Nagpositibo sa COVID-19

Kung nagpositibo ka sa pagsusuri sa COVID-19, ang magandang balita ay may mga hakbang kang magagawa upang mapanatiling ligtas ang iyong sarili at ang iba pang mga tao.

Ano ang gagawin kung nagpositibo ka

Manatili sa bahay at lumayo sa iba. Sundin ang pinakabagong patnubay sa pagbukod (nasa wikang Ingles lang) mula sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC, Mga Sentro sa Pagkontrol at Pag-iwas sa Sakit) at sa Washington State Department of Health (DOH, Kagawaran ng Kalusugan ng Estado ng Washington). Kung kailangan mo ng suporta habang nakabukod, maaari kang makakuha ng tulong mula sa Care Connect Washington.

  • Ihiwalay ang iyong sarili sa ibang taong nasa iyong bahay. Kung kaya mo, manatili sa ibang kuwartong malayo sa mga taong kasama mo sa bahay at gumamit ng hiwalay na banyo.

Subaybayan ang iyong mga sintomas. Kung lumala ang iyong mga sintomas o mayroon kang mga bagong sintomas na ikinakabahala mo, makipag-ugnayan sa iyong provider ng pangangalagang pangkalusugan. Tumawag sa 9–1–1 kung mapansin mo ang mga sumusunod na pang-emergency na babala ng COVID-19:

  • Problema sa paghinga
  • Tuloy-tuloy na pananakit o paninikip ng dibdib
  • Biglaang pagkalito
  • Kawalan ng kakayahang tumugon
  • Namumutla, o kulay abo o bughaw na balat, labi, o ilalim ng kuko, depende sa tunay na kulay ng balat

Magsuot ng mask na tatakip sa iyong ilong at bibig kung kailangan mong makisalamuha sa iba, kahit na nasa bahay ka. Dapat ding magsuot ng mask ang ibang tao sa iyong sambahayan.

Abisuhan ang iba upang mapigilan ang pagkalat ng sakit. Makipag-ugnayan sa iyong mga malapit na nakasalamuha (nasa wikang Ingles) at ipaalam sa kanila na maaaring nalantad sila sa COVID-19. Ang isang taong nahawahan ay maaaring magkalat ng COVID-19 kahit bago pa man siya magkaroon ng mga sintomas. Kapag inabisuhan mo ang iyong mga malapit na nakasalamuha, maaari silang magpasuri at mag-quarantine o bumukod kung kailangan upang maiwasan ang pagkalat ng virus sa iba.

  • Kung nagsuri ka sa bahay, iulat ang iyong positibong resulta sa hotline para sa COVID-19 ng Washington sa 1–800–525–0127. Sinusuportahan nito ang mga pagsisikap na matunton ang mga nakasalamuha (nasa wikang Ingles) at pinipigilan ang higit pang pagkalat ng sakit sa ating mga komunidad. Bukas ang linya ng telepono tuwing Lunes nang 6 a.m. hanggang 10 p.m., at mula Martes hanggang Linggo (at sa mga idinadaos na piyesta-opisyal) nang 6 a.m. hanggang 6 p.m. Mayroong makukuhang tulong sa wika.
  • Kung nagsuri ka sa bahay, humiling ng code sa pagberipika gamit ang WA Notify (Pag-abiso ng Washington) upang maalertuhan ang iba pang user ng WA Notify na maaaring nalantad, nang walang ibinibigay na pagkakakilanlan.

Makipag-ugnayan sa iyong provider ng pangangalagang pangkalusugan — kung mayroon ka nito — o sa lokal na klinikang pangkalusugan para sa payong medikal. Mabibigyan ka nila ng ilang tip kung paano manatiling maginhawa habang nagpapagaling. Ipapaalam din nila sa iyo ang tungkol sa mga sintomas ng malubhang sakit na dapat subaybayan, para makatanggap ka ng karagdagang pangangalaga kung kailangan mo ito.

Pahanginan ang iyong lugar nang madalas hangga't maaari. Kung puwede, buksan ang mga bintana, paganahin nang malakas ang fan sa thermostat mo, palitan ang filter ng iyong HVAC, o gumamit ng HEPA air purifier.

Kahit na gumaling ka na sa COVID-19 at maaari mo nang tapusin ang iyong panahon ng pagbukod, mahalaga na patuloy mong protektahan ang iyong sarili at ang iba. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagkuha ng bakuna at booster sa COVID-19, pagsuot ng mask sa pampublikong lugar, pag-iwas sa mga malakihang pagtitipon, paghuhugas ng iyong mga kamay, at pagpapagana ng WA Notify sa iyong smartphone.