Pagkuha ng testing kit
- Saan ako makakakuha ng COVID-19 test?
-
Mangyaring subukan ang mga sumusunod na opsiyon:
- Habang may supply pa, mag-order ng libreng testing kit (mga gamit sa pagsusuri) mula sa Say Yes! COVID Test (nasa wikang Ingles) o tumawag sa 1-800-525-0127 at pindutin ang # upang makakuha ng tulong sa wika. Limitahan ang order sa isa sa bawat sambahayan.
- Mag-order ng libreng testing kit mula sa Pederal na programa sa COVIDTests.gov (nasa wikang Ingles). Limitahan ang order sa isa sa bawat sambahayan.
- Bumili ng test na gagawin sa bahay mula sa mga lokal na nagtitinging tindahan at botika.
- Kung mayroon kang insurance sa kalusugan, maraming taga-insure ang magbabalik na sa iyo ngayon ng ibinayad mo na katumbas ng hanggang sa 8 test sa bahay kada buwan, para sa bawat taong nasa iyong plano. Magbasa ng marami pang impormasyon dito (nasa wikang Ingles).
- Kumuha ng test sa Lokasyon ng Pagsusuri na malapit sa iyo (nasa wikang Ingles).
Kung kailangan mo ng tulong sa paghahanap ng lugar ng pagsusuri na malapit sa iyo, makipag-ugnayan sa iyong lokal na kagawaran o distrito ng kalusugan (nasa wikang Ingles). Maaari mo ring tawagan ang 1-800-525-0127 at pindutin ang #. Kapag may sumagot na, sabihin ang iyong wika upang makakuha ng mga serbisyo ng pagsasaling-wika.
- Wala akong access sa internet / Hindi nakasalin sa aking wika ang website. Paano ako makaka-order ng libreng kit sa Washington?
-
Mangyaring tumawag sa 1-800-525-0127 at pagkatapos ay pindutin ang #. Mayroong makukuhang tulong sa wika. Maaaring mag-order para sa iyo ang call center gamit ang mga online na portal ng Washington at ng pederal na pamahalaan.
- Kailan ko matatanggap ang aking mga libreng test?
-
Ang mga test na hiniling sa alinman sa dalawang programa (Say YES! COVID Test (Magsabi ng OO! sa Pagsusuri sa COVID) o Federal Program (Pederal na Programa)) ay kadalasang naihahatid sa loob ng 1-2 linggo pagka-order.
- Ayon sa website, ubos na ang test. Kailan ulit magkakaroon nito?
-
Sa kasamaang-palad, wala kaming eksaktong petsa kung kailan ulit magkakaroon ng test dahil ang pagkaantala nito ay dulot ng pagtaas ng pangangailangan sa supply chain ng buong bansa. Mangyaring bumalik nang regular sa sayyescovidhometest.org para malaman (nasa wikang Ingles). Salamat sa iyong pasensya!
Kung kailangan mo ng test nang mas agaran, mangyaring gamitin ang mga opsiyong nakalista sa ilalim ng tanong na ‘Saan ako makakakuha ng COVID-19 test?'.
- Matapos sundin ang lahat ng inirerekomendang opsiyon sa pagsusuri, hindi pa rin ako makahanap ng test kahit saan. Ano ang gagawin ko kung sa tingin ko ay mayroon akong COVID-19?
-
- Paumanhin kung nahihirapan kang makahanap ng COVID-19 test, alam namin na limitado lang sa kasalukuyan ang supply sa buong bansa.
- Kung ikaw ay nakakaranas ng mga sintomas ng COVID-19 o nalantad sa COVID-19 at nag-aalala na maaaring nahawahan ka, inirerekomenda namin ang mga sumusunod:
- Sundin ang patnubay na kapareho ng sa kung ano ang gagawin kung nagpositibo ka sa pagsusuri sa COVID-19.
- Kung hindi mo maibukod ang iyong sarili, dapat mong gawin ang mga sumusunod:
- Magsuot ng mask na maayos na tatakip sa iyong ilong at bibig anumang oras na may ibang tao sa paligid mo sa labas ng iyong bahay (piliin ang KN95, KF-94, o 3-ply na surgical mask, kung maaari).
- Magpanatili ng hindi bababa sa 6 na talampakan/2 metro ng pisikal na distansiya mula sa ibang tao.
- Hugasan ang iyong mga kamay nang regular.
- Umiwas sa mga lugar na matao at sa mga malakihang pagtitipon.
Pangkalahatang pagsusuri
- Sino ang dapat magpasuri o magsuri sa sarili?
-
Inirerekomenda ng Department of Health (DOH, Kagawaran ng Kalusugan) ang pagsusuri para sa sinumang may mga sintomas na katugma ng sa COVID-19.
Inirerekomenda rin ng DOH ang pagsusuri para sa mga taong posibleng nalantad, gaya ng mga malapitang nakasalamuha ng mga kaso, o mga taong nalantad sa mga sitwasyon kung saan laganap ang sakit.
- Ano ang mangyayari kung magpositibo ako?
-
Sundin ang pinakabagong patnubay ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC, Mga Sentro sa Pagkontrol at Pag-iwas sa Sakit) at DOH, at ibukod ang iyong sarili sa bahay nang malayo sa iba. Dapat mag-quarantine ang lahat ng malapitang nakasalamuha.
- Ang lahat ng ipinagpapalagay o kumpirmado na may COVID-19 ay dapat manatili sa bahay at bumukod sa ibang tao sa loob ng hindi bababa sa 5 buong araw (ang ika-0 na araw ay ang unang araw ng mga sintomas o ang petsa ng araw na nakakuha ng positibong viral na pagsusuri para sa mga taong walang sintomas).
- Dapat silang magsuot ng mask kapag may ibang tao sa kanilang paligid sa bahay at sa pampublikong lugar sa loob ng karagdagang 5 araw.
- Kung makakakuha ng test ang isang indibidwal at gusto niyang magsuri, pinakamainam na diskarte ang paggamit ng antigen na pagsusuri kapag malapit nang matapos ang 5 araw na panahon ng pagbukod. Mangolekta lang ng sample para sa pagsusuri kung wala kang lagnat sa loob ng 24 na oras nang hindi gumagamit ng gamot na nagpapababa ng lagnat at bumuti na ang lagay ng iba mo pang sintomas (maaaring magtagal nang ilang linggo o buwan ang pagkawala ng panlasa at pang-amoy matapos gumaling, at hindi nito kailangang iantala ang pagtatapos ng pagbukod).
- Kung positibo ang resulta ng iyong pagsusuri, dapat ay patuloy kang bumukod hanggang sa ika-10 araw.
- Kung negatibo ang resulta ng iyong pagsusuri, maaari mo nang tapusin ang pagbukod, ngunit patuloy na magsuot ng mask na maayos na nakalapat kapag may ibang tao sa iyong paligid sa bahay at sa pampublikong lugar hanggang sa ika-10 araw.
Upang makapag-ulat ng positibong resulta ng pagsusuri sa COVID-19 na ginawa sa bahay at makakuha ng mga serbisyo ng pangangalaga, mangyaring tumawag sa Hotline para sa COVID ng Estado ng Washington sa 1-800-525-0127. Mayroong makukuhang tulong sa wika.
Kung na-download o napagana mo na ang WA Notify (Pag-abiso ng Washington) sa iyong smartphone, maaari mo ring gamitin ang tool na ito upang mag-ulat ng positibong resulta.
May makikitang karagdagang impormasyon dito: Ano ang gagawin kung nagpositibo ka.