybayan ang pagiging ligtas ng bakuna. Bilang resulta, masusubaybayan at matutukoy ng mga eksperto sa pagiging ligtas ng bakuna ang mga problemang maaaring hindi nakita sa mga klinikal na pagsubok ng bakuna sa COVID-19:

Pfizer

Mga batang 6 buwan - 4 taon

  • Tinatayang 4,500 batang 6 buwan hanggang 4 taong gulang ang nakilahok sa mga klinikal na pagsubok para sa bakuna sa COVID-19 ng Pfizer. Ang immune response ng hanay ng edad na ito para sa seryeng may 3 dosis ay katulad ng immune response ng mas matatandang kalahok. Walang natukoy na malalang side effect sa pag-aaral, na tuloy-tuloy na isinasagawa.

Mga batang 5-11 taong gulang

  • Tinatayang 3,100 batang 5 hanggang 11 ang nakatanggap ng bakuna sa COVID-19 ng Pfizer sa mga klinikal na pagsubok. Walang natukoy na malalang side effect sa pag-aaral, na tuloy-tuloy na isinasagawa.
  • Ang mga immune response ng mga batang 5 hanggang 11 taong gulang ay katulad ng sa mga indibidwal na may edad na 16 hanggang 25.
  • Halos 91% ang bisa ng bakuna sa pagpigil ng COVID-19 sa mga batang 5 hanggang 11 taong gulang.

Mga batang 12-15 taong gulang

  • 2,260 kalahok na 12 hanggang 15 taong gulang ang nakatala sa tuloy-tuloy na klinikal na pagsubok na randomized (walang tiyak na paraan ng pamimigay ng gamot) at placebo-controlled (may mga binibigyan ng placebo o hindi tunay na gamot) sa Estados Unidos.
  • Sa mga ito, 1,131 adolescent (teenager) na kalahok ang nakatanggap ng bakuna at 1,129 naman ang nakatanggap ng saline placebo (hindi tunay na gamot na gawa sa asin at tubig). Mahigit sa kalahati ng mga kalahok ang sinubaybayan para tiyakin ang kaligtasan nila sa loob ng hindi bababa sa dalawang buwan kasunod ng kanilang ikalawang dosis.

Moderna

Mga batang 6 buwan - 5 taon

  • Tinatayang 6,300 batang 6 buwan hanggang sa wala pang 6 taong gulang ang nakilahok sa klinikal na pagsubok para sa bakuna sa COVID-19 ng Moderna. 50% ang bisa ng bakuna sa pagpigil ng COVID-19 sa hanay ng edad na ito. Walang natukoy na malalang side effect sa pag-aaral, na tuloy-tuloy na isinasagawa.

Mga batang 6-11 taon

  • Tinatayang 4,000 batang 6-11 taong gulang ang nakilahok sa klinikal na pagsubok para sa bakuna sa COVID-19 ng Moderna. Ang immune response ng hanay ng edad na ito para sa bakuna ay naihalintulad sa immune response ng mga taong nasa hustong gulang. Walang natukoy na malalang side effect sa pag-aaral, na tuloy-tuloy na isinasagawa.

Mga batang 12-17 taon

  • Tinatayang 3,700 batang 12-17 taong gulang ang nakilahok sa klinikal na pagsubok para sa bakuna sa COVID-19 ng Moderna. 93% ang bisa ng bakuna sa pagpigil ng COVID-19 sa grupong ito. Walang natukoy na malalang side effect sa pag-aaral, na tuloy-tuloy na isinasagawa.

Novavax

Mga batang 12-17 taon

  • Tinatayang 2,200 batang 12-17 taong gulang ang nakilahok sa klinikal na pagsubok para sa bakuna sa COVID-19 ng Novavax. 78% ang bisa ng bakuna sa pagpigil ng COVID-19 sa grupong ito. Walang natukoy na malalang side effect sa pag-aaral, na tuloy-tuloy na isinasagawa.